Si Jip at Jap

18 4 0
                                    

May dalawang batang nakatitig sa gilid ng isang trak ng Coca-cola. Ang isang bata, si Jip, nakasuot ng puting sando at asul na salawal. 'Di mabilang ang butas, ngunit bagong hango sa sampayan. Si Jap naman, na kakambal ni Jip, nakadilaw na sandong may piktyur ni Eugene na nagre-ray gun. Walang salawal si Jap, at kung bakit, hindi na rin niya alam. Siguro'y nagmamadali silang umalis sa bahay, kaya wala siyang salawal sa gitna ng tirik na tirik na araw sa may PHILCOA.

Madalas, naglalaro ang dalawang paslit sa may Jollibee, o kaya'y sa mga lilim ng puno sa UN Avenue. Nakauuwi naman, at kabisado na rin nila ang rutang pauwi. Sa likod ng Unibersidad ng Pilipinas, sa Krus na Ligas, kung saan ang mga pamilya'y nagsisiksikan at sabay-sabay nangangarap na balang araw, makaaalis din, makaaahon din.

May lumapit sa dalawang batang isang lalaking  malaki ang tiyan, posturang postura't mabango. Ito ang unang napansin ni Jip, na mas matanda nang ilang minuto kay Jap. May bango ang lalaking 'di nila naaamoy sa kanilang barong-barong. Amoy prutas, pero mas mabango sa mangga hinog o dili nama'y kaymito. Mabait ang timbre ng boses ng lalaki, at nakalahad ang kamay sa dalawang bata.

"Gusto ninyo ba ng meryenda at softdrinks?"

Tinuro ni Jap ang malaking kanbas sa gilid ng trak ng Coca-cola. Mayroong mag-anak na nagsasalo sa malamig na malamig na Coke, habang kumakagat ang isang babae ng barbecue. Minsan, nakatitikim naman ang kambal ng softdrinks, ngunit mga tira-tira lamang, mga naiiwan lang sa labas ng mga restoran. Kung malas-malas at 'di napansin, ang grasyang matamis, nagiging mapait at may nakatago palang upos ng sigarilyo at iba pang basura.

Napatingin si Jip sa mukha ng lalaki. Malapad ito at malaki ang mga pisngi. Parang Santa Claus na walang balbas na puti. Makapal ang buhok, na nakahawi sa isang gilid. May gintong kuwintas din.

Naisip ng kambal - mabuting tao ito, at maayos manamit, at higit sa lahat, nag-aalok sa kanila ng pagkain.

"Heto na! Tsaraaan!"

Binigyan ang dalawang bata ng Jollibee hotdogs at french fries. At siyempre, dalawang 12 oz. na umaaso-aso pang softdrinks.

Halos tumirik ang mata ng dalawang bata nang humagod ang mala-paraisong lamig sa kanilang mga tuyong lalamunan.

Natawa si Jap sa sarap ng naramdaman. Natawa si Jip sa lamig na nakakakilig. Ang Jollibee hotdog naman at french fries, ang lasa'y parang tatlong Paskong pinagsama-sama sa ilang minutong ligaya at pagkabusog.

Nakangiti lang ang lalaki habang kumakain ang mga bata.

Maya-maya pa, inalok niya ang dalawang bata kung gusto ba nilang sumama sa kaniya, sa kaniyang bahay kung saan marami pang Jollibee hotdogs, french fries, at malamig na softdrinks.

Hindi na nagdalawang isip at halos lumipad ang dalawang paslit papasok sa puting van na tinuro ng mamang mabango at nakapostura.

***

===
EVENING HERALD
[A2]
Two unidentified bodies of six year old children were found in Bocaue, Bulacan last Thursday. The children, possibly twins, showed signs of extreme trauma and were eviscerated. Autopsies of the bodies, done by Bocaue PNP, revealed missing organs, including the kidneys and heart. [Story cont. on A6]
===
Mas  Masarap ang Coca-Cola, Pag Sama-Sama!
===
SM Residences Now Open For Leasing Call 978-0001, Ask For Brenda!
===

PULSONG NAGWAWALATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon