Reseta

68 7 0
                                    

"Misis, dito ho muna kayo at pipirma muna," sabi ng matabang guwardiya na pilit pinapaalis ang init sa katawan gamit ang pamaypay na good morning towel.

Alas-siyete y medya ng gabi, 'peak hour' sa emergency sa St. Raphael Medical Center. Sa mga oras na ito dumadaloy papasok ng emergency na parang dugo mula sa saksak ng icepick ang mga pasyente na iba't iba ang kondisyon at itsura.

May dumarating na naka-stretcher at may linya ng oxygen, mayroon namang naglalakad na may tapal na mga duguang bendahe ang mga braso't mukha.

At mayroon din namang miserable lang ang itsura, kasama ang asawa o iba pang  kapamilya - masakit ang tiyan, nilalagnat, nagsusuka, o 'di maihi.

Sa mga oras na ito nagiging lugar ng digmaan ang ospital, kung saan pilit hinihila pabalik ng iilang nars at doktor ang mga pasyente sa mundo ng mga buhay, kahit karamihan sa kanila'y 'inday' (indigent) o "wala lahat-" walang pambili ng gamot, walang makain, walang pamasahe, atbp.

"Pangalan ninyo misis?" tanong ng guwardiya, na iniisip kung bibili ba siya ng inihaw na manok pag-uwi, o may niluto na ang gelpren niyang si Honeybelle, na galing pa ng Dumaguete't nakilala niya sa isang restoran sa bayan at doon napadpad at nag-waitress.

"Jane Santos ho," sagot ng babae. Tinitingnan ni Jane ang maliit na emergency room. Sa kaliwa niya, may matandang babaeng iniiyakan ang kaniyang asawa. Payat ang lalaki, walang tshirt. May linya na ito ng oxygen sa ilong ngunit ubo nang ubo at nahihirapan huminga. May lalaking nakatayo sa tabi ng matandang babae at may hawak na x-ray at ilang reseta ng gamot.

"'Nay, wala na tayo pambili ng gamot, 'nay," bulong ng lalaki.

"Address?"

"Barangay Lunos ho."

"Sino ba pasyente?"

"Bunso ko ho. Nagtatae."

"Sige misis maupo ka na diyan at haharapin ka maya-maya."

May lumang upuan malapit sa isang malmal ng mga oxygen tank na gamit na sa isang sulok ng emergency room. Madilim sa gawi na ito, ngunit wala nang magagawa, wala nang upuan.

Kinandong ni Jane ang anak at kinausap.

"Masakit pa tiyan mo?" tanong ni Jane sa bunsong may sakit. Hinaplos ng ina ang tiyan ng anak. Matigas. Mabilog. Namamaga pa rin.

Hindi sumagot ang bata. Subo nito ang isang daliri at sinisipsip ang hintuturo. Nakatingin sa paligid at namamangha. Sa malayong bahagi ng emergency room, may bahaging natatakpan ng matataas na kurtina. May sumisigaw, misis tulak pa nang kaunti, kaunti na lang! Ang sagot nama'y hindi ko na kaya, napakasakit! Maya-maya pa'y may uha ng sanggol nang narinig. Misis, babae po!

Isang oras na ang nakalipas, wala pa ring lumalapit kay Jane at sa kaniyang anak. Ilang beses na niyang sinubukang lumapit sa nurse's station, ngunit sinabing may number daw ang pasyente at may mga pasyente daw na mas delikado ang kalagayan na inuuna muna.

Naisip naman ni Jane, paano nila nalaman na hindi delikado ang sitwasyon ng bunso niya, e hindi pa nga tinitingnan man lang?

Naupo na lamang si Jane ulit at tumalungko. Makakatulog na sana siya nang may lumapit na doktor sa kanila. Mabait ang mukha ng doktor, pero matanda na. Nakaputing jacket siya, itim na pantalon at lumang balat na sapatos.

Sa wakas! Ineksamin ng doktor ang anak ni Jane. Baka may impeksyon daw. Pero may kailangan daw puntahan ang doktor kaya mag-iiwan daw muna siya ng reseta sa mag-ina. Inabot ng doktor ang reseta sa babae. Hindi naman marunong bumasa si Jane, kaya ibinulsa na lamang muna niya ito. Ipapabasa niya sa botika, tulad ng dati. Ngunit 'di tulad ng mga nakaraang check-up nilang mag-ina sa ibang doktor, may hiniling ang matandang doktor. Hanapin daw muna nilang mag-ina si Dr. Alexis Guda, isang residente sa ospital. Nang itanong ni Jane kung bakit, ngumiti lang ang matandang doktor at hinaplos ang ulo ng anak niya.

Umalis na ang matandang doktor, at gumaan ang loob ni Jane nang makitang hindi na ganoon kaabala ang nurse's station. Lumapit siya muli at nagtanong kung nasaan si Dr. Alexis Guda. Nang tanungin siya kung bakit, sinabi lang niya ang sinabi ng matandang doktor - na lumapit silang mag-ina. Tinuro ng mga nars ang isang batang doktor sa kabilang panig ng emergency room. Nagkakape ito sa sulok, halatang mahigit bente-kuwatro oras nang gising. May kung anong naramdaman si Jane, at 'di tulad ng ibang check-up nilang mag-ina sa ibang doktor, hindi siya nagatubiling lumapit.

"Doc Guda?" maingat na bati ni Jane sa batang doktor.

"Yes po, ma'am? Upo po kayo." Pinaupo si Jane at ang anak niya sa isang bakal na upuan na sa kalumaan na'y tila naging pintura na nito ang kininis na kalawang.

"May matandang doktor po kasing tumingin sa anak ko. Ang sabi po, baka impeksyon," paliwanag ni Jane, at nilihis ang sando ng anak para ipakita ang namimilog na tiyan. Naluluha nang kaunti ang bata at nagagalaw ang tiyan niya, pero hindi siya umiyak. 'Atapang' na bata naman daw kasi siya.

Nabitin ang paghigop ng kape ng batang doktor. "Misis, walang matandang doktor po dito."

Kumisap ang mata ni Jane. "'Di ho ser, may doktor ho'ng matanda. Yung wala po buhok na, medyo malaki tiyan."

Pinakuwento ni Dr. Guda ang pagkonsulta ng mag-ina sa doktor. At sa kinse minutos na paglalarawan at pagkukuwento ni Jane, unti-unting natahimik ang batang doktor.

"Halika misis, puwede mo ba akong samahan sandali?"

Inaya ng batang doktor si Jane nag maglakad palabas ng emergency room. Nagtataka man si Jane, sumama na lamang siya. Lumabas silang tatlo at naglakad patungo sa kabilang building. Halos alas-nuwebe na kaya medyo nagugutom na rin si Jane.

Kung 'di lang binilin ng mabait na matandang doktor ang paglapit kay Dr. Guda, 'di na niya pagaaksayahan pa ng oras. Kailangan pa niya bumili ng gamot ng anak. Kinapa niya bulsa. Nandoon pa rin ang papel.

Pagpasok nila sa kabilang building, may mga naka-kuwadrang mga picture sa pader. Mga matatandang lalaki, mukhang doktor. Naglakad si Dr. Guda hanggang sa gitna ng hanay ng mga kuwadra at tinuro ang isang matandang lalaking nakasalamin at nakangiti.

"S-siya ho ba ang doktor ninyo?" tahimik na tanong ng batang doktor.

"Siya nga ho!" sagot ni Jane. Sa wakas, naisip ni Jane. Nakilala na rin ni Dr. Guda ang matandang doktor.

"Siya po si Dr. Felix Guda. Father ko po siya. Namatay po siya dalawang taon na ang nakararaan," paliwanag ni Dr. Guda. Mabait pa rin ang mga mata nito. Payapa. Masasabi pa ngang masaya.

Namutla si Jane. Nagbibiro ba ang kausap niya? Kinuha ni Jane ang reseta sa bulsa. Inabot niya kay Dr. Guda.

Kinuha ni Dr. Guda ang reseta at tiningnan. Nanggilid ang luha sa mga mata ng batang doktor.

"Reseta nga po ito ng tatay. Pero wala pong nakasulat. Hindi ko rin po alam kung paano pa kayo nakakuha ng lumang prescription pad niya."

Dahil mahigit 30 taon ng buhay niya ang inalay ni Dr.
Felix Guda sa ospital, maging sa kabilang-buhay, nagtatrabaho pa rin siya.

Author's Note:

Minor revision (June 4, 2018)

PULSONG NAGWAWALATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon