Yaman

3 1 0
                                    

"Mwede ko ho mang isama si Whitey?" tanong ko kay Carl na nakaupo sa harapang upuan ng van.

Kagabi lang ay naparito sa amin sina Carl at ngayong umaga'y agad nagbabalik upang kami'y sunduin. Nasa loob na ng van sina Jojo, Tino, Jenny, at Angelica. Medyo nahuli ako ng gising. Nahuli rin tuloy sa almusal kaya ngayon humahangos ako upang maaga-aga pa kaming makarating kina Carl. Nakapang-araw-araw lamang kami na kasuotan nina Jenny at Tino, ngunit itong si Angelica at Jojo'y nakapang-alis pa talaga. Nakakulay dilaw na dress si Angelica at nakatali pa ang buhok, kakaiba mula sa nakasanayan naming nakasaboy ang kaniyang kulot na buhok. Mukhang nanibago rin si Tino at Jojo dahil nakatingin sila sa kaniya. Si Jojo naman, nakatayo pa rin ang buhok sa pamamagitan ng gel. Nagmukhang matino dahil nakapolo at nagpantalon, ngunit tila isang manok pa rin. Si Carl naman ay wari ko'y nakapambahay rin bagamat naka pantalon at naka-t-shirt na punong-puno ng disenyo.

"Of course you can. My dogs will love another friend." sagot niya kaya naman nagmamadali akong pumasok muli sa bukas pa naming gate upang kunin si Whitey.

"O, bakit ka nagmamadali?" sigaw ni Tita na nag-aantay sa labas ng pintuan at nagmamatyag sa aming pag-alis.

"Si Whitey ho, isasama ko!" hiyaw ko habang tumatakbo papalapit.

Agad namang kinalagan ni Tita ang mag lilimang-buwang gulang na tuta. Halos masasabi na ngang aso si Whitey dahil malapit na maging 'sing laki niya ang karaniwang aspin. Nang makalagan, tumakbo papalapit sa akin si Whitey at kinalong ko siya sa aking mga bisig. Kumaripas na ako papasok ng van.

"Ingat!" sigaw ni Tita Maria.

"Wow, Carl. Ang ganda ng van niyo. De-aircon pa!" napanganga sa pagkabilib si Angelica, "Ka-elibs!"

"Thank you!" tugon ni Carl.

"Oo nga. Tapos ang lambot pa ng upuan." nagpatalbog-talbog si Tino habang nakaupo.

Si Jojo naman ay tahimik na nagnanakaw ng sulyap kay Jenny. Nakatungo pa rin ito, bagamat sabik sa karanasan sa isang magandang van, dama ko ang inggit niya kay Carl.

"Sabi ko na mayaman ka, eh!" bigkas ni Jenny.

"Hindi naman." sagot ni Carl.

Nakalagpas na kami sa aming kapitbahayan. Pangkaraniwan raw na pakanluran ang dapat naming daraanan mula sa aming bahay patungo sa kanila, at sa ganoong pamamaraan ay madadaanan pa namin ang aming paaralan at ang nabalita kagabing nasunugang baranggay. Ngunit ngayon, pasilangan muna ang aming tatahakin patungo.

Tulad ito sa una naming biyahe ni Whitey. Abala ang kalsada at mga tao bagamat kay aga pa. Maraming naglalakad at nagtitinda sa bangketa, may mangilan-ngilan ring nagtataasang gusali, mga pangkaraniwang tanawin ng Maylina. Nalagpasan na namin ang malawak na ilog gamit ang tulay na ngayon ko pa lamang nakita. Matapos, mayroong maruming mistulang ilog ngunit sa ngayo'y esterong nangingitim. Punong-puno ng basura at halos 'di na umaagos ang tubig. Tila sanay na ang mga tao sa tiyak kong masangsang na amoy nito dahil tumatambay pa sila malapit rito.

Makalipas ang tatlumpung minuto, sa wakas ay nakarating na rin kami sa bungad ng kanilang kapitbahayan. Nakakamangha. Ang kabahayan, bagamat dikit-dikit ang lupa, napaghihiwalay naman ng mga hardin at bakuran. Matingkad ang luntian ang mga damo't may ilang mga bulaklak. Ang mga bakod ay mabababa lang, gawa sa bakal at makikita ang binabakuran nito — 'di gaya sa aming kapit-bahayan na ang mga gate ay humaharang sa ganda ng mga tirahan sa likuran nito. Tanaw ko rin na ang iba sa mga bahay ay may mga maipagmamalaking swimming pool. Matitingkad rin ang pagkakapintura't karamihan ay puti ngunit may ilang marilaw, bughaw, at iba pa. Sa bandang dulo'y tanaw ko rin ang mga tinatayong bahay.

Kakaiba ito sa masisilayan sa kabilang ibayo ng ