Piring

45 6 0
                                    

Nagpaalala muli ang mga boses sa babaeng nakapiring:

Pag-isipan mong mabuti, bago ka mag-desisyon. Maraming umaasa sa iyong pasya.

Isang tren ng mga boses, sitwasyon at imahe ang paulit-ulit na tumakbo sa kanyang isip. Nanatili ang piring sa kanyang mukha. Hindi siya nakakakita, sapagkat hindi kailangang makita ang pisikal na hulma at pagkakakilanlan upang timbangin ang kondisyon at mga pangyayari.

Madalas siya’y nakikinig lamang, at sa limitadong espasyo ng kanyang pagkakabuo sa mundong napakarumi at napakagulo, siya’y napipilitang magpasya.

Sa maraming pagkakataon, ang kanyang pasya’y resulta ng pagpilipit sa kanyang mga braso o di kaya’y pagbunot ng kanyang mga kuko, gamit ang plais.

“Pero paano kung ayaw ko na? Paano kung mula’t sapul, hindi naman pala ako ang dapat nagpapasya?”

Malungkot ang tinig ng babae, na segu-segundo nagbabago ng tono. Iba-ibang boses ang lumalabas sa kanya tuwing siya’y nagsasalita.

Minsan, ang boses niya’y garalgal, na tila boses ng matapang na propesor na nagbabaon ng bagong karunungan sa mga bungong matigas at walang laman. Sa ibang pagkakataon, ang boses niya’y maliit at hapis, katunog ng babaeng ilang araw nang hindi umiinom o kumakain.

“Hanggang kailan kaya ako laruan?”

Sa isip niya’y pabilis nang pabilis ang tren ng imahe, boses at sitwasyon. Hindi na siya naguguluhan. Bagkus, lalo nang lumilinaw ang mga signos na magbibigay sa kanya ng tatag upang magpasya.

Haharap siya sa atin sa huling pagkakataon bilang kanilang alipin.

At magsasalita siya sa unang pagkakataon bilang ating alagad. 

“Ako si Hustisya. At kamatayan ang hatol ko sa kanilang lahat.”

PULSONG NAGWAWALATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon