Damang-dama ni Nestor Dimagiba ang paparating na glorya. Ilang linggo rin siyang nag-iipit ng padala-dalawang daang piso para sa gabing ito.
Nasa probinsya si Meling, ang mga bata nama'y nasa lola nila ng dalawang araw. Nakapag-ipon na siya ng sapat na pera para makapunta sa Amaya KTV and Grillhouse sa Zapote.
Bumusina si Nestor (Nes sa kaniyang mga kaibigan) sa isang grupo ng kababaihan sa tapat ng isang 7-11.
"Manong sa may Sogo lang."
Patagong sinilip ni Nes ang mga sumakay. Mga chicks, mga edad disisyete pataas. Yung pinaka-lider nila (sa porma pa lang, alam mo na), mala-labanos ang balat, kahel ang buhok at pink ang labi. Dinudutdot nito ang selpon habang nakikipagharutan sa mga kasama. Steding-stedi ang bulwak ng gaga, baliw, kike mo at iba't ibang malikhaing paraan upang tawagin ang isa't isa.
Ang dalawang kasama ng lider na may kahel na buhok at mamula-mulang pisngi, mga morena't may itsura rin. "''Day, malakas ang raket ngayong gabi, day!" masayang balita ni Morena 1, na tinaas nang bahagya ang suot na pink na tube at lumalabas nang kaunti ang biyak ng dibdib. "Swerte mo 'day, nako, kung ako sayo wag mo na pawalan yan, lakas ng kita mo kay Roger ba 'yon?" sagot ni Morena 2, na nakaputing tube naman. Tumango-tango si Morena 1.
"Para, manong!" sigaw ng lider. Nagmadaling bumaba ang tatlo, at nadulas pa ang isa (ay puke!) at katatapos lang ng ulan. Maputik at maanggo ang kalsada. May bad breath na naman ang siyudad.
Naaamoy pa rin ni Nes ang naghalong mga pabango ng tatlo. Nangibabaw ang amoy nila kahit amoy pusali ang siyudad sa mga oras na 'yon. Napakagat ang lalaki sa labi. Hindi na niya kayang magpigil pa. Kinambyo niya ng primera ang lumang jeep na minana pa niya sa tatay niyang si Pedring (sumalangit nawa ang kaniyang kaluluwa) at nag-maneobra.
Lumusot ang uugod-ugod na jeep sa intersection, kahit bawal mag-u turn doon. Kumambyo siya muli ng segunda, tersera at binaon nang maigi ang paa sa pedal ng gas. Umatungal ang makina ng jeep sa biglang pagbilis.
Tama na ang matamlay na pasada. Kailangan na niyang makauwi at maliligo pa siya. Ngayong gabi, ipapahinga niya ang kaniyang pangkabuhayan at gagamitin ang sosyal na 'big bike' ng kumpare niyang si Estong. Honda Fireblade 1000 cc 'yon, puwedeng puwede kahit saan, kahit sa NLEX.
Puwedeng puwede rin na pansakay sa isang chick! O chicks! (Magyakap na lamang sila sa likod, puwede naman 'di ba?)
Ginarahe ni Nes ang jeep at naligo. Pagbukas niya ng bahay, madilim. Naputulan pa yata sila ng kuryente. O may sumabog na fuse. Nangapa nang kaunti si Nes patungo sa kusina para makapagsindi ng kandila.
"Bari-bari apo..." bumulong si Nes sa dilim, kahit alam niyang wala namang mga nuno sa bahay nila. Pero iba kasi ang dating kapag brownout. Kahit ang may-edad na, naglalaro pa rin ang isip kapag madilim. Kung ano-ano ang naiisip. Kung ano-ano ang akalang naririnig, naaamoy, nakikita sa pusikit na ilaw ng kandila.
Sa kuwarto nilang mag-asawa, hinanap ni Nes ang lumang sapatos na pinagtataguan niya ng pera. Sinipat niya ang kumpol ng kuwarta at nagbilang. Sapat kung sapat. Mahigit 1,500 ang naipon niya. Mag-isa lang naman siyang pupunta sa Amaya. Puwedeng-puwede na 'to!
Amaya, pasado alas-dose ng gabi. Katatapos pa lang ng happy hour (10 PM - 12 AM, FREE MANI!), kaya mas mahal nang kaunti ang beer. Sinalubong si Nes ng isang bouncer sa harap ng KTV, at kulang na lang ay buhatin siya paupo sa isang puwesto sa tapat ng entablado. Sinlaki yata ng binti ni Nes ang leeg ng bouncer, at puno ng tato ng mga tinik at ahas.
Napahawak si Nes sa sariling leeg habang tinatanong siya ng bouncer kung ilang timba daw ba ng San Mig ang kaya niya sa gabing 'yon. "I-isa lang. Isang bote na muna."
Nalukot bahagya ang mukha ng bouncer sa narinig. Tumawag ang bouncer (na si Bruno) ng mga babae mula sa kanilang pahingahan sa gilid ng KTV. Lumapit ang tatlo. Madilim ang KTV, at ang tanging maliwanag lang ay ang entablado kung saan may nagsasayaw na bebot na nakapulang panty at bra.
'Di man tugma ang sayaw sa tugtog, at parehong kaliwa ang paa, malakas pa rin ang palakpakan ng mga parokyano sa star dancer, lalo na nang tanggalin ng star dancer (na si Gracie Mae) ang kanyang pantaas. Paglaglag ng bra ay mabilis na tinago ng babae sa isang braso ang malulusog na dibdib, at gumiling muli sa mapanuksong Careless Whisper ni George Michael.
Gusto sanang itanong ni Nes kung magkano pag tineybol niya ang star dancer ng Amaya, pero napailing siya bago pa man lumabas ang tanong sa kaniyang bibig. Mahigit sa 1,500 lang ang dala niya. Siguradong masusunog ang pera niya kung susubukin niyang iteybol man lang ang star dancer (na si Gracie Mae).
Tiningnan ni Nes ang tatlong babaeng nagpapateybol. Mga nene, halatang napadpad lang sa Maynila para magtrabaho. Nakasimangot ang dalawa. Pinili ni Nes ang pangatlo na mukhang hindi naman nandidiri gaano sa kanya. Umorder siya ng lady's drink at agarang nilapat ang kamay sa hita ng dalaga.
"Anong pangalan mo 'ne?"
"Charisse po. Charise Pempemo."
"Ang ganda naman ng pangalan mo."
"O-order po ba kayo ng sisig? O kahit mani man lang?"
Napaisip si Nes. Oo nga pala. May tip ang mga bebot kapag umorder ang kostomer ng pulutan. Isang beer lang ang hawak ni Nes. Nakatingin ang bebot na hindi si Gracie Mae kay Nes, at umaasang iibsan niya ang kakulangan ng tips ngayong gabi.
"G-Gusto ko sanang makilala ka nang mas mabuti." Ang pangit ng sinabi ko, sigaw ni Nes sa utak niya. Ang baduy. Parang hindi pro. Gasgas na gasgas na yata ako, iyak pa ni Nes sa isip niya.
"VIP room sir? Sa taas po." Tinuro ng babaeng hindi si Gracie Mae ang isang pinto sa di kalayuan, na may takip na kurtinang green.
"Oo! Oo, doon nga."
***
Ito na ang pinakahihintay ni Nes. Ito na talaga. Makakatikim na rin siya ng... Kahit hindi donselya, basta chicks. Inamoy-amoy ni Nes ang sarili, at sinugurong hindi siya amoy diesel o grasa. Sabi ng iba'y nanunuot daw kasi ang amoy ng kalsada sa balat, kahit maligo. Kaya naman si Nes, naligo siya kanina ng isang botelyang pabango na nabili niya sa 7-11. Kulay asul na botelya, de-spray. Pati butas ng tenga inisipreyan niya - para sure!
Nakangiti ang dalaga sa kanya. Nakalantad na ang malambot at murang katawan nito. Hinagod ng tingin ni Nes ang katawan ng batang babae. Tamang puti, malaman ang hita. Korteng almonds ang mga mata. Malusog ang hinaharap. Mamula-mula. Hinubad ni Nes ang kanyang sando at kinalas ang sinturong bago na may bungo pa sa harap. Bungo, na sagisag ng kanyang pagkalalaki. At ang kanyang pagkalalaki'y haharurot ngayong gabi, at sasakop sa mamasa-masang lupain!
Naupo si Nes sa kama at niyapos ang dalaga. Hindi ito nagreklamo at nagpayakap sa matandang drayber. Pumikit ito at naghintay.
At naghintay.
At... naghintay.
Hanggang sa hindi na nakapagtiis ang babae, at minulat niya ang kanyang mga mata.
Nasa banyo si Nes, at nagagalit. May kausap.
"Putangina mo ka, ngayon ka pa nagkaganyan?! Hoy! Tumayo ka! Tayo! Gago ka! Tayo!"
Maya-maya pa'y humagulgol na si Nes sa loob ng banyo.
"Sayang ang ibabayad ko!"
Dahan-dahang bumaba ang babaeng hindi si Gracie Mae sa kama at tinawag ang bouncer mula sa pinto, para hindi sila matakbuhan ni Nes.
BINABASA MO ANG
PULSONG NAGWAWALA
General FictionMga kuwentong fantasya at fantastiko. ~ Cover: A Broken Man by jafooo (Deviantart)