Maaga ako ngayong gumising para masilayan ko pa si ina bago siya umalis. Gaya nga kahapon, maayos na agad ang bahagi niya sa kama. Naririnig ko ang mga pinahumal na bungisngis ni ina't Aling Maria. Lumabas ako nang kuwarto't nakita ang bilog na orasang nakasabit sa sala. Nakaturo sa 5 ang maliit na daliri, sa 12 naman ang malaki.
"O, Bang!" tawag ni Aling Maria, "Mag-almusal ka!"
Napalingon si ina mula sa kaniyang kinauupuan, "Bang, halika rito tikman mo champorado ng Tita mo." Muli niyang hinarap si Aling Maria at nagpatuloy sila sa tahimik nilang kuwentuhan.
Naengganyo akong lumapit dahil sa sarap ng amoy ng mainit na kakaw — mapakla-pakla at kay tamis. Naupo ako sa tabi ni ina habang sinasalukan niya ako ng isang magkok ng champoradong binuhusan ng kondensada't binudburan naman ng powdered milk.
"Aga mong gumising, Bang?" tanong ni Ina.
"Magandang umaga mo, Aling Mercy. Good morning din, ina. Gusto kasi kita makita, ina mago ka man lang umalis." sagot ko, "Mers [First] day mo sa tramaho, 'di ma?"
"Nakakatuwa naman ang anak mo, Mercy." Itinungkod niya ang kaniyang braso sa mesa gamit ang siko. "Tawagin mo na lang akong Tita Maria, Bang. Nakakatanda masyado 'yang 'Ale' na 'yan." Inabot niya sa aking ang kondensada.
"Sige mo, Tita."
"Ikaw rin naman, Mars." tugon ni ina. "Mukha ngang matalino at mabait rin si Jenny. Sa katunayan nga'y ikinuwento siya kagabi sa akin ni Bang."
"Alam mo ba Mercy, 'yang si Jenny," nagliwanag sa kasiglahan ang mukha ni TIta Maria, "minsan 'yung mga nanay ng kalaro niya, pumupunta rito para magreklamo!"
"Bakit?" agad na sagot ni ina. Nakita kung paano biglang umiling ang kaniya lang nakangiting mukha kanina.
"Kasi ba naman lagi niyang tinatalo mga kalaro niya. Bili tuloy ng bili ng text, pogs, holen, o kung ano pa man ang uso na laro diyan sa labas lalo nanay ni Jojo at Tino. Pero, patuloy pa rin naman sila sa paglalaro. Minsan dahil alam kong 'yon ang sinadya ng mga 'yong pag pmupunta rito, aba, bibigyan ko na lang ng isang mangkok na niluto ko. Pakiramdam ko nga 'yung luto ko pinunta talaga nang mga 'yon pag napapadaan dito't ginagawa lamang na rason si Jenny. Aba! 'Di pwedeng mawili sila, nakakalibre sila ng ulam!"
"Akala ko naman kung ano!" Dagdag pa ni ina, "Eh, si Jeremy nasa'n na 'yung hinayupak na 'yun?"
"Grabe ka naman sa asawa ko."
"Napansin ko nga pala na pangalawang gabi nang 'di umuuwi asawa mo ha! 'Di porket maraming nagkakagusto sa kaniya no'ng hayskul ay iiwan niya na lang kayo ni Jenny!" Dumiin ang hawak ni ina sa kutsara.
"'Nako Mercy, may gatas ka pa sa labi."
"Hindi na tayo bata Mars! Hindi pwede 'yang ganiyan!"
"Hindi, Mercy. Talagang may gatas ka pa sa labi." Tumuro si Tita Maria sa labi ni ina.
Inabutan ko ng pamunas si ina't siya'y nagpatuloy, "Mars, naman. Sagutin mo tanong ko. Nasa'n na si Jeremy?"
"Sige sasagutin kita, pero hinay-hinay lang, Mars. Nandyan anak mo o."
Tumindig si ina sa kaniyang pagkakaupo't dumiretso ng sandal sa silya. Binitiwan niya ang kutsara't ipinatong ang parehong mga kamay sa mesa. Akala mo'y may pagdinig sa hukuman ang mangyayari. Kamukha ito sa napapanood kong palabas sa tindahan nila Aling Fely. Ang pinagkaiba lang, si ina yung nakapormang parang siya 'yung nasasakdal, at sa parehong pagkakataon, siya rin yung abogadong iipitin si Tita Maria.
Napayuko nang bahagya si Tita Maria. Napansin ko ring bigla na lamang tumamlay ang kaniyang mga mata. Kumuha rin siya ng tisyu't nalukot pa nga ito sa mahigpit niyang pagkakahawak. Nagsimulang may lumabas na tunog sa ngayo'y magaralgal niya nang boses. "Alam mo kasi Mare ... si ... si Jeremy ay. ... Ganito kasi 'yan. Ayaw ko sanang malaman mo kaso mukhang ito na nga yata ang tamang oras. Naalala mo pa ba kung paano na lang ako pangakuan ni Jeremy na pakakasalan niya ako't habambuhay niya akong paliligayahin, magsasama't bubuo ng pamilya. Nakatutuwa dahil sa akin niya iyon sinasabi bagamat 'di ako ang pinakamaganda sa klase natin noon. Hinahabol siya ng maraming mga kababaihan ngunit talagang ang mga mata niya ay sa akin lang. 'Di ko nga lubos isipin na aabot sa ganito ang pagsasama namin. Ang hirap palang magpalaki mag-isa ng anak. Dalawang taon na. ..."
BINABASA MO ANG
MANG MANG
General FictionSinasabing ang mga tao'y muling makikita ang kanilang naging buhay bago sila tuluyang pumanaw. Sa pagyao ni 'Bang', isang bingot, sinamahan niya ang kaniyang sariling muling maglakbay sa kaniyang mga alaala. Binalikan kung papaano niya nilinang, 'di...