"Ate Maria!"
Kasalukuyang naglalaba sina Maria at Selya ng mga puting damit sa may gilid ng ilog nang bigla na lamang sumigaw si Clara dahilan upang mapalingon ang mga ito.
"Binibini?", nagtataka naman si Maria sa biglaang pagtawag ng binibini.
"Ate Maria, may nagpapabigay nga pala sa iyo nitong liham", sabay abot sa dalaga, "Ipinaabot iyan kay Aling Elvira, ayaw raw ipasabi ng binata ang kaniyang pangalan ngunit halata raw na medyo bata pa ito. Importante raw ang sulat na iyan kaya naman ay dali-dali ko nang ibinigay sa iyo", habol hininga nitong saad.
Nagtaka naman si Maria sa sulat na iyon. Sino naman kaya ang magpapadala sa kaniya ng sulat? Imposibleng ang kaniyang mga kapatid o di naman kaya'y si Aling Tasing dahil wala naman silang maipaghahabilin nito.
"Naku ate Maria, siguro ay iyong manliligaw iyan!", kinikilig at pumapalakpak na sambit ni Selya sa kaniya. Maski si Clara ay ngumiti at tinukso tukso ang dalaga.
"H-ha? Hindi Selya, imposible iyon sapagkat wala pa naman akong masyadong nakikilala rito bukod sa inyo", nahihiya-hiya nitong saad.
Nagtataka man ay itinago niya muna ito sa kaniyang bulsa at tinuloy muli ang paglalaba.
Kinagabihan, nang makapasok na sa kanilang silid ay sinigurado niyang mahimbing nang natutulog si Selya at agad binuklat ang liham.
Maria,
Mahal kong kapatid, alam kong hindi ka papayag lalong-lalo na si inang. Ngunit nais ko pa ring humingi ng pabor sa iyo. Nais ko sanang magkaroon rin ng trabaho sa siyudad, ngunit hindi sa tahanan ng binibini. Gusto kong ilihim mo ito sa kaniya lalong-lalo na kay inang. Ikaw, ako, si Tino at Teodor lamang ang nakakaalam nito. Tulungan mo ako, nais ko ring magtrabaho upang makatulong kay inang. Nagmamakaawa ako ate MariaNagmamahal,
DiegoNapabuntong-hininga na lamang si Maria sa kaniyang nabasa. Ngayo'y kilala na niya ang lalaking nagpaabot nito kanina, ang batang si Tino. Nagtataka ito sa biglaang pahayag ng kaniyang kapatid, dati kasi ay lagi niyang sinasabi na hinding-hindi niya raw iiwanan ang kanilang inang kahit anong mangyari kaya't nagulat na lamang siya sa isinulat niyang liham. Mukhang ito'y desperadong-desperado nang magtrabaho sa siyudad.
Napabuntong-hininga siyang muli at agad nag-isip ng paraan para sa kapatid. Unang pumasok sa kaniyang isipan si Binibining Clara ngunit naalala niya bigla sa liham na huwag na huwag raw ito ipapaalam sa binibini.
Napalakad-lakad siya habang nag-iisip ng mabuti. Wala naman kasi siyang gaanong kakilala na maaaring mapagtrabahuhan sa siyudad maliban lamang kay Binibining Clara. Naglakad-lakad pa siya at napaisip ng maigi. Maya-maya ay bigla siyang napangiti dahil mukhang magagawan na niya ng paraan ang ninanais ng kapatid.
"Selya", pabulong nitong banggit sa dalagang mahimbing na ang pagkakatulog.
Inulit niya pa itong tawagin ngunit nang hindi parin magising ang dalaga ay naisip niyang ipagpabukas na lamang ang pakay.
Kinabukasan, nagising si Maria mula sa hampas sa kaniyang balikat. Dahan-dahan niyang iminulat ang mga mata at naaninag ang isang babaeng medyo may edad na at nakataas ang kilay sa kaniya.
"Oh mabuti naman at gising na ang senyorita!", tila may galit nitong saad sa kaniya.
Napalingon siya sa higaan ni Selya at nang makitang wala ito doon ay agad siyang napabangon.
BINABASA MO ANG
Flashed from the Past
Ficción históricaAmanda Nicole R. Sarmiento, 19, isang estudyanteng tahimik, matalino, at masyadong adik sa kaniyang history subject. Isang bagay ang nakakapagpagulo sa kaniyang isipan, iyon ay kung totoo nga ba ang mga haka-hakang ang mga tao'y nabuhay na noon pa m...