Shokhang

17 4 0
                                    

Mula nang manalo sa kandidatura si Pang. Rodolfo Dantay, naging masigasig na tagasuporta si Aling Neneng ng Pangulo ng Pilipinas.

At dahil marunong din siyang mag-Facebook, ibinuhos ni Aling Neneng, ina ng apat na anak (tatlong babae, isang lalaki), ang kaniyang lakas-isip at lakas-hinlalaki sa pag-like, pag-share at pag-comment sa hindi bababa sa singkwentang online groups sa Facebook na kaniyang fina-follow at sinusuportahan.

Nandiyan ang laging updated na si Mukhang Musmos Blog, na parating pinapaalala sa mga tao na hindi naman talaga siya peryodista o journalist. Mahilig din magbasa si Aling Nena sa Bardagulan Pa Moar, isang pahina sa Facebook kung saan uso ang mga teorya at chismis kung bakit mas magaling ang bagong presidente kaysa sa dating presidente.

Kung masuwerte, maaari pang makasagap ng juicy na chismis dito tungkol sa bise presidente!

Madalas ay napapapaypay si Aling Nena sa sobrang juicy na chismis sa Bardagulan Pa Moar. Biro mo, pati sex life ni Bise President Leron Lerona, nalalaman ng mga tao at naishe-share pa sa Facebook?

'Di bale nang magutom ang mga bata at sunog parati ang sinaing. Ang mahalaga, alam na alam ni Aling Neneng ang bawat potensiyal na boypren ni Bise Presidente Leron Lerona, na siya namang sinasabing kumakatawan ngayon sa karibal na grupong politikal ng bagong Golden Boy of Philippine Politics - ang mga Ulyanins.

Ulyanins ang naging bansag kasi lagi raw nakakalimutan ang mga kasalanan sa lipunan at madalas ay astang inosente. Galit na galit si Aling Neneng sa mga Ulyanins, dahil... ito ang uso ngayon sa social media at wala naman talaga siyang ginagawa sa maghapon kundi mag-Facebook.

Sayang rin ang free data, kung hindi dadalhin sa makabuluhang mga bagay, hindi ba?

Sa totoo lang, gusto naman niya ang dating presidente at wala naman talaga siyang pakialam sa politika. Pero hindi niya pwedeng sabihin ito sa Facebook at malamang ay siya'y 'mababash' ng mga kumareng nagpapalipas rin ng oras habang nagbabasa ng Bumbum Puppo for President at Rodolfo Dantay Global Warriors Fever Galore.

Sa huli, dahil sa pakikiuso, lumitaw na habambuhay na niyang kaaway ang dating presidente at ang mga kampon nito, dahil siya ay bagong kampon ng bagong halal na presidente. At least, hindi siya gaano 'naba-bash' kapag sinasabi niyang todo suporta siya kay Pang. Rodolfo Dantay.

Sa dalas ni Aling Neneng magbasa sa Facebook, naging malinaw sa kanya ang ilang bagay:

Una, isang tunay na bayani si dating pangulong Arkos Vitler Puppo. Dahil sa Martial Law, tunay na naging maginhawa ang buhay. Kung paano guminhawa, hindi rin sigurado si Aling Neneng.

Buhay na siya noong panahon ng Martial Law, at naaalala niyang nakakatakot na parating may konstabularyong nagbabantay sa mga kilos ng tao, lalo na tuwing gabi. Ngunit kung ang sinasabi ng mga tao'y okey na okey ang Martial Law, okey na rin ito sa kanya! Yes!

Ikalawa, mabuting pangulo at tao si Rodolfo Dantay. Naniniwala siyang mabuti itong tao dahil sabi ng mga tao sa mga komento sa Facebook at dahil mahigit dalawang dekada siyang naging meyor sa isang syudad.

Mahal daw siya ng mga tao at mahilig siya magdisiplina ng kanyang mga nasasakupan bilang meyor. Ayaw din ni Pang. Dantay na tinatawag na pangulo. Tawagin na lamang daw siyang "Meyor Dantay" at mas makiliti daw ito sa kaniyang tainga (at ego).

Mahilig din mamalo si Aling Neneng ng mga anak, kaya siguro naging maluwag sa kaniya ang ideya ng pagkakaroon ng pangulong 'madisiplina.'

Galing siya sa henerasyong naniniwala na kung hindi mo ilalatay sa katawan, hindi magmamarka sa puso at isipan. Ayaw nga lang ni Aling Neneng kapag sinusuntok siya ng kaniyang asawa kapag ito'y lasing at galit na galit.

Masakit at mahirap ipaliwanag sa mga amiga kung bakit siya biglang nagka-black eye.

Wala naman hagdanan sa kanilang tahanan kaya hindi niya pwedeng sabihin na nahulog siya sa hagdanan. Ang sinasabi na lamang niya, nauuntog siya sa pintuan sa kusina. Paano ba naman, sobrang tigas ng pintuan. Nagkaka-black eye tuloy siya.

Ikatlo, makatarungan ang shokhang o ang pagkatok at madalas ay panghuhuli sa mga pinaghihinalaan na adik. Nandidiri si Aling Neneng sa mga adik. May kamag-anak siyang naging adik sa shabu. Kung ano-ano ginagawa. Nasira ang ulo, nagpa-rehab pero wala rin, patuloy pa rin sa bisyo.

Kaya tama lang na mapasama sa Operation Shokhang ang mga linsiyak na adik na yan! Mga salot ng lipunan! HOBOSHEN! HOBOSHEN! Napapasigaw talaga si Aling Neneng ng "hoboshen!" kapag nakakakita siya ng mga operasyon ng pulis sa telebisyon. Lalo siyang nang-gigigil sa mga pinaghihinalaang adik kapag nakikita niyang pinapadapa sa aspalto ang mga ito na walang pantaas na kamison. Mga walang modo talaga!

Magpo-post pa sana ng status update si Aling Neneng nang may kumatok sa pintuan nila. Nagtaka si Aling Neneng at alas-diyes na ng gabi. Sino kaya ang kakatok ng ganitong oras? Kinabahan bahagya si Aling Neneng. Hindi niya namalayan kung dumating na ba ang kanyang asawa. Minsan umuuwi ito nang lasing na lasing at mukha niya ang pinagpapapraktisan ng upper cut at left hook. Sinilip muna ni Aling Neneng ang kwarto nilang mag-asawa bago siya lumapit sa pintuan.

Naging mas mabilis at marahas na ang pagkatok sa pintuan nila.

Sumilip si Aling Neneng sa madilim na pintuan ng kanilang kwarto at tiningnan kung naroon na nga ang kaniyang magaling na asawa. Parang nabunutan ng higanteng tinik sa dibdib si Aling Neneng nang makitang nakahilata na parang agila ang asawa sa kama at naghihilik na tila dyipning nirerendondo. At least, sabi ni Aling Neneng sa sarili, hindi ako masasapak ngayong gabi.

Nakangiting naglakad si Aling Neneng papunta sa kanilang pintuan. Bubuksan na sana niya itong nang biglang sumabog ang pintuan sa lakas ng sipa ng mga taong nagpupumiglas na makapasok.

"Raid 'to! Raid 'to!!" sigaw ng isa sa mga pulis na naka-full battle gear.

Namutla si Aling Neneng sa gulat at takot. Hinimatay siya pagkatapos.

Nang magkamalay si Aling Neneng, may nagpapaypay sa kanya. Ang anak pala niyang si Anna ang nag-aruga sa kanya matapos siyang himatayin. Umiiyak nitong binalita sa ina na dinampot ng mga pulis si Karding, ang kanilang ama.

Hinimatay muli si Aling Neneng.

***

"Drug addicts, they are not human."

"Magpasok kayo ng drugs, patayin ko kayo."

"I will stand by the PNP, wag kayo mag-alala."

"Dapat meyor ang nauna."

(Like, Share, Comment)

PULSONG NAGWAWALATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon