-Alay sa mga nakagapos, na malapit nang makawala.-
Tuwing sumasapit ang semana santa, abala si aling Paz sa pag-iikot sa mga suking subdivision at barangay hall sa kanilang bayan, at sa mga panahong ito'y kailangang-kailangan ang kaniyang serbisyo.
Lunes ng umaga pa lang ay nakaupo na si Paz sa temporaryong silong sa kanilang barangay na gawa sa mga dahon ng nipa at kawayan. Bitbit ang kaniyang lumang kopya ng Pasyon ni Gaspar Aquino de Belen, kinukulayan niya ang hangin ng iba't ibang hinagpis at paghihirap ni Hesus.
Tuwing siya ang mambabasa, talaga namang napapatigil ang mga dumadaan at pinagbubuti niya ang pag-arte habang nagbabasa. 'Di tulad ng ibang mambabasa na walang ritmo o tiyempo, sinisikap ni Paz na gawing musikal ang kaniyang pagbabasa, kahit madalas ay hindi naman talaga nakikinig ang mga tao sa paligid. Bahala na ang Dios sa mga tampalasang ito, na ayaw makinig sa mga paghihirap at sakripisyo ng Panginoong Hesus.
Miyerkules ng gabi, nakatanggap si Paz ng isang text mula sa isang di-kilalang numero. Hindi naman siya nabahala at maraming nagpapasa-pasa ng numero niya tuwing semana santa, at madalas ay mabilis sumuko sa pagbabasa ang mga 'di sanay magbasa ng pinakamamahal na Pasyon.
"pwd pu b kau sa brgy. tres dolorosa? magdamag pu."
"CGE 500.MAY MRYENDA SNA."
"may pondo pu hom-oner ge pu. txt nlng pu pag nsa bukana na keu."
"CGE"
Napangiti ang matanda at nagkuwenta sa isip. Siksik, liglig at nag-uumapaw ang semana santa, lalo na sa tulad niyang may angking talento sa pagbasa sa mga banal na salita ng kuwento ng Panginoong Hesus.
Nag-antanda siya at pinagpag ang lumang paldang itim. Hinipo ang krus sa dibdib, na bigay pa ng kanyang inang Pasyonista rin. Tinaas ang salamin upang punasan ang nagluluhang mata, at 2-3 oras lang tulog tuwing semana santa. Isang linggong sakripisyo, pero malayo sa lugi - at masasabi niyang banal na trabaho ito, na 'di kaya ng mga kabataang lulong sa bisyo at kamunduhan.
Nag-text muli ang numero at sinabing mga gawing alas-dose na siya pumunta. Nagtaka ang matanda, at 'di dapat napapatid ang pagbabasa ng Pasyon. Naisip niya, siguro'y may nagbabasa pa sa mga oras na ito't siya ang panghalili. Ginamit niya ang oras para magpahinga. Balak niyang magpasikat sa pupuntahan nang magmarka sa kapitan at mga amuyong nito. Para sa susunod, siya na ang makakakuha ng mas malaking hiwa ng araw.
Pasado alas-onse ng gabi'y sumakay na siya ng jeep papunta sa Barangay Tres Dolorosa. Mayroon siyang kumareng lumipat dito kamakailan lamang, pero hindi na nag-tetext. Siguro'y abala, naisip ni Paz. Abala sa bagong asawa. Napahagikgik ito sa naisip, dahil ang kumare'y may bagong kinakasamang mas bata ng 20 taon sa kaniya.
"Ang kerengkeng, kakerengkeng talaga." Busog sa kilig at tawa ang matanda pagbaba niya sa bukana ng Tres Dolorosa. Sumakay siya muli ng tricycle papasok sa loob. Sinabi niya, dalhin mo ako sa pabasa at ako'ng magbabasa ngayong gabi. Tumango ang drayber at tinadyakan ang motor. Mabagal silang pumasok papaloob ng Tres Dolorosa.
Madilim ang daan, tulad ng inaasahan. Ngunit ang hindi inaasahan ni Paz, ay ang labis na dilim ng lugar kung saan ginaganap ang pabasa. Sa halip na modernong bumbilya ang gamit, mga dilaw na kandila ang nakakalat sa paligid. Mukha tuloy eksena sa baryo noong araw, noong kabataan niya. Gasera at kandila, tuwing bagyo at unos. Sinalubong siya ng isang batang lalaki na maputla. Nagpakilala ito bilang si Dos.
