"Magandang umaga po senyor!", nakangiting bati ni Diego sa binatang hindi maipagkakaila ang karangyaan.
Napahinto ang binata at siya'y tinitigan, tila ba kinikilatis kung anong uri ng pamumuhay mayroon siya.
"A-ah senyor, ang ngalan ko po ay Diego. Ako po iyong tinutukoy ni-", napahinto siya sa pagsasalita nang biglaang itaas ng binata ang kaniyang kamay, hudyat na pinapatigil siya sa kung ano pa ang kaniyang balak na sabihin.
"Ikaw ba ang aking panibagong kutsero?", nakakunot noong tanong ng binata sa kaniya.
Tumango-tango naman si Diego, "Opo senyor!", malawak naman ang ngiti niyang sagot.
"Kreto", tawag ng binata sa isang lalaking halos kaedad lamang na nasa kaniyang tabi. Lumapit naman ang lalaking iyon sa kaniya at bahagyang yumuko, tila hinihintay ang iuutos ng binata.
"Gaano man kagaling sa pagpapatakbo ng kabayo ang lalaking iyan, nais ko pa ring siya ay maturuan", pahayag nito na ikinatango naman ni Kreto.
"Nais kong ngayong araw mismo ay kaniyang makabisado ang lahat ng lugar sa lungsod na ito", dagdag niya pa at tiyaka muling nagtungo pabalik sa kaniyang silid.
Nang makaalis ang binata ay lumapit si Diego kay Kreto. Nang dahil sa kuryosidad ay agad siyang nagtanong, "M-May sinabi ba tungkol sa akin ang senyor? Siya ba ay hindi komportable sa akin?"
Napatigil na lamang siya sa pagtatanong nang siya'y hinudyatan ng seryosong si Kreto na sumunod sa kaniya. Dali-dali namang sumunod si Diego at tila sabik sa kaniyang unang araw ng trabaho.
"Ano ang ngalan ng kabayong ito?", tanong niya nang mailabas ni Kreto ang isang itim na kabayo.
"Kumunot ang noo ni Kreto sa kaniya, "Ngalan? Hindi binibigyan ng pangalan ang mga hayop rito", bahagya siyang natawa.
"Akala ko ay hindi ka tumatawa?", seryosong tanong ni Diego dahilan para muling sumeryoso ang mukha ni Kreto. Natawa siya sa biglaang pagbabago ng reaksiyon nito, "Ako ay nagbibiro lamang senyor! Napansin ko kasing mula kanina hanggang sa pagpasok natin rito ay nakasimangot ka. Ganoon rin ang senyor na iyon kanina, maski ang ilang tagapagsilbi. Naisip ko tuloy, mukhang hindi maaaring tumawa o ngumiti man lamang sa loob ng haciendang ito", tatawa-tawa niya pang saad, "Kapag ba tumawa ka ng malakas sa harap ng Donya at Don ay papaalisin ka sa trabaho?", napahawak pa siya sa kaniyang baba nang sabihin iyon.
Sinamaan naman siya ng tingin ni Kreto dahilan para umayos siya ng tayo.
"Bakit hindi mo subukan? Maya-maya ay dadating ang Donya. Pagkapasok niya sa loob ng mansiyon ay maaari mo siyang tawanan ng malakas at tignan natin kung ikaw ba ay mananatili o mapapaalis", seryosong saad nito dahilan upang matawa ng bahagya si Diego.
"Biro lamang iyon, nakakapagtaka lang kasi bakit tila walang buhay sa loob ng mansiyon", saad nito. Kanina kasi nang siya'y pumasok ay hindi man lamang siya nginitian ng mga tagapagsilbing naroon, maski ang binatang senyor kanina ay hindi man lamang nagpakilala.
"Hindi mo ba alam?", biglaang tanong ni Kreto dahilan para mapalingon si Diego sa kaniya.
Unti-unting naglakad papalapit si Kreto, "Ang pagkakaroon ng labis na kuryosidad ay ang nagiging daan sa kapahamakan", makahulugang saad nito. Para sa kaniya, kung sa mga maliliit na bagay ay ganoon ang pagbibigay atensiyon ng binata, tiyak na kapahamakan ang kaniyang kahihinatnan lalo na't siya'y narito at nakaapak sa lugar ng isang makapangyarihang pamilya.
Napakunot na lamang ng noo si Diego, "Kakaiba ang iyong mga sinasabi senyor!", tatawa-tawa niyang saad, "Tara na po at naiinip na itong si Leng", anyaya pa at tiyaka kinuha sa kamay ni Kreto ang tali ng kabayo at inilabas ito.
BINABASA MO ANG
Flashed from the Past
أدب تاريخيAmanda Nicole R. Sarmiento, 19, isang estudyanteng tahimik, matalino, at masyadong adik sa kaniyang history subject. Isang bagay ang nakakapagpagulo sa kaniyang isipan, iyon ay kung totoo nga ba ang mga haka-hakang ang mga tao'y nabuhay na noon pa m...