"Aling Tasing nais ko po talagang sumama sa iyo", pagpupumilit ng walong taong gulang na si Clara sa kaniyang inay.
"Hindi maaari binibini, kapag ito'y nakarating sa iyong ama ay tiyak na pagagalitan ka niya, lalong-lalo na ako. Ayaw mo naman mapagalitan ang iyong inay hindi ba?", pangungumbinsi ni Aling Tasing sa binibini.
"Eh Aling Tasing mamaya pa naman po uuwi ang aking ama at tiyaka pangako po, hindi ko po sasabihin sa kaniya ang ating pagpunta sa bahay-ampunan!", pagmamakaawa muli ni Clara kaya naman sa huli ay napapayag na rin niya si Aling Tasing.
Pagkarating sa bahay-ampunan ay tila natuwa si Clara sa dami ng batang naroon. Sa tuwing binabalak niya kasing makipaglaro sa mga batang nagtatakbuhan sa labas ng kanilang mansiyon ay pinapalo at pinapagalitan lamang siya ng kaniyang ama.
Linapitan niya ang mga batang iyon at tiyaka nagpakilala.
"Magandang umaga sa inyo! Ang ngalan ko ay Clara!", matamis na ngiti ang kaniyang ipinamalas sa mga ito. Napahinto ang mga bata sa pagtatakbuhan at tinitigan lamang siya. Lumungkot ang mukha ni Clara nang biglang magtakbuhan muli ang mga bata, animo'y isa lamang siyang hangin na napadaan.
Naupo siya sa isang tabi at pinagmasdan sila habang naghahabulan. Gusto niya rin sanang sumali ngunit iniisip niya, baka ayaw siyang makalaro ng mga batang iyon.
Maya-maya ay may isang batang lalaki ang umupo sa kaniyang tabi. Napalingon siya dito at kaniyang nahalata na bagong gising pa lamang ang batang iyon.
"Anong ginagawa mo rito?", tanong ng bata sa kaniya dahilan upang tumungo siyang muli.
"Nais ko sanang makipaglaro, ngunit mukhang ayaw nila ako isali", malungkot niyang saad.
"Paano nangyari iyon? Hindi ba't matagal na kayong magkakasama ng mga batang iyan?", takang tanong ng batang lalaki.
"Hindi ah, ngayon lamang ako nakapunta rito. Sinamahan ko kasi ang aking inay", pagpapaliwanag naman niya.
"Ah! Kung ganoon parehas pala tayo. Iniwan rin muna ako dito ng aking ate Maria kanina at maya-maya niya ako susunduin", pahayag naman ng batang lalaki.
Tumayo ang batang lalaki sabay lahad ng kamay, bagay na ipinagtaka ni Clara.
"Ano iyan?", taka niyang tanong habang nakatitig sa kamay ng bata sa kaniyang harapan.
"Halika na, kumapit ka sa kamay ko at pupuntahan natin sila. Makikipaglaro tayo", sabik nitong saad nang may matamis na ngiti sa labi.
Humawak si Clara sa kamay ng batang iyon at sabay silang nagtungo sa kinaroroonan ng mga bata.
"Magandang umaga! Maaari ba kaming sumali sa inyo? Ang ngalan ko ay Dinggoy", pakilala nito sa kanila.
Huminto ang mga bata sa pagtatakbuhan at tiyaka nagtawanan. Nagtaka si Dinggoy sa kanilang inasta.
"Unggoy daw ang pangalan niya!", tawa ng isa pang batang lalaki na sinabayan pa ng mga kasamahan niya.
Napasimangot si Dinggoy sa narinig, "Dinggoy hindi unggoy!"
"Dinggoy! Ako si Paknoy!", pakilala rin ng isa sa kanila at tiyaka muling nagtawanan.
Napalingon si Dinggoy kay Clara at napasimangot na lamang ito nang makitang tumatawa rin siya.
Nilapitan niya ito at tiyaka binulungan.
"Ano ang iyong ngalan? Magbigay ka ng pangalang nakakatawa, sa tingin ko ay makakasali tayo sa kanila", saad nito na ikinapagisip ni Clara ng mabuti.
BINABASA MO ANG
Flashed from the Past
Ficção HistóricaAmanda Nicole R. Sarmiento, 19, isang estudyanteng tahimik, matalino, at masyadong adik sa kaniyang history subject. Isang bagay ang nakakapagpagulo sa kaniyang isipan, iyon ay kung totoo nga ba ang mga haka-hakang ang mga tao'y nabuhay na noon pa m...