"'Nay ako si Dos. Ako nagtext po."
"Kaawaan ka ng Dios, Dos." Hinipo pa ni Paz ang ulo ni Dos bilang tanda ng pagbabasbas sa batang lalaki.
Tila natuwa ang bata at hinawakan si Paz sa braso upang dalhin sa upuan. Nagulat si Paz sa taglay na lakas ng bata. Parang inipit ng gulong ang kaniyang braso. sa gulat, hindi na nagawang magalit ng matanda.
Naupo si Paz at tumingin sa paligid. Bukod sa manipis na silong na gawa sa nipa at ang maliit na mesa, walang ibang tao sa paligid. Walang ilaw na elektrikal, puro kandila lamang. Kakaiba talaga. Sa dami ng napuntahan nang pabasa ng matanda, ngayon lang siya nakaranas ng ganitong sitwasyon kung saan hindi niya halos mabasa ang maliliit na letra sa kaniyang lumang kopya ng Pasyon.
"'Nay, heto po ang gagamitin ninyo." May inabot si Dos na libro, isang kopya rin ng Pasyon. Iba ang pabalat, pero nakita naman kaagad ni Paz na Pasyon ito, siguro'y mas mahal na bersyon. Hindi na siya nagreklamo at maputi ang papel at mas malaki ang imprenta, kaya mas madaling basahin sa pusikit na dilaw na ilaw ng mga kandila.
Nagsimula si Paz saktong alas-dose ng gabi. Naupo si Dos sa tabi niya at tahimik na nakinig. Hinintay ni Paz na kunin ni Dos ang kaniyang selpon para mag-Peysbuk, tulad ng kaniyang apong si Anna, pero tahimik itong nakinig sa bawat salita ng Pasyon. Nagsimula nang magduda ang matanda.
"Ano pa't ang balang bagay, na di nating natitignan dapat sampalatayaan, na ang isang Dios lamang ang may gawa at may lalang."
Gumuhit ang matinis na boses ni Paz sa gabi. Naramdaman niyang nabuhay ang paligid, at pakiramdam din niya'y napaliligiran siya ng napakaraming taong sabay-sabay na ngumingiti at nagbubulungan, nagdidiwang sa kaniyang pagdating.
Napatigil ang matanda at pinunasan ang salamin, kasunod nama'y mata at ilong. Wala. Walang tao sa paligid, bukod kay Dos na nakatingin lamang sa kanya. Nagpatuloy siya.
"Ang pangingimbulo ng dimonyo sa mag-asawang ama nating si Adan at Eba."
Nakaramdam ng matinding init ang mambabasa ng Pasyon. Nagsimula ang init mula sa likod ng kaniyang ulo, at dahan-dahan itong kumalat patungo sa kaniyang batok, tenga, pisngi at mata.
Namula bigla ang paligid, ngunit pinilit niyang magpatuloy. Hindi na namalayan ng matanda ang paglipas ng oras. Tatlong oras na siyang nakaupo sa may mikropono, at alas-tres na ng madaling araw. Nagsimula nang magmanhid ang kaniyang ulo at dila, at pakiramdam niya'y nag-iiba na ang teksto sa kaniyang Pasyon.
"Kaluwalhatian ang dala ng tunay na tagapagligtas mula kay Hesus, na traydor ng Sanlibutan."
Nagsasayaw ang paningin ni Paz, at sa kaniyang pagkahibang ay naisip niyang napaliligiran siya ng mga taong puro putik ang katawan. Humalo sa hangin ang lansa ng dugong binubuhos pagkatapos magkatay ng kambing o baboy.
Tanging ang mga mata lamang ng mga nakapaligid ang nanatiling malinaw sa paningin ni Paz. At sa huling sandali, sinubukan niyang tumawag ng tulong sa Dios bago tuluyang biyakin ang tiyan niya't leeg ng mga sumasambang nag-aalay sa panginoong humihingi ng dugo at laman kapalit ng mga dasal at hiling.
Ito ang kanilang panata. At ang panata'y 'di binabalewala.
BINABASA MO ANG
PULSONG NAGWAWALA
General FictionMga kuwentong fantasya at fantastiko. ~ Cover: A Broken Man by jafooo (Deviantart)