Nasa dila ko pa nga ang lasa ng steak na 'yun. Mag-aalas singko na't naihatid na sa kaniya-kaniyang tinutuluyan ang aking mga kaibigan at kami ni Jenny and nahuli. Pagkababa sa van, dumungaw mula sa karton at tumahol nang malakas si Whitey sa isang batang naglalaro sa kalsada. Kasing hubog siya ng kaninang batang lalaking hinuli ng mga pulis. Ano na nga kaya ang nangyari sa batang iyon? Sa loob ng bahay ko muna pinatuloy si Whitey upang hindi malamigan at makapagpahinga pa.
"Tita alam niyo ho ma sombrang sarap ng steak na kinain namin kanina!" balita ko kay Tita.
"Totoo, Ma!" masiglang dagdag ni Jenny. "Si Bang nga ang bagal kumain tapos parang maiyak-iyak pa. Tapos may swimming pool pa sila!"
"Marang nakamag-outing na tuloy kami. Tamos may dalawa silang aso. 'Sing laki ni Whitey mero mamalahimo." salaysay ko pa.
"Bang! Nandito na kayo, kanina ko pa kayo hinihintay!" Lumabas si ina mula sa kuwarto't agad akong niyakap nang kami'y magkita.
Patuloy pa ni Tita, "Ok, ok. Halata namang tuwang-tuwa kayo sa nangyari ..."
May biglang katok mula sa gate. Nagkusa na si Tita Maria na siya na ang humarap.
"So hindi na fried chicken favorite mo?" pabirong tanong ni ina.
"Fried chicken pa rin!" pahalakhak kong sagot.
Nagmamadaling pumasok muli ng bahay si Tita.
"O bakit?" pagtataka ni ina.
"May mga reporters sa labas!" Hinihingal pa si Tita Maria habang nagsasalita.
"Bakit raw?"
Lumabas kaming apat sa pinto't biglang may tumabi sa aking lalaking nakaunipormeng pampulis. May kasama siyang mamamahayag at camera man.
"Siya. Siya 'yung batang tumulong sa aming mahuli 'yung magnanakaw." pagbibigay-alam niya.
"Mercy! Proud ako sa pamangkin ko!" Niyakap ako ni Tita't pinagkukurot ang aking pisngi.
"Mas proud ako Mars!" pagdiriwang ni ina, "Tama talaga ang pagpapalaki ko sa iyo anak!"
"Maari po ba naming ma-interview ang inyong anak?" paghingi ng permiso ng mamamahayag.
"Oo naman!" mabilis at tuwirang tugon ni ina. Bumaling siya sa akin, "Nako, Bang. Tuwang-tuwa ako!"
"'Pag sumikat ka na Bang, 'wag mo kami kalimutan." biro ni Jenny sa akin.
Imbes na galak, may kahalong pagtataka ang aking naramdaman. Ano't kinailangan akong bisitahin ng isa sa mga pulis na aking natulungan. Bukod pa roon ay nakapupuspos ang mga kasama nitong mamamahayag at cameraman. Dagdag pa roon ang abalàng tanawin ng mga empleyado ng istasiyon sa telebisyon na naghahanda at nag-aayos ng mga abubot upang masimulan ang panayam. Isa lamang musmos ang aking natulungang mahuli. Isang musmos. Kung gumayak sila para sa panayam ay tila napakalaking isda ang aking nahuli. Sumagi muli sa aking isipan ang titig ng bata.
Nagsimulang magliwanag ang paligid, nakisisilaw at nakabubulag ang unang sabog ng sinag mula sa kanilang pailaw. "Narito ho to tayo sa loob ng bahay ng ating mumunting mabuting Samaritano na tumulong sa mga pulis upang madakip ang isang magnanakaw. Kanina lamang po, kasabay po ng naging magulong dispersiyon sa Barangay Purok Kanluran, ayon sa mga kapulisan, nagsimulang magtakbuhan, manggulo, at magsipagtakas ang mga residente nito. Isa sa mga iyon ang notoryus na kawatan. Narito ho si SPO4 Gagarin upang ilahad ang kuwento." ulat ng mamamahayag.
Tumikhom ang pulis at kay uyam na ngumiti. Tumindig ito nang tuwid upang simulan ang kaniyang salaysayin. "Totoo po iyon. Isa pong bayani ang batang ito. Sa kasagsagan po ng kaguluhang naidulot ng mga residente ng Purok Kanluran... Alam naman po natin kung gaano pinahahalagahan ng ating pamahalaang panlungsod ang ating kaayusan at kapayapaan. Kaya nga po masakit man ang pangyayari, kinailangan na po nating paalisin ang mga residenteng wala na pong ginawa kundi manggulo. Nagsimula po silang mambato, at isa sa mga kahindik-hindik na ginawa nila'y ang magnakaw sa mga karatig baranggay. Maging mismo sa hanay naming kapulisan. Katakut-takot! Paano kung baril ang nanakaw nila sa amin? Paano kung nagpa-ulan sila ng bala't dumanak ang dugo. Ayaw ho nating mangyari iyon.
BINABASA MO ANG
MANG MANG
General FictionSinasabing ang mga tao'y muling makikita ang kanilang naging buhay bago sila tuluyang pumanaw. Sa pagyao ni 'Bang', isang bingot, sinamahan niya ang kaniyang sariling muling maglakbay sa kaniyang mga alaala. Binalikan kung papaano niya nilinang, 'di...