Tumayo si Diego at humarap sa binibini na ngayo'y nakatingala na sa kaniya. Isang munting ngiti ang ibinigay niya sa dalaga, "Ngayon ay nais kong pormal na ipakilala ang aking sarili"
Inilagay niya ang kaniyang isang kamay sa kaniyang tiyan at ang isa naman ay sa likod at tiyaka yumuko, "Magandang gabi binibini, ako nga pala si Diego Percasio, ang batang noon ay... iniyakan mo", napatawa pa ito ng bahagya sa kaniyang huling sinabi.
Napasimangot at namula na lamang ang pisngi ni Clara dahil sa hiya, "A-Anong iniyakan?", inis itong tumayo, "Mawalang galang na ginoo ngunit h-hindi kita iniyakan!"
Mas lalong lumawak ang pagngisi sa mukha ni Diego dahilan para mapatungo si Clara, "Ah kaya pala laging naikukuwento sa akin ni madre-"
"O-Oo na", napapahiyang tumungo saglit si Clara ngunit agad itong bumawi, "P-Pero ako'y bata pa lamang noon at wala pa akong alam sa aking mga ginagawa. Ngayon ay napagtanto kong isang pagkakamali ang iyakan ang isang unggoy na katulad mo", at ngayo'y siya naman ang napatawa ng malakas, "Hindi ba, Dinggoy?"
Iiling-iling na tumawa rin si Diego, "Tama ba ang narinig ko? Unggoy? Hindi mo ba alam binibini? Napakaraming binibining katulad mo ang nakapila sa akin", nakakalokong pahayag nito at muling natawa.
Napasimangot na lamang si Clara sa kaniyang narinig at hindi na nakasagot pa sa banat na iyon ng binata. Sa huli ay ang lalaking nasa harap niya ang nagmay-ari ng huling halakhak. Akmang maglalakad na siya palabas ng hardin nang bigla siyang harangan ni Diego, "Sandali bininini! Ikaw? Hindi ka ba magpapakilala sa akin?"
Pinilit niyang kumawala sa panghaharang nito ngunit sadyang mabilis ang lalaking nasa kaniyang harapan, "Niloloko mo ba ako? Hindi ba't ako'y kilala mo na?"
"Hindi pa!", mabilis na sumagot si Diego, bagay na ikinakunot ng noo ni Clara. "Hindi ka pa nagpapakilala sa akin binibini! Hindi ba't mas maganda kung saiyo mismo manggaling ang iyong pangalan?"
Napabuntong hininga na lamang si Clara at tiyaka bahagyang napangiti. Inilagay niya rin ang kaniyang kamay sa kaniyang tiyan at tiyaka yumuko, tila ginagaya ang ginawang pagpapakilala ng binata, "Magandang gabi ginoo, ako nga pala si Clara Reyes, ang batang... una mong inibig", tawa nito ngunit agad ring namula ang mukha niya nang mapansin ang muling pagngisi ng binata at doon ay kaniyang napagtanto ang mga huling salitang lumabas sa kaniyang bibig. Mas lalo pa siyang nahiya nang makita ang mas lumalawak na mapanlokong ngisi mula sa binatang nasa kaniyang harapan.
"Ikinagagalak kong makilala ka, binibini", nakangiti nitong saad na tila lalong nagpamula sa mukha ni Clara. Hindi niya alam ngunit napakaguwapo talaga ng binatang kasalukuyang nasisilayan.
"Nais sana kitang maging kaibigan, kung iyong mamarapatin", saad ni Diego na ikinagitla pa ni Clara ngunit hindi niya ipinahalata iyon.
"O-oo naman, kaibigan", isang pilit na ngiti ang kaniyang inilahad, "A-Ako'y mauuna na at tiyak na hinahanap na ako sa loob ng mansiyon", paalam nito. Akmang lalagpasan na niya si Diego nang bigla itong mapatigil. Lumingon muli siya sa binata at binitiwan ang mga katagang kanina pa nais kumawala sa kaniyang bibig.
"Maraming salamat at tinupad mo ang iyong pangako, Dinggoy", ngiti nito at tiyaka tuluyan nang umalis sa tagpong iyon.
'Tinupad mo ang iyong pangako noong mga bata pa tayo, na ika'y magpapakilala sa muli nating pagkikita'
Ngiting-ngiti si Clarang bumalik sa loob ng mansiyon.
Nang makaalis ang binibini ay hindi na napigilan pa ni Diego at nailabas na niya ang isang napakalaking ngiti sa kaniyang labi. Napatalon-talon pa ito bago tuluyang sumunod papasok sa mansiyon.
***
Tuluy-tuloy ang pagtakbo ni Selya hanggang siya'y makalayo sa mansiyon. Habol hininga siyang tumigil sa gilid ng puno ng narra.
BINABASA MO ANG
Flashed from the Past
Historical FictionAmanda Nicole R. Sarmiento, 19, isang estudyanteng tahimik, matalino, at masyadong adik sa kaniyang history subject. Isang bagay ang nakakapagpagulo sa kaniyang isipan, iyon ay kung totoo nga ba ang mga haka-hakang ang mga tao'y nabuhay na noon pa m...