Chapter 13 - Can We Talk?
Audie's POV
Sinubukan kong matulog pero hindi ako dinadalaw ng antok. Simula nang makaalis si Jaz ay dilat na dilat pa rin ang mga mata ko. Gusto kong magpahinga kaso mukhang ayaw makisama ng katawan at utak ko. Ang daming pumapasok sa isip ko.
Napatingin ako sa pintuan nang may kumatok dito. Gumalaw ang doorknob at bumukas ang pintuan. Dumungaw si Mama para siguro tignan kung gising pa kami. Nang makita niyang nakaupo at gising ako ay pumasok siya sa kwarto.
Dahan-dahan siyang umupo sa tabi ko. Huminga siya ng malalim at hinawakan ang mga kamay kong nakapatong sa aking hita. Ang malambot niyang kamay ay hinaplos ang pisngi ko at inangat ang baba ko.
I know that look, Ma. Nararamdaman ko na ang sasabihin niya sa akin. Malamang kinausap sila ni Jazxtin. At hindi ko na matukoy kung anu-ano ang mga sinabi ni Jaz sa kanila. Kahit na curious ako kung ano man ang pinagusapan nila ay hindi na dapat ako magtanong pa tungkol doon.
"Nag-usap na ba kayo ni Jaz tungkol sa kalagayan mo?"
Suminghap ako at hindi makapagsalita. Malungkot ang mga mata ni Mama habang tinititigan ako.
Simula nang malaman namin na may sakit ako, sinabi ko kay Mama na tanggapin niya kung ano man 'yung mga posibleng mangyari sa akin. Kung ako ang tatanungin? Mas gugustuhin ko rin na itago sa kanya 'to. Ayokong maawa si Mama sa akin. Ayokong mahirapan siya dahil sa kalagayan ko. Pero wala na, e...
"Ma, hindi ko po sasabihin kay Jaz ito-"
"Anak, karapatan ni Jaz na malaman la-"
Pinutol ko din siya. "Mas ayos na sa akin 'to. Ang malaman niyang may anak kaming dalawa, ayos na 'yun para sa akin... hindi niya na kailangan pang malaman pa 'yung ibang dahilan. Isa pa, ano pang silbi kung sasabihin ko? Ang mahalaga kilala na ng mag-ama ang isa't isa."
Humigpit ang hawak ni Mama sa kamay ko. Umangat ang tingin ko sa kanya kaya kitang-kita ko na kung paano niya pigilan ang kanyang luha.
"Naaalala mo ba 'yung sinabi mo sa akin noon? After natin malaman 'yung kalagayan mo, sinabi mo sa akin na gusto mong sulitin 'yung mga a-araw na... m-meron ka pa?"
Pakiramdam ko ay winawasak ang puso ko nang marinig ko ang pagkabasag ng boses ni Mama. Ito 'yung ayoko. Ayokong makaramdam siya ng kahit anong pag-aalala! Kahit na natural lang 'yun. Ayoko pa rin.
Tinignan ko lang ang nanay ko. Nandito ako ngayon. Sa harapan ng babaeng una kong minahal. Sa babaeng naghirap para sa akin, para maisilang at maipakita kung gaano kaganda ang mundong 'to, nagtaguyod at minahal ako higit pa sa sarili niya, silang dalawa ni Papa, tinuruan ako kung paano maging isang mabuting anak. Lahat ginawa nila para maging masaya ako... pero heto ako ngayon, hinahayaan na masaktan at umiyak ang babae sa harapan ko.
"Hangga't maaari, sabihin mo na kay Jaz ito. Sulitin niyo 'yung mga araw na meron kayong dalawa... na magkasama." Ngumiti siya.
Umiling ako. "Ma, masasaktan siya. Matindi na ang sakit na dinulot ko sa kanya simula nang umalis ako at nalaman niyang may anak siya. Ayokong madagdagan pa-"
"Bakit? Tingin mo ba hindi siya masasaktan kapag bigla ka na lang nawala sa kanya? Tingin mo ba magiging ayos lang siya kapag... kapag huli na kung kailan niya nalaman?"
Hindi ako nakapagsalita.
"Mas masasaktan siya kung ililihim mo lahat ng ito!" Pinigilan niyang tumaas ang kanyang boses. Huminahon siya bago magsalita. "Gusto kong maging masaya ka. Eto 'yun, Audie. Kilala kita, anak. Si Jaz at Shan ang makapagpapasaya sa'yo."
BINABASA MO ANG
Take Her To The Moon
Romance"Take her to the moon for me. Take her like you promised me. Say you love her every time like how you told me the last time."