"Uwaa!" ungol ng isang sanggol habang nakatayo akong nagmamasid. Naalala mo pa ba Ina, sabi mo gulat na gulat si ama kung anong nangyari't bakit ako nagkaganito. Naubos na nga ang kakarampot niyong ipon ni Ama masiguro lang na ako'y maging normal. Buwan-buwan, kung minsa'y may kaunti ka lang na maramdaman ay agad kayong tumutungo sa doktor mapatignan lamang ako.
Sino nga ba ang hindi magugulat kung pilit sinasabi ng doktor na magiging normal ang iyong isisilang ngunit kabalintunaan ang nailuwal? Sinong ina ba ang hindi magugulat na maglabas ng kahihiyan mula sa kaniyang puwerta? Hindi mo aakalain na dahil lamang sa isang punit sa labi'y magiging kalait-lait ang iyong anak. Punit, punit na umabot at bumubutas sa aking ngalangala. Punit na ang sugat ay umabot sa puso't isip, dumungis sa iyong pagkatao't 'di ka na hinayaan pang mabuhay tulad ng nakararami. Isang mabigat na dalahing kailangang isipin sa pang-araw-araw at mga taong tunay na nakaiintindi lamang ang nakatatanggap. Punit na pumipigil upang matawag ang aking ama bilang 'Pa'. Pilit ko mang subukan ngunit ang talagang lumalabas sa bingot kong bibig ay 'Ma'.
"Uwaa!" aking muling pag-ungol. Bakit ko nakikita't naalala ang ganitong mga pangyayari. Panibagong buhay? "Uwaa!"
"Napakagandang bata," mga salitang nagmula sa isa sa mga iilang taong nagsasabing isa akong kay inam na nilikha. Kita ko sa kaniyang mga mata ang mga wagas na luha na buong-buo kung ako'y tanggapin sa kabila ng kasinungalingang ibinato sa kaniya ng mundo. Sino ba ang nais na magkaanak ng ganito?
"Dok, anong nangyari't bakit nagkaganito ang aking anak? Sayang lang ba binayad namin o pinagloloko niyo kami?" sigaw ng aking ama.
"A, eh, pasensiya na po. 'Di rin po namin inasahan na magkakaganiyan ang inyong anak. 'Wag ho kayo mag-alala, libre na naming ipatatahi ang labi ng inyong anak." Nakikita ko ang tila balisang mukha ng doktor.
"Mahal, 'wag ka na mag-aalala. Ang mahalaga'y nayayakap na natin ang ating anak." Dalisay siyang nakatitig sa sanggol. Buhat-buhat at kalong-kalong. Hinehele't pilit pinatatahan. "Papangalanan kitang 'Bagwis'."
Umakbay ang aking ama kay ina. "Napakagandang pangalan, mahal."
"Bagwis, nawa'y mabuhay kang tila ibong sumasabay sa daloy ng hangin. Maging matayog sana ang iyong paglipad at maabot mo ang langit. At kung sakali mang ika'y mahubdan ng iyong kariktan, lagi mong pakatatandaan na ang balahibo ng ibon ay nakikiindayog sa kumpas ng hangin."
"Bagwis," bulong ng aking ama nang ako'y kaniyang halikan sa aking noo. "Mahal na mahal ka namin ng iyong ina."
Bagamat ako'y isinilang nang ganito, hindi ko maitatangging napakasuwerte ko sa aking mga magulang. Nakatanggap ako ng wagas na pagmamahal at suporta sa kanila, simula't sapul. Naging masaya ang aking kabataan kahit na isang kahig at isang tuka kami kung mabuhay. Napakaganda lang talaga ng kapaligiran lalo mula sa mata ng isang batang hindi pa nadudungisan ng realidad ang pagtingin nito sa mundo, sapagkat wala namang ginhawang mapagkukumparahan. Labandera sa umaga't nanay naman sa gabi si ina. Si ama nama'y halos hindi na umuuwi makakuha lamang ng maipapakain. Hindi ko mawari, aapat na nga lang kami ngunit hindi pa kami makaraos-raos. Hindi talaga pantay-pantay ang sulok ng mundo. Sabagay, bilog nga pala ito. Pilit kang lumalaban ngunit tila walang ginhawa ang kapalit.
BINABASA MO ANG
MANG MANG
General FictionSinasabing ang mga tao'y muling makikita ang kanilang naging buhay bago sila tuluyang pumanaw. Sa pagyao ni 'Bang', isang bingot, sinamahan niya ang kaniyang sariling muling maglakbay sa kaniyang mga alaala. Binalikan kung papaano niya nilinang, 'di...