RUNAWAY part 3

23.1K 1K 176
                                    

***

First stop for the day was Kabigan Falls. Sakay ng kotse, apat kaming dumayo sa talon. May forty-five minute trek na pinangungunahan ng mga local guides. It was literally a breath of fresh air because we're surrounded by everything green. Tanaw ang mga bulubundukin sa pagtagos namin sa ilang palayan. Makapal din ang mga puno at halaman sa paligid.

Ako, si Warren, at si Jeron, walang pagod sa mahabang lakaran. Pero si Nina, mabilis hingalin. Hindi naman ako nagtaka kasi sobrang puti at delicate niya tingnan. Parang hindi siya nasisikatan ng araw. Napapatingin ako nang madalas sa kanya kasi ang cute-cute niya sa Harry Potter glasses niya. Hindi naman mukhang accessory lang 'yon. Parang may grado.

Ang sabi ng tour guide, nasa 87 feet ang falls. Ang majestic ng paglaglag ng tubig sa batuhan. May mga naliligong turista nang marating namin 'yon. Nakakatuksong lumangoy rin kung hindi lang halatado sa talsik na malamig ang tubig. Wala pati kaming dalang pamalit.

Tanghalian na nang umalis kami ro'n. Kumain kami sa isang restaurant na nadaanan namin bago magtuloy sa Kapurpurawan.

Kung ano ang ikina-cool ng temperature sa falls, 'yon naman ang ikinainit sa Kapurpurawan. It's a desert of white sand and white rocks. Mataas din ang araw kaya ipinahiram sa'kin ni Warren ang cap niya. Si Jeron naman, binilhan ng summer hat si Nina mula sa souvenir shops.

Mataas pa rin ang araw nang magpunta kami sa Cape Bojeador Lighthouse. Maraming hagdan do'n at madalas akong mapasulyap kay Nina para siguruhin na hindi siya hinihingal. Napapansin niya yata ang patingin-tingin ko dahil madalas niya 'kong ngitian.

The lighthouse was very scenic. Tanaw ang South China Sea mula roon. Malakas din ang hampas ng hangin. We took several photos before going to our last stop—Bangui Windmills.

Bago magdilim, papabalik na uli kami sa bahay ni Lola Edeng. Sa sasakyan na kami nagmeryenda at nag-check ng mga pictures na kinuha namin sa trip.

Binati kami ng kalmadong dagat pagbalik. At kahit na kumain naman kami sa daan, walang nakatanggi sa biko na inihain ni Tiya Nancy at ni Lola.

"Ang bilis ninyong nakabalik. Marami ba kayong napuntahan?" tanong ni Lola habang nasa hapag kami.

"Marami po. 'Yong mga hindi pa napupuntahan nina Amethyst at Warren ang pinuntahan namin. Para sulit 'yong bakasyon nila rito sa Norte bago bumalik sa Manila bukas," sagot ni Jeron.

Naglagay si Warren ng latik sa biko sa platito ko. Naglagay naman ako ng juice sa baso niya. Dahil panay ang subo namin, malamang na busog na kami bago pa maghapunan. Nagbibida pa naman si Tiya ng talangka at inihaw na isda.

"Dumito kayo sa akin kung gusto n'yo uling pumasyal dito sa Burgos at sa mga karatig-lugar. Napakaraming mapupuntahan dito," si Lola.

"Namadali nga po 'yong pag-ikot namin, lalo na kahapon na naka-tricycle lang kami," kuwento ni Warren.

"Bumalik na lang kayo. Welcome na welcome kayo rito," sabi ni Tiya bago bumaling kay Jeron. "Dinala mo sila sa Saud at sa Maira-ira?"

"Hindi na po," si Jeron. "Kapos na oras at nadaanan naman na nila 'yon kahapon. May dagat din naman dito sa'tin. Lalabas lang diyan sa bakuran, dagat na."

Tumango ako. Natuwa nga ako kaninang umaga nang paalis kami at makita kong ilang metro lang mula sa dagat ang bahay nila. Ang suwerte.

"Magandang manood ng paglubog ng araw mamaya sa labas. Puwede rin sana kayong maligo kung hindi lang kayo uuwi kinabukasan," si Tiya.

"Mag-night swimming na lang tayo, gusto n'yo?" untag ni Jeron sa'min. "Ano, dude, Amethyst? Hindi naman kayo maaga bukas."

Hindi ko pa alam talaga kung ano'ng oras kaming aalis kinabukasan. Hindi pa namin napag-usapan ni Warren. Pero hinahanap na kami ni Kuya at pinasusunod sa Pangasinan. Importante raw na pumunta kami ro'n.

A Whiff of Chocolate (Candy Series Special) (Published under Flutter Fic)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon