Bunging Pangako

9K 129 12
                                    

1996

MAY PANGAKONG binitiwan si Devon sa kababatang si Basty, isang dekada pagkatapos nang Edsa revolution. Panahon iyon na mura pa ang galunggong at sikat na sikat pa si Cedie, ang munting prinsipe.

Naghahabulan sila sa bukid isang hapon, nagtatawanan. Nang mapagod ay hinihingal silang bumagsak sa damuhan. Nakatingin sila pareho sa ulap, halos nakaunan na si Basty sa braso ni Devon. Masyado nang palagay si Basty sa kababata para mailang na maging ganoon kalapit dito.

Magkaibigan ang mga nanay nila. Ulila na siya sa ama kaya mag-isa siyang itinataguyod ng nanay niya. Regular itong manikurista ng mama ni Devon. Isinasama siya ng nanay niya sa marangyang bahay nina Devon at doon niya ito nakilala, nang makita niya itong pasilip-silip sa hagdan, patingin-tingin sa kanya.

Kahit mayaman ito at mahirap lang sila, hindi iyon naging hadlang para maging magkaibigan sila. Pareho pa silang anim na taong gulang na. Lalo pang tumibay ang pagkakaibigang iyon nang tulungan siya ng barangay captain nila na makapag-aral sa private school na pinag-aaralan ni Devon. Mula noon ay halos hindi na sila mapaghiwalay na dalawa.

"Ang cute ng ulap na 'yon o," wika niya, itinuro ang langit. "Korteng unan."

Tumango si Devon, tumuro din sa langit. "'Yon namang ulap na 'yon, korteng ibon."

Iba't-iba pang imahe ang binuo nila sa ulap. Bahay, aso, isda, pati ang mukha ng masungit nilang teacher na si Mrs. De Asis. Nang magsawa ay tahimik na lang nilang pinanood ang kulay kahel na langit, bunga nang papalubog na araw. Naririnig nila ang huni nga mga ibon.

"Sana..." biglang sabi ni Devon, nangangarap ang tinig. "Sana ganito tayo hanggang pagtanda natin."

Bumaling siya rito. "Ano?"

"Sabi ko, Sana ganito tayo poreber and eber. Naghahabulan sa bukid. Nagse-share sa Bazooka bubble gum. Nanghuhuli ng tutubi."

"Hanggang pagtanda natin?" ulit niya.

"Oo nga," pagdidiin nito. "Hanggang wala na tayong mga ngipin."

Napahagikgik siya. "Eh wala ka naman talagang ngipin."

Nakitawa ito sa kanya. Sabi naman ng teacher nila, cute raw si Devon kahit bungi ito. Ito nga raw ang pinaka-poging bata sa lugar nila sa Tanay. Nang magkaroon nga sila ng parada sa school, ito ang naging escort. Kasama nito ang kaklase nilang si Melissa, iyong mahilig sa pambura na amoy strawberry. Nainis nga siya kay Melissa, dahil ito ang nakatabi ni Devon sa parada, hindi siya.

"Gusto ko rin paglaki natin, tumira tayo sa isang bahay, para lagi tayong nagkikita," wika pa nito. "Parang sina papa at mama."

"Mag-asawa kaya ang papa at mama mo."

"Eh di gagawin kitang asawa ko," kaswal na sabi nito.

May inosenteng tuwang bumalot sa puso niya. "Puwede ba 'yon? Ang bata pa natin."

Bahagya siya nitong kinutusan. "Sira. Siyempre, paglaki na natin." Napahinto ito. "Pero dapat, ngayon pa lang, may usapan na tayo. Ikaw na ang magiging asawa ko." Itinuro siya nito. "Ako naman ang magiging asawa mo." Itinuro nito ang sarili.

Wala siyang balak na tumanggi. Gusto rin niyang araw-araw na makita si Devon. "Sige, game ako."

Bumangon ito mula sa pagkakahiga. Nagkikislapan ang maamong mga mata nito. "Dapat, may singsing tayo."

"Singsing?"

Mula sa bulsa nito ay naglabas ito ng dalawang Bahay-Kubo, iyong sistsiryang may libreng singsing. Mukhang planado na nito ang lahat. Binuksan nito ang mga sistsirya at kinuha ang mga singsing. Bumangon din siya sa pagkakahiga at pinanood ito.

"Dapat may singsing, kasi may pangako," nakangiting sabi pa nito.

Kinuha nito ang kamay niya, isinuot sa hinlalaki niya ang singsing. Isinuot din nito sa hinlalaki nito ang isa pa. Parehong hindi kasya sa kanila, pero hindi nila iyon alintana. Ipinagdikit nila ang mga kamay nila, itinaas iyon sa ere, para matitigan nilang dalawa. Sa langit, nagsisimula nang sumilip ang mga bituin.

"Hanggang pagtanda natin," bulong sa kanya ni Devon. "Pangako 'yan."

"Hanggang pagtanda natin," sabi din niya. Hindi niya alam kung bakit, hindi niya maintindihan ang dahilan, pero pinangiliran ng luha ang mga mata niya. "Aasahan ko 'yan."

The Puppy Love That Lasted Forever (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon