Naupo ako sa aking mesang pang-aralin kung saan naroon at nakapatong ang litrato ng mga taong mahahalaga sa aking buhay. Naroon ang litrato namin nina ina, Tita Maria, Tito Jeremy, Jenny at ako noong nakuhaan kami noong Recognition day. Katabi naman nito ang litratong nakuhaan ng camera ni Carl noong bumisita siya sa aming bahay. Magkatabi tayo't ang sarap ng iyong ngiti, na kahit kailan ay hindi ko na muli pang makikita.
Si Ti-Tino... p-p-pa...tay?
Paano nangyari 'yon? Hindi pwede. Hindi pwedeng mamatay na lamang si Tino ng ganoon. Ang tanga ko! Naging mataas ang tingin ko sa aking mga paniniwalang pinanghahawakan naging bulag ako sa mga kaganapan. Paano ko 'yon nagawa kay Tino?
Paanong sa simula pa lamang ay 'di ko na agad naintindihan agad ang lahat! Napakatanga ko. Kung nabiyayaan lamang sana ako ng kaparehong talino ng aking mga kaibigan baka ... baka buhay ka pa Tino. Bakit ba hindi ko pinakinggan ang pagmamakaawa mo sa aking harapan nang dumulog ka ng tulong sa akin? Bakit ba ipinilit kong ikaw ay sumuko sa taong iyon? Bakit ba hindi tumagos sa aking damdamin ang mga nagsusumamo mong mga mata, ang iyong mga luha, ang pawisan at bagsak mong buhok, ang labi mong nanginginig kasabay nang pagyugyog mo sa aking braso.... Bakit ba hindi ako naniwala sa sinasabi mo? Binabangungot ako ng mukha mo na iyon sapagkat pruweba itong isa akong malaking tanga!
Tino, patawad. Hindi ko sinasadya. Kung nasaan ka man ngayon ay humihingi ako ng tawad. 'Di ko alam ba't hindi ako sa iyo nakinig. Tino, sana mapatawad mo ako.... Hindi ko sinasadya. Alam mo namang gusto ko lang makatulong sa iyo. Tino, hindi ko alam ... Hindi ito ang nais ko.
Tila naging katok sa sarado kong isipan ang mga sinabi sa akin ni Carl at Jenny. Totoong pinairal ko ang aking galit kaysa ang aking kahabagan. Wala na akong mukhang maihaharap sa aking mga kaibigan. Napakawalang-kwenta kong kaibigan. Nakakalungkot kasi napakalaki ng tiwala mo sa akin. Tinuring mo akong tunay na kaibigan. Batid kong ako nga lang yata ang napagsabihan mo ng pangarap mo para sa iyong pamilya. Pangarap na kahit kailan ay 'di mo na matutupad para sa kanila.
Nakita ko kung paano ka naghirap, Tino. Ako ba talaga ang nakasama mo sa mga paghihinagpis mo? Batid kong hindi sapagkat tila naging manhid yata ako sa mga daing mo. Oo, tinutulungan kita ngunit parang ang tulong na iyon ay hindi para sa iyo, kung hindi para sa aking sarili, sa aking pantasiyang mabawasan ang mga gaya mong nalilihis ng landas.
Nang dahil doon ay naging idolo ko ang alkalde, pagkat... pagkat pareho kami ng ideyolohiya at adhikain. Nauto ako ng isang tao ... hindi pala, ng isang napakalaking halimaw na nagtatago sa likod ng maskara ng isang mabuting tao. Isa siyang huwad, masahol pa sa isang nanlilimahid na baboy, mapagkunwaring hunyango, matakaw na buwaya, at umaalingasaw na bulok na isda. Bakit ba nilampasan ko ang pruweba noong unang beses pa lamang kaming magkita? Noong ginamit niya ako para pasulungin ang kaniyang naratibo sa maayos at maunlad na Maylina sa pagpeke sa balitang ihahayag. Ako, nakahuli ng isang notoryus na magnanakaw? Napakalaking kagaguhan. Pero, pinalampas ko lamang iyon. Kasi gano'n ako kalaking tanga!
Tino...
Isa rin itong malaking sampal sa akin. Isa akong hipokrito! Pinangangahalagan ko ang karapatan ng mga taong mabuhay nang nasa-ayos at may kalidad ngunit paano ko naaatim at natatanggap ang salang pagpatay? Kailan? Kailan naitanim sa aking isip na maaring pumatay ng ganon ganon na lamang.
Paanong hindi ako nabuwag ng araw-araw na balita noon ng mga taong namamatay? Mga inosenteng napapaslang ng mga nalulong, at mga mga 'nalulong' na napaslang. Bakit hindi pa naging hudyat sa aking isip ang araw na nakakita ako ng walang habas na pagpatay sa isang lalaking nagmamakaawa para sa kaniyang buhay? Naging ganoon naba katigas ang aking puso? O maari kong sabihin na ganoon na lamang ba bumaliktad ang aking puso dahil sa dami ng pangyayaring pilit nagpapatumba rito?
Paano ko na rin haharapin sina Shirley at ang aking mga estudyante. Hindi na ako karapat-dapat na magturo sa kanila sapagkat isa akong huwad na guro. Guro na may kuwestiyonableng paniniwala. Paano na lamang kung sa mga leksiyon naman ay 'di ko namamalayang naisalin ko sa kanila ang lason sa aking isipan? Naniniwala ako na isa ang guro sa mga taong dapat ay gumagabay sa tuwid na landas upang lumaking mabuting Pilipino ang mga bata. Dito ... dito sa Pilipinas. Nagawa ko pang maituro sa kanila ang Konstitusiyon, ngunit ako mismo ang bumali sa mga ito.
"No person shall be deprived of life, liberty, or property without due process of law, nor shall any person be denied the equal protection of the laws," ang unang seksiyon sa Article III: Bill of Rights. Ang una ring seksiyon na aking nakita nang unang beses kong buklatin ang aklat na regalo sa akin ni ama. Tulad ng libro sa aking kahunan ay tila tumimik rin at naiwanan sa kahon ang aking moralidad.
Pinangarap ko pang maging abogado? Hindi ako karapat-dapat. Napakalayo ng agwat namin ni Carl hindi lang sa estado ng buhay, kung hindi na rin sa mga prinsipyong pinanghahawakan. Paano ko maipagtatanggol ang isang tao laban sa mga umaabuso sa kaniya kung ako mismo'y 'di ko magawang labanan ang digmaan sa loob ng aking isipan? Isang digmaang 'di ko namamalayan na ang demonyong umaangil ay unti-unting nang nagwawagi at winawasak ang aking paniniwala ... winawasak ang aking isipan... winawasak, ang aking buhay?
Tila kaparehong epekto ng tampita. Nalulong rin ako sa mga ideyolohiyang mapanira. Nakakaadik ang pantasiya sa isang buo, maunlad at matiwasay na buhay dahil nanggagaling ito sa isang taong ang kaisipan mismo ay durog, wasak, at ang pundasyon ay tanging emosyon at galit. Karapat-dapat na rin ba akong mamatay, kung susundin ko ang aking paniniwala? Sapagkat ako mismo ang sumira sa aking buhay, 'di ito ninais ng iba. Ako lamang, tanging ako lamang ang sanhi. Siguro nga ako ang dapat nawala, hindi ikaw, Tino.
Kung kagaya ni ama'y pareho na kayong mga panandaliang mga alitaptap sa gabing langit ay ihingi mo rin ako ng tawad sa kaniya. Napakalaki kong kabiguan. Napakatanga k-ko-o.... Ama, humihingi rin ako ng tawad sa iyo diyan sa langit. Nalulungkot ka siguro sa akin ngayon sapagkat lumaki akong hindi ko man lang naisapuso ang mga aral na ibinigay mo sa akin.
Nagkaroon ng katok sa aking pinto.
"Bang? Pagbuksan mo naman ako. Tinig nang aking inang wala pa man ding ginagawa ay nagpagaan na sa aking loob.
Binuksan ko ang pinto't agad siyang niyakap. "Ma-mahal kita. Ina."
"May problema ba, Bang? Bakit namumula ang mga mata mo? Huwag mong sabihing sinisisi mo ang sarili mo sa mga nangyari kay Tino?"
Lumunok ako't 'di makapagsalita. Ang nais ko lamang ngayon ay yakapin siya't marinig ang kaniyang boses.
"Bang, wala kang kasalanan. Ginawa mo lang ang sa tingin mong tama. Naiintindihan kong baka nagagalit ka sa sarili mo ngayon.
"Ngayon, kung nalulungkot ka, sige ilabas mo lang lahat ng galit, poot, at luha mula sa iyong mga mata at narito lang ako upang maging sandigan mo. Nakita mo itong damit ko? Lalabhan ko rin 'yan bukas kaya sige, anak, yakapin mo ako't ibuhos mo lahat ng luha mo rito.
"Huwag na huwag kang mag-iipon ng sama ng loob, ng kalungkutan, at ng luha, anak. Kailangan mong pakawalan iyan lahat dahil 'pag iyan ay naiipon, bibigat ang iyong sarili't mahihirapan kang sumulong pahinaharap. Puputok at babaha iyan sa iyong puso sa puntong maaring hindi mo na kayanin. Sa susunod na may bumabagabag sa isipan mo, tandaan mong narito ako upang makinig."
'Di ko na napigilan at bumuhos ang aking luha na tila tubig mula sa dam na kay tagal nang naipon. Nilamutak at ginusot-gusot ko ang uniporme ni ina at doon ay nilunod at hinayaang masipsip ang baha na aking pilit na sinusugpo.
Sinarili ko ang sakit dahil akala ko'y makakadagdag lamang ito sa bigat na dinadala ni ina. Halos araw-araw siyang nagtatrabaho, nagpapakahirap, nagpapakapagod kaya't 'di ko ninais makadagdag pa sa kaniyang isipin. Hindi ko alam na kâya niya palang buhatin ang lahat ng iyon.
Tumingala ako sa kaniya habang siya'y yakap-yakap ko pa. Nakita ang mas kumukulubot niya nang mukha, ang nagsisimulang lumaylay na mga balat sa napakaganda niyang hitsura. Ang bawat guhit sa kaniyang noo at ang kulubot sa gilid ng kaniyang mga mata ay tanda ng kaniyang pagsusumikap upang mabigyan ako ng magandang kinabukasan. Tunay nga ang sinabi ni Carl na ang kahirapan ay sistemiko. Sa tagal ng paghihirap ni ina'y walang pagbabago sa antas ng aming buhay. 'Di ako karapat-dapat sa kaniyang pagsusumikap. Tumatanda na ang aking ina ngunit wala akong naitulong sa kaniya. Matagal na siguro kaming nalugmok kung wala ang tulong ng pamilya ni Jenny. Napakawalang kwenta ko talaga. Napakawalang utang na loob!
Isa nga akong mangmang.
BINABASA MO ANG
MANG MANG
General FictionSinasabing ang mga tao'y muling makikita ang kanilang naging buhay bago sila tuluyang pumanaw. Sa pagyao ni 'Bang', isang bingot, sinamahan niya ang kaniyang sariling muling maglakbay sa kaniyang mga alaala. Binalikan kung papaano niya nilinang, 'di...