"Durugin mo nga, Fiona oh!" sigaw ko. "Sinasabihan ka raw na madaya eh."
"Aba? Kasalanan ko pang hindi siya marunong maglaro? Nag-stun nga, sa minion naman imbes na sa akin," nakakunot-noo niyang sinabi. Naglalaro kami ngayong lahat sa sofa at natapos na naming lahat ang mga paglipat namin ng mga gamit. Nakalinis na rin kami at nakakain na rin ng dinner na pina-deliver lang namin. "Hindi puwedeng ako lang nakakita noon!"
"End na natin, I'm sleepy na," sabi ni Reign at sumandal sa akin. Tinapos na nga namin ang laro at nagpunta na siya sa kwarto nila ni Ali.
Naglaro ulit kami at tinawagan pa ni Alisha ang kapatid niya para sumama sa laro namin. "Ano'ng gagawin natin bukas? Grocery? Shopping? Ay nasabi na pala kanina. Hmm... Nonoms?" tanong ni Alisha at parang nabuhayan at lalo pang nagising sa huli niyang tanong.
"Pwede naman ah?" Ngisi ko. "Tubig lang iinumin ko."
"Tubig lang daw, pero siya uubos ng soju," sabi ni Alisha na parang hindi naniniwala sa sinasabi ko. "Baka nakakalimutan mong ikaw bumulong sa akin na bilhin iyong box na iyon."
"Ay, ano ba iyan, bakit usapang inuman?" singit ni Bella habang tutok sa screen niya na naglalaro. "Can't relate."
Napatingin kaming lahat sa kaniya at tinaasan siya ng kilay. "'Di ka namin bibigyan ng tissue kapag iiyak ka habang umiinom bukas ng gabi dahil ghinost ka ah? Walang pipigil sa 'yo kapag tatawagan mo habang lasing si ano ah?"
"Okay, edi huwag!" sagot niya. "Char, baka kung ano sasabihin ko kay ano shunga." Natawa kami at tumuloy sa paglalaro.
***
Kinabukasan ay naghanda na kami para pumunta sa mall. Balak naming gumala ngayon at bumili ng mga kailangan pang gamit para sa unit. Nagsuot ako ng oversized shirt na itim, at pinares ko ito sa maluwag na pantalon na beige. Isinuot ko na rin ang sneakers kong black at kumuha ako ng tali ng buhok kung sakaling gagamitin ko mamaya. Inabot ko na rin ang cellphone ko at ang wallet ko.
Lumabas ako ng kwarto at nagpunta sa balcony para tumutok sa araw at magpatuyo ng buhok. Sumandal ako sa railings at tumingin sa paligid. Iniwan ko si Mama sa Manila para makapag-aral dito sa Baguio. Noong una ay labag pa si Mama. Ayaw niya pang umalis ako at gusto niya na local lang o malapit lang sa bahay namin. Ngayon, kailangan ko talagang mas pagbutihan ang pag-aaral ko para maipakita kila Mama na magandang desisyon ang ginawa kong mag-aral dito, at para rin suklian ko ang lahat ng pinaghirapan nila para mamuhay kami ng maayos.
"Althea! Let's go na! Tara!" Rinig kong tawag ni Reign na nasa may pintuan na, kasama sila Fiona. "Ready na lahat?"
Lumapit na rin ako sa kanila at tumango. Hindi ko alam kung bakit, pero nakaka-excite magpunta sa palengke na magkakasama kaming lahat at bibili ng mga gamit para sa unit naming lima. Parang ang bilis ng panahon na dati ay sa canteen lang talaga kami bumibili ng pagkain para sa loob ng classroom. Ngayon, sa palengke naman at sa unit naman kami kakain ng mga ipamimili namin.
Sabay-sabay na kaming lumabas at bumaba papunta sa kotse ni Alisha. Umupo ako sa likod at sumandal sa bintana. "Pa-connect," sabi ko para magpatugtog ako ng mga kanta.
Nagsimula na ngang magmaneho si Alisha hangga't nakaabot na kami sa Session Road. Tumingin ako sa labas at napansin na maraming tao sa labas. Maraming paakyat at pababa sa mga side walk at mukha silang mga turistang tagababa. "Ano ba iyan, ang daming turista!" Naramdaman ko ang mga titig ng mga kaibigan ko sa pagsabi ko no'n, kaya napatingin din ako sa kanila.
"Baka nakakalimutan mong pangalawang araw mo pa lang na tumitira rito, Tey?" pabirong sabi ni Alisha sa akin. Hindi ko alam kung biro iyon o ano pero nakitawa na lang din ako. "Grabe traffic."
BINABASA MO ANG
Cold Nights and City Lights
Ficción GeneralHIRAETH SERIES #2 She, who is valiant and bold, meets the individual who will make her frail and fragile. Althea Bridget Feliciano, a medical technology student from Saint Louis University, faces time and gets her patience tested as she waits for "h...