Asset

34 6 0
                                    

Isang bagay lang ang kailangan makamit ni Jim ngayong gabi. Ang matapos na ang trabaho niya. Tulad ng ginagawa niya araw-araw mula pa noong Hunyo, pumasok siya sa bulok na warehouse sa kanto ng Estrella at Buenviaje.

Dating pagawaan ng sapatos, nalugi, inabandona na ng may-ari at wala nang kapital. Dati siyang natutulog sa warehouse na ito at walang permanenteng trabaho. Minsan kargador, minsang dishwasher. Madalas walang kuwarta. Dito siya unang nakilala ni Bong, ang kaniyang bosing na tinuturing na heneral ng mga small time dealer at pusher sa isang sektor ng Kamaynilaan. Inalok siya dati kung gusto niya ng madaliang pera.

Madali lang naman daw ang gagawin - may dadalhin lang siyang maliit na pouch sa isang bahay sa Times Street. Kumita siya ng 300 sa araw na 'yon, para sa isang oras na trabaho. Nasundan pa ito ng dalawa, tatlo, hanggang sa 'di na mabilang ang mga pagawa ni Bong.

Sa loob ng warehouse, dumiretso si Jim sa malmal ng mga monobloc na upuan at isang lumang mesang kininis na ng panahon. May isang bumbilyang nakabitin mula sa kisameng naaagnas na sa paglaklak ng ulan sa loob ng maraming taon.

Gusto sana niyang hindi na magtrabaho ngayong gabi, pero hindi daw puwede. 'Di maganda ang kaniyang pangitain. Pero 'di rin puwedeng idahilan 'yun, pagtatawanan lang siya malamang ng boss niya't baka pagdudahan pa.

Kailangan rin naman niya ang dagdag na pera. Sinabi na lang niya sa kaniyang sarili: sa wakas, makauuwi na siya ng Bataan! Para makasama si Pauline! Kayganda ni Pauline. Dilag na 'di mo makalilimutan. Dilag ng iyong mga panaginip. Dilag ng iyong...

Naputol ang pagpapantasiya ni Jim nang dumating si Bong. Ang napag-usapan ngayong gabi, dalawampu't dalawang sachet. Malaking order mula sa rave scene sa Makati.
May edad na si Bong, payat,at parating nagmamantika ang noo at mga pisngi. Hapis ang katawan ni Bong, parang punongkahoy na kinapos sa tubig at sustansya, pero pinilit pa ring magpahaba ng katawan at inaabot pilit ang araw. Ang tanging malaki kay Bong ay ang namimilog niyang tiyan na sintigas naman ng adobe. Ganoon daw talaga kapag nakikipaghalikan ka sa pulang kabayo gabi-gabi. Manilaw-nilaw na rin ang mga mata nito, tanda ng mahabang panahong pakikipagtalik sa iba't ibang espirito.

Napangiti si Bong nang makita si Jim. Paborito at pinakapinagkakatiwalaan niyang runner si Jim, kahit kalahating taon pa lang ang binata sa eksena. Masunurin at maingat na runner. Walang gusot. Walang tanung-tanong. Di nanggugulang. Yan ang gusto ni Bong, at ng amo niyang si Lucie Tan, isang malaking suplayer na tsinay. Hindi pa nakikita ni Bong si Lucie Tan. Ni hindi niya alam kung ito talaga pangalan ng amo niya. Puro text at tawag sa selpon lang ang alam. Pero linggo-linggo siya sumasahod at maraming bonus, kaya wala na rin siyang pakialam kung elyen ba o tao o asong nagsasalita lang si Lucie Tan. Basta ang mahalaga, sumasahod siya. Tapos!

Mamasa-masa ang kamay ni Jim sa gabing 'yon. Dala siguro ng init ng panahon at magulong isip. Basa na rin ang kili-kili niya, at nagmantsa na ito sa kaniyang kamisong may imprentang SUPREME, na nabili niya sa bangketa kamakailan lang. Sa ilalim ng kamisong SUPREME ay may dalawa pang kamison - isang pula, isang puti. Kailangan handa sa anumang pangyayari. At sa trabahong ito, maraming puwedeng  mangyaring masama.

"Jim beybe! Nakakamiss ka!" bungad ni Bong sa alagang runner. Alas-onse pa lang ng gabi kaya ganado pa si Bong makipag-utuan sa dakilang runner. Nag-aya itong uminom. Agad na tumanggi ang runner.

"May sakit nanay ko, 'ta. Baka umuwi muna ako samin pagkatapos ngayong gabi." Napakunot ng noo si Bong. Kapag ganito na ang linyahan, madalas ay nagsasawa na o natatakot na sa trabaho ang runner. Kailangan hindi mawala si Jim. Mahirap maghanap ng bagong tinyente. Madalas ang mga baguhan, madaling magkamali, kailangan pang burahin. Yung iba naman, mabilis matukso, sinusubukan mag-double-deal. Nagiging double-dead tuloy sila.

"Jim alam mo namang sagot kita 'pre, di ba? Sagot kita! Apir tayo!" Naiwan sa ere ang butuhang kamay ni Bong, at hindi sinalubong ng apir ni Jim ang kaniyang kamay.
"Talaga bang kailangan mo nang umalis, Jim?" malungkot na tanong ni Bong. Malas ito. Malas. Maghahanap na naman siya ng matinong runner na magpapasa sa iba pang mga small time na dealer at mga hebigats na kostomer.

"Oo boss. Kailangan, e. Subukan ko na lang bumalik. Siguro sa isang buwan. Si nanay kasi." Nakatunganga si Jim sa lumang mesa kung saan sila madalas magpalitan ng pera at kalakal ng kaniyang boss. May linya ng langgam na sinasaid ang mga natuyong serbesa sa kahoy. Tiniris ni Jim ang isang langgam na napahiwalay sa linya.

Napabuntong-hininga si Bong at binuksan ang backpack na dala. Nagbilang siya ng mga sachet ng shabu. Pagkatapos magbilang, binalot niya ng malinaw na plastik ang mga sachet nang masinop, bago inilagay sa isang itim na pouch na may zipper.

May tumawag sa cellphone ni Jim, pero naka-vibrate ito kaya hindi napansin ni Bong.

Napatingin si Jim sa malayong bahagi ng madilim na warehouse, kung saan may mapanghing sulok na ginagawa nilang kasilyas tuwing may inuman.

"Ta, iihi lang ako. Nababalisawsaw yata ako." sabi ni Jim.
Hindi tumango si Bong. Nagku-kuwenta ito sa isip, kung magkano ang kokolektahin ngayong gabi. Naghintay bahagya si Jim bago ito tumayo. Wala pa ring sagot si Bong.
Panalangin ni Jim, sana'y hindi naririnig ni Bong ang kaniyang kumakabog na dibdib. Naduwal ang binata nang makarating sa nabubulok na sulok. Kumaripas palayo ang isang dambuhalang daga na singhaba ng braso ni Jim.

Nanlimahid na ang sulok na ito kakapaligo ng di na mabilang na litro ng ihi ng mga manginginom na may mga tama na ang mga bato at atay. Tuwing umiihi si Jim dito, nararamdaman niyang umuurong hindi lang ang kaniyang tutoy ngunit pati na ang kaniyang sikmura. Uurong para bumaligtad. O bumaligtad na kaya pakiramdam niya umuurong na. Alin man sa dalawa. Basta mahirap umihi kapag lansang-tao ang kalaban.

Limang metro ang layo ng sulok na ito mula sa isang pintong binuksan niya kagabi. Tinapon niya sa estero ang kandadong ilang ulit niyang hinampas ng pait at martilyo para ngumanga.

''RAID! RAID 'TO!"

Sumabog pabukas ang pinto at dumagsa sa loob ang mga pulis na de-riple at de-pistol. Bahagya lang ang pagkagulat ni Jim. Dali niyang tinaas ang salawal at lumuhod sa semento, sabay patong ng mga kamay sa ulo. Dapat daw ganito itsura niya sa araw ng raid para di siya ratratin ng mga parak.
Pinanood niya ang eksena. Parang pinabagal ang oras para sa kanya. Sa wakas, tapos na ang trabaho niya.

Nakaramdam ng kaluwagan sa dibdib si Jim, at nahihirapan na rin siya bilang runner at asset ng mga pulis. Malaki ang kinita niya bilang double-agent. Hindi naman siya magarbong tao. Kaunting chongki, kaunting rugby, okey na. Marami siyang ipon. Makauuwi na talaga siya. Sinundan ng mga mata niya ang linya ng mga pulis na dumaragsa papaloob ng warehouse. Narinig niya ang putukan. Nakita niya si Bong, na nanlalaki ang mga mata habang tumatanggap ng di mabilang na bala sa katawan.

May isang matabang pulis na bumaling ng direksyon mula sa hanay at humarap kay Jim. Ngingitian sana ni Jim si SPO3 Elpidio Dacer, pero nanaig ang pagkagulat nang pagbabarilin siya sa mukha ng parak.

PULSONG NAGWAWALATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon