Kolehiyo--tumatanda, Hindi Nagbabago

3K 79 1
                                    


2008

SA PAGLIPAS ng tatlong taon, marami na namang nagbago. Hindi na nagkaroon ng Edsa kuwatro. May ilang mahihirap na hindi na makabili ng galunggong. Tuluyan nang nalaos si Cedie at ang mga kaibigan nitong sina Remy at Detective Angie.

Kasama sa pagbabagong iyon, ang pagkakaroon ni Devon nang girlfriend. Basty hated the fact that after they graduated high school, Devon and Melissa became an item. Naalala pa ni Basty kung paano sinabi sa kanya ni Devon na sinagot na ito ni Melissa.

"Gusto pala talaga niya ako. Ako pala talaga iyong Devon na isinulat niya sa slumbook. Kaya niya 'ko hindi sinagot, kasi binalaan siya ng parents niya na 'wag munang mag-boyfriend."

"Ah," sabi niya, nagkukunwaring natutuwa para rito. Magkatabi sila sa sofa ng bahay niya, nanonood ng Eat Bulaga na paboritong palabas nito. "Eh pa'no 'yan? Buti pinayagan siya ng mama niya na mag-boyfriend na?"

"Eh kilala naman kasi ako ng mama at papa niya. Natuwa pa nga sila nang malamang ako ang boyfriend ng anak nila," sabi nito. Napangiti. Pagkatapos ay walang paalam na inilapit bigla ang mukha sa kanya. "Saka wala namang nakaka-resist sa poging mukha ng kababata mo, 'di ba?"

Napalunok siya, ang puso ay natataranta. Nagkandaduling siya sa lapit ng mukha ng pilyong kababata sa kanya. Umurong siya at pinatikim ito ng isang tabong irap. Natawa lang ito.

"'Kita mo, namula ka. Napo-pogi-an ka rin sa 'kin, 'di ba?"

"Oo. Ang sarap mong i-preserve," sarkastikong sabi niya.

Ang lakas ng tawa nito. Sa huli ay nakitawa rin siya rito.

Kinagabihan, umiiyak naman siya habang nakatingin sa pekeng singsing na ibinigay nito sa kanya.

"Basty!"

Natigil siya sa malalim na pag-iisip nang marinig ang sigaw ni Devon. Nakita niyang pumipitik na ito sa harap niya, tila nag-aalala. Katabi nito si Melissa at Arthur na tila nag-aalala na rin. Nasa tabing-ilog sila sa tabi ng mga university nila, na madalas nilang tambayan kapag nagkasabay sila ng break. "Bakit?" tanong niya.

"Kanina ka pa tulala, Basty. May iniisip ka ba?" si Devon, mukhang nag-aalala talaga. "Kailangan mo ba ng tulong sa report? Sa pagre-review?"

Magkaiba na sila ng pinasukang unibersidad. Sa isang private school nag-aaral sina Melissa at Devon. Dahil tulad naman niya si Arthur na hindi naman gaanong nakakaluwag sa buhay, pareho silang nag-aral sa isang state university. Broadcasting ang kurso nila ni Arthur at may kinalaman naman sa business ang kurso nina Melissa at Devon. Magkatabi lang ang mga unibersidad nila kaya nagkikita pa rin naman sila kapag libreng oras.

"Hindi," tanggi niya. "Kailangan ko lang kasi ng pambili ng gamot ni nanay. Dumadalas na kasi ang atake ng hika sa kanya," sabi niya.

Hindi na nagma-manicure ang nanay niya. Tila kasi lalo itong hinihika sa amoy ng mga nail polish nito. Ang pinagka-ka-abalahan na lang nito ay ang maliit nitong sari-sari store na halos walang laman, na ang kita ay nauubos lang sa pambaon, projects at pang-araw-araw na pangangailangan nila. Mabuti na lang at scholar siya ng unibersidad na pinapasukan. Kung hindi ay baka lalo silang mahirapan.

Kumunot ang noo ni Devon. "Gusto mong pahiramin kita ng pera?"

Umiling siya. "Ayoko. Iba-budget ko na lang 'yong kinikita ng tindahan namin. Kaya pa namang makabili, kung tutuusin," nakangiting sabi niya.

The Puppy Love That Lasted Forever (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon