Yapak

28 1 0
                                    

Sumikat na muli ang araw at nararamdaman ko ang sigla na bumalot sa aking paggising.  Dali-dali akong tumayo't hinanap ang libro, na nasa aking tabi pa rin. Dinampot ko ito't lumabas sa aming kuwarto. Sa aking paglabas ay nasilayan ko ang aking inang nakatulog na sa lapag, tabi ng mga gamit naming nakaligpit. Minsan lang siya mapayapa kaya naman kumuha na lang ako ng kumot, binalot siya't 'di na dinistorbo pa. Sa isang halik sa noo'y lumabas na ako sa aming bahay.

Mukhang napakaganda ng araw ni Whitey. Nakatutuwang pagmasdan ang pagwagayway ng kaniyang buntot sa pagsalubong sa akin; tila iniimbitahan akong lumapit. Naisipan ko tuloy na iparinig sa kaniya ang aking bagong natutunan. Iniayos ko ang aking shorts at naupo sa kaniyang harapan.

"Whitey, gusto mo ba marinig bago kong natutunan?" tanong ko sa kaniya. Siyempre, 'di siya sumagot ngunit titig na titig siya sa aking mga mata. Tumikhim ako't nagsimula, "We, the sovereign Filimino meomle ... mromulgate this Constitution." Nagulat na lamang ako nang bigla niya akong talunan at dilaan ang aking mukha. Natumba tuloy ako sa sementadong sahig habang humahalakhak nang pagkalakas-lakas dahil sa pagkakakiliti.

"Whitey, tama na!" pagmamakaawa ko sa aking buhay. "Whitey!" Dahil sa ayaw niyang tumigil, nilakasan ko ang aking loob at binawiian siya sa pagkiliti sa kaniyang tiyan. Buti na lamang at 'di pa gaanong malaki itong aspin na ito kaya nagawa ko siyang buhatin at i-wrestling pataob. Napakadaya, mukhang nagustuhan pa kaya nananahimik. "Ang daya mo, Whitey!" sigaw ko. Napakabilis ng kaniyang tugong kahol nang sinubukan kong tanggalin ang aking kamay sa paghaplos sa kaniyang tiyan. "Shh! Whitey, natutulog si Mama."

Dahil sa malapit na ang palabas na tumatampok sa paborito kong abogado sa telebisyon ng kalapit naming tindahan, inanyayahan ko ang aking mahal na alaga na manood na lamang, "Whitey, d'on muna tayo sa kamitmahay, ha."

Muli siyang tumahol bilang tugon.

"Whitey, saming 'wag maingay, eh!" At hinatak ko na siya patungo sa tindahan.

Limang maliliit na bahay lamang ang aming nilampasan patungo sa tindahang madalas kong pagtambayan. Nakapulupot ang tali ni Whitey sa aking mga kamay, inalalayan ko siya at binuhat upang tumabi sa aki't maupo sa ibabaw ng mahabang bangkong gawa sa tatlong putol na kahoy na pinagtabi-tabi. "O, Whitey, manonood muna tayo ah."

"Aba, nariyan ka pala, Bang?" kamusta sa akin ni Aling Fely nang dumungaw siya mula sa isang maliit na bukasan sa harapan ng kaniyang tindahan. "Kunin mo na ito, oh." banggit niya nang abutan niya ako ng sitsirya.

Madalas kami rito sa tindahan dahil sa napakabait ni Aling Fely. Isa rin iyon sa dahilan kung bakit kaya naming ipagkatiwala si Whitey sa kaniya sa tuwing kami'y aalis pansamantala ng aming pamilya. Napapangiti ako dahil gayundin ang tuwa ni Whitey na siya'y makita.

Tanong ni Aling Fely, "Bang, balita ko aalis na raw kayo? Kailan ang balik niyo?"

Tugon ko, "Hindi ko mo alam Aling Fely, sami mo ni Mama ay hahanamin namin lolo't lola ko."

"Ah, ganun ba?" Nakita kong tumamlay ang mga mata niya. Kahit hindi namin siya kaano-ano ni ina ay naging malapit na rin kami sa kaniya. Hindi ko alam ang buong katotohanan ngunit nakalulungkot nga lang isipin na ang isang babaeng tulad niya'y tumanda nang walang kasama sa buhay. Wari ko'y magiging napakaligaya niya kung may dumating na taong magmamahal sa kaniya nang tunay. Panandalian pa akong tumitig sa kaniyang mukha. Sa isang bahagyang ngiti'y muli siyang tumitig sa aking mga mata, "Bubuksan ko ang telebisyon at sabayan mo kong manood ha."

"Omo, naman!" sigaw ko habang itinataas ang kamay sa galak. Sumabay rin ng tahol si Whitey.

Pinagmamasdan ko ang aking musmos na sarili na tuwang-tuwa sa kaniyang panonood habang pinapapak ang pinamudmod na sitsirya. Naroon rin ang aking pinakamamahal na si Whitey, halos tuta pa lamang, na nakikiagaw sa bawat pirasong maaring lantakan. Pansin rin, 'di man sabihin ni Aling Fely, nakikita ko ang kaniyang pangungulila. Akalain mong ganito pala ang kaniyang mukha nang siya'y mas bata-bata pa.

MANG MANGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon