Ang Dukesa ng Selda 69

45 6 2
                                    

Laging nauunang magising ang Dukesa, ganap na alas-singko y medya ng umaga.

Sa pusikit na ilaw ng papaimbulog na araw, makikitang nagpapahid na siya ng makeup, gamit ang kaunting liwanag na pumapasok sa mga rehas ng mataas na bintana.

Una ang concealer, para sa eyebags at mga linya sa ilalim at gilid ng mga mata.

Ikalawa, kaunting foundation sa lumang ispongha para magpantay ang kulay ng noo at pisngi.

Sunod naman, lipstick - para sa labi at maging sa pisngi na rin.

Dinadagdagan niya lagi ng lipstick ang kanang pisngi, para hindi pansinin ang peklat mula sa lumang tahi, malapit sa cheekbone.

Manipis man ang labi at nakatupi na dahil wala nang natirang ngipin, nilalagyan pa rin niya ng lipstick araw-araw, para daw siya'y bumata-bata, at baka makatagpo pa siya ng Prince Charming.

At sumasangayon naman ang mga kasama niya - oo, baka nga makahanap pa siya muli ng katuwang, bakit naman hindi. Nakapangasawa na siya dati sa loob - si Regidor - ngunit namatay naman ito sa sakit sa puso matapos ang kinseng taong pagsasama.

Naiwan siyang biyuda, at ang brigada ang kaniyang mga anak.

Ngumuso-nguso pa ang Dukesa sa harap ng isang maliit na salaming may bulaklaking kuwadra. Sinisipat niya kung pantay na ba ang pagkapula ng kaniyang mga matamis na panghalik.

Kumuha siya ng suklay at hinagod ang puting buhok nang mawala ang mumunting buhol. Piniga niya ang maliit na pakete ng kulay green na gel at mayuming hinalo ito sa palad, bago maingat na kininis sa buhok.

Una'y hahagurin niya paharap, bago dalhin sa gilid. Ani niya, hindi naman siya muebles, kaya bakit kailangan mangintab ang kaniyang tuktok kahit kulang na ito sa buhok?

Tulog na tulog pa ang brigada. Napangiti siya sa mga kasama sa selda, kahit miserable ang pakiramdam ng pagbabantay sa iilan na parang tinatawag na ni San Pedro sa dalas at lakas ng pag-ubo. Yung iba'y may wisik na ng dugo tuwing iniihit sa madaling araw.

Manipis man ang katawan, marami nang nauna sa kaniyang pumanaw na 'di hamak na mas bata sa kaniya.

'Di hamak din na mas matibay dapat. Kung bakit siya'y hindi na tinatablan ng mga karaniwang sakit sa kulungan, hindi rin niya sigurado. Siguro'y kinaibigan na ng katawan niya ang malmal ng bakterya sa loob ng selda, kaya nilalampasan na lamang siya.

Noong nakaraang linggo lang, naging box office sa kaniyang brigada ang sore eyes at pigsa. Marami ring umuubo na walang patid, kahit sa madaling araw na bahagyang lumalamig na ang selda't wala nang kilos nang kilos.

Mapanghi ang hangin; mapait sa lalamunan kapag nalalanghap ito. Paliwanag ng isang inmate sa nagi-interbyu dati mula sa isang istasyon ng radyo, ang amoy ay pinaghalo-halong dumi ng tao, katawang hindi nahuhugasan at panis na ihi.

Ang dumi, nilalagay sa isang malaking batya na may takip na plywood. Doon na rin sila umiihi, para iisang lugar na lang dumi. Ngunit lahat naman talaga dito, madumi.

Parang dancer sa bar, gumigiling at umiikot ang amoy na ito paikot sa mga selda, araw at gabi. Hindi nauubos o lumilipas ang tapang ng amoy. Isang paalala sa tuwina kung nasaan ang mga tao sa loob.

Bagamat masangsang ang amoy, hindi na ito napapansin ng Dukesa. Marami pang bagay na dapat unahin, kaysa sa pag-aalala sa kung ano ang amoy ng seldang mahigit trentang katao ang laman.

"Do da matematiks!" lagi niyang sinasabi sa mga bagong saltang nauubos ang oras katatakip ng bibig at ilong para lang mabawasan ang hilo sa amoy.

PULSONG NAGWAWALATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon