Nakatitig mabuti si Arturo sa matalim na scalpel habang pinapainitin niya ito sa gasera. Kailangan mapabaga niya kahit bahagya ang talim, bago niya pupunasan ng sterile na gasa. Mahina na ang gasera at paubos na ang kerosene. Ang kaniyang pasyente, wala nang malay sa sahig. May nakarolyong tshirt ito sa ilalim ng ulo. Masukal at maalikabok ang sahig ng kubo, at may mga linya pa ng langgam na kahit anong walis, nabubuo at nabubuo lang muli. Hindi maaaring maging maselan, kamatayan ang pagiging maselan.
Marami nang nagtangka, ngunit wala ni isa ang nagtagumpay. Ibinaba ni Arturo ang pinainitang patalim sa maliit na lamesang kinarpintero niya ilang buwan na ang nakalilipas. Inayos niya ang salamin, at hinawi sa noo ang makapal na buhok. Mainit ang simoy ng hangin, mamasa-masa. Nakahihilo. Tumayo ang taga-opera at nakinig sa huni ng mga ibon, sa hanging bumubulong sa pagitan ng mga puno, sa galaw ng maliliit na hayop sa sahig ng kagubatan. Sinanay na niya ang kaniyang sariling pag-ibahin ang galaw ng hayop at yabag ng tao. Sa kanilang pagkakapiit sa bundok na ito'y tumalas nang husto ang kaniyang pakiramdam, lumakas ang pandinig at naging mapangilatis ang paningin. Para na rin siyang mailap na usa; hindi maibaba ang ulo upang kumain hangga't hindi nakasisigurong walang nakamasid.
Nang makasigurong walang paparating, umupo muli ang lalaki sa tabi ng kaibigang nahihimbing dahil sa chloroform. Dahil walang anestesya, kailangan patulugin ang pasyente gamit ang chloroform. May kalahating bote pa ng chloroform sa tabi ni Arturo, at isang panyong mamasa-masa pa sa kemikal. Ang balak niya'y ipapatong na niya ang panyo sa mukha ng kaibigan kapag sinimulan na niya ang pakikialam sa patibong sa likod ng ulo nito.
Sa 'di na mabilang na pagkakataon, pinunasan ni Arturo ang mga butil-butil na pawis na namuo sa kanyang noo at ilong. Hinubad niya ang kaniyang salamin (na 'di na niya sukat talaga, matagal na) at sinubukang palinawin gamit ang lumang panyo. Malabo pa rin. Sinuot niya muli ang salamin at inulit-ulit sa sarili kung bakit kailangan nilang gawin ni H arold ito.
***
Taong 2082 nang sila'y dalhin sa kakaibang penal colony na ito, sa bundok na dating tinawag na Arayat. Tatlong taon na ang nakalilipas, at hindi pa rin malinaw ang kaso nila, at kung kailan sila lilitisin. Ang penal colony sa bundok ay proyekto ng gobyerno ng Supremo, para daw maging mas makatao ang trato sa mga kriminal, lalo na sa mga kumakalaban sa gobyerno – ang mga aktibista, intelektuwal, at mga lider ng mga hukbo ng mamamayan na inaarmasan ang sarili laban sa pamahalaan. Magkakaroon daw ng panibagong buhay ang mga nakapiit sa bundok. Malaya silang makagagalaw. Walang rehas, walang tanikala. Walang guard tower o barbed wires. Walang gun turret at mga ripleng nakatutok sa mga ulo ng mga bilanggo. Walang harang ang bundok, at malayang makabibisita ang mga kaanak isang beses sa isang buwan. May mga bahay na maliliit o kubo, para sa lahat. May mga guwardiyang nakadestino sa bundok mula sa pambansang konstabularyo, ngunit naroon lang daw ang mga pulis upang panatilihin ang sagradong pagkapayapa ng Montaña de la Muerte.
Hindi Montaña de la Muerte ang orihinal na bansag sa pasilidad. Sa internasyunal na press, ang gusto ng gobyerno ng Supremo’y tawagin itong Comprehensive Humane Correctional Mountain Facility o CHCMF. Magara ang mga presentasyon sa midya-internasyunal, at kumuha pa ang gobyerno ng mga eksperto mula sa iba't ibang larangan upang magbigay ng testimonya ukol sa kabutihan ng solusyon ng gobyerno sa 'di na mahulugang karayom na mga correctional facilities sa Pilipinas.
Bukod sa mga intelektuwal mula sa Pilipinas, na kinabilangan ng isang ekonomista, dalawang political scientist, isang eksperto sa cultural studies na bihasa kay Foucault, at maging isang anthropologist, kumuha rin ng mga eksperto mula Estados Unidos, Alemanya at Pranses ang gobyerno. Iisa ang mensahe ng Pilipinas sa buong mundo - nakamit na namin ang nirvana pagdating sa sistema ng koreksiyonal, at wala na ring magiging isyu sa human rights.
Ngunit hindi lahat ng tao’y nakumbinsi ng indayog ng karnabal at makukulay na fireworks show.
May mga nagduda, may mga nag-isip.
Nang pormal na buksan ang pasilidad, maraming peryodista't iba’t ibang uri ng manunulat ang kusang nagsaliksik sa katotohanan sa likod ng mabangong pangalan ng Comprehensive Humane Correctional Mountain Facility.
Sa unang anim na buwan ng CHCMF, sumambulat ang katotohanan sa internasyunal na labangan ng midya't kalakhang MegaNet.
Kaya pala walang mga rehas, tanikala, pader o bakod man lang sa CHCMF.
Bawat paris ng bilanggo, may aparatong nakabaon sa likod ng bungo. At sila'y binalaan: na kung isa o pareho sa magkaparis na bilanggo ay lalampas ng isang milya mula sa "safe zone" na nakapalibot sa bundok, parehong bilanggo ang mamamatay. Ngunit sikreto ang operasyon, at hindi bahagi ng opisyal na naratibo ng pasilidad ang paglalagay ng patibong ilang milimetro lamang layo sa utak ng mga bilanggo.
Si Karl Castro, isang batang peryodista ng independent press na Progreso Pilipino, ang unang nakadiskubre ng iregularidad na ito sa kaniyang pag-iinterbyu sa isa sa mga politikal na bilanggo ng gobyerno. Napansin ni Karl ang panghihina’t pagkahilo ni October Pinpin, isang makatang dinakip at pinaratangan na kalaban gobyerno. Sa limitadong interbyu ng batang peryodista sa aktibistang si October, nakita niya ang madalas na paghipo sa likod ng ulo nito, na parang may iniindang pigsa o bukol na namamaga. Nang magpalit ng guwardiya sa receiving area ng isang guard house malapit sa tinaguriang “safe zone” ng bundok, mabilis na umikot at sinilip ni Karl ang likod ng ulo ni October. Laking gulat na lamang niya nang masilayan ang mahigit anim na pulgadang tahi sa ulo nito, na nagsimula malapit sa taas ng batok at aabot na halos sa bumbunan. Kinuhanan ni Karl ng mga piktyur ang tahing ito gamit ang micro camera na kaniyang naipuslit nang siya’y pumasok sa kampo ng mga guwardiya’t nakiusap na makipagusap sa isang bilanggong politikal.
Wala pang kwarenta-otso oras ay naglagablab ang midya-internasyunal ukol sa malaking tahi sa likod ng ulo ng bilanggo, na mabilis namang sinagot ng gobyerno ng Pilipinas. Sa gitna ng panibagong round ng paingay at zarzuela, lumabas ang mga granyulo ng katotohanan – na labag sa karapatang pantao ang ginagawa sa mga pinapadala sa pasilidad, ngunit ito ang pinakamurang paraan para walang magbalak tumakas. At ginawang paris ang mga patibong nang magkaroon ng pananagutan ang mga bilanggo sa isa’t isa. Tinawag ng Spanish press na Montaña de la Muerte ang bundok, at kinuha na ito kaagad ng iba’t ibang outfit ng midya mula sa iba’t ibang bansa. Mula sa pagiging simbolo ng pag-asa at pagbabago, naging simbolo ang bundok ng barbaridad – at mula noo’y nanahimik na lamang muli ang mga opisyal ng Supremo, nang kusang mamatay na ang mga balita. Nagpatuloy ang buhay sa ilegal na pasilidad, at ang proseso nito ng pagkukulong sa mga bagong bilanggo ay ‘di na muling naungkat at naging ispektakel. Sa kalahating dekada nitong pago-operate, wala pa ni isang bilanggo at pinapakawalan, sapagkat walang pinapawalang-sala ang mga hukuman. Ang bundok ang naging tapunan ng mga taong mapanganib, masyadong mapanganib dahil sa kanilang mga nalalaman at mga paniniwala.
***
Napalunok si Arturo nang bumukal ang dugo sa batok ng kaibigan. Gusto man niyang tumigil at tahiin na lang muli ang ulo ng kaibigan, alam niyang magagalit ito sa kaniya. Wala nang mawawala, ika ni Harold kay Arturo noong binuntis nila ang ideyang makawala sa bundok. Kung totoo ang mga bali-balita, magsisimula na ang pasikretong pagpatay sa mga bilanggo, at nais ng Supremo na mabawasan ang populasyon sa bundok. ‘Yon lamang ang kanilang napiga mula sa ibang bilanggong narinig lang din ang balita sa mga guwardiyang naaawa, o kung ‘di man ay natutuwa at ‘may paglalagyan’ na ang mga nakakulong sa pasilidad.
Nang magbago ang iskedyul ng mga guwardiya at naghigpit ang pagbabantay sa ilang bilanggo, dito na napagtanto ng magkaibigang hindi tsismis ang balita, at mayroon ngang binabalak ang pamunuan ng pasilidad sa kanila. Si Harold ang nagmakaawa sa isang duktor sa infirmary kung paano babaklasin ang aparato. Ang masaklap, hindi rin sigurado ang duktor kung tatalab ang nalalaman niya. Mayroong mga fail-safe ang aparato, ngunit ang kaniyang magagarantiya, ay isa sa dalawang bilanggo ang mabubuhay.
Pinili ni Arturo na siya na lamang ang magbubukas sa aparato, at mas sanay siya sa pagbutingting ng elektroniks. Mag-isa na lamang si Arturo sa buhay, at namatay na ang kaniyang mga magulang sa isang sakuna sa Leyte nang bumagyo doon at nawasak ang bahay nilang mahigit isandaang taon nang nakatayo’t gawa pa sa adobe’t mga sinaunang kahoy.
Ineksamin mabuti ng nag-oopera ang sugat bago niya diniin muli ang scalpel upang palawigin ang buka. Nakita na niya ang maliit at pabilog na shield na nabanggit ng duktor. May tatlong ilaw ito, lahat kulay lila at kumikislap-kislap. Active, sabi ng duktor. Kailangan magpula ang tatlong ilaw na ito upang mawala ang binary connection sa kabilang patibong. Tinungkab ni Arturo nang dahan-dahan ang makintab na takib at sinilip ang nasa loob. Maraming maliliit na wire na iba’t ibang kulay. May kombinasyon daw ang deactivation ng patibong – tatlong pula, isang asul, tatlong pula. Kapag namali ng putol sa mga wire o kung mali ang pagkakasunod-sunod, maaari silang mamatay.
Gamit ang maliit na gunting, pinutol ni Arturo ang mga wire ayon sa pagkakasunod-sunod na tinuro sa kanila ng duktor. Wala siyang ibang pinanghahawakan, at kung sila’y tinraydor ng duktor, mamamatay na silang magkaibigan sa mga oras na yon.
Matapos ang halos isang oras ng pagaalinlangan at kaba, natapos na rin ang pagputol ng mga wire. Kaya lang, ang tatlong ilaw na dati’y lila, naging isang dilaw at dalawang pula. Hindi pa tuluyang napatay ang patibong. May posibilidad pa rin na sila’y mamatay sa kanilang pagtakas.
Mas ligtas ang pagtakas kung si Harold ang mauuna. Dahil ang aparato ni Arturo ay ‘armed’ pa rin, hindi siya maaaring mauna. Masyadong delikado at halos isandaang porsyento ang kasiguruhan na mati-trip ang signal sa kaniyang aparato.
***
Isang oras bago ang madaling araw, nang makatulog na ang bantay sa “safe zone” sa paanan ng bundok, nagpaalam si Harold sa kaniyang kaibigan.
Mula sa “safe zone”, nasa kinse hanggang bente minuto lalakarin ni Harold ang isang milya patungo sa kalsadang paalis na sa teritoryo ng pasilidad. Ang usapa’y susunod si Arturo matapos ang bente minuto, at sabay silang maglalakad patungong bayan.
Walang dalang ilaw si Harold nang siya’y maglakbay patungo sa dulo ng “safe zone.” Mabigat man sa kalooban, hindi na rin siya lumingon sa kaibigan, na nanatiling nakaupo at nanginginig sa lamig sa entrada ng maliit nilang kubo. Kumaway na lamang si Arturo sa kaibigan, at pinagdasal ang kaligtasan nito.
***
Matagal naghintay sa dilim si Harold. 20 minuto. 40 minuto. Isang oras.
Iba’t ibang senaryo ang dumampi sa kaniyang isipan, at lahat ng ito’y hindi mabuti ang pinatunguhan.
Nang lumipas ang dalawang oras na walang Arturong lumitaw, humagulgol si Harold sa damuhang kaniyang kinauupuan. At dito na siya sininagan ng mga konstabularyong may dalang mga riple at search lights.
BINABASA MO ANG
PULSONG NAGWAWALA
Художественная прозаMga kuwentong fantasya at fantastiko. ~ Cover: A Broken Man by jafooo (Deviantart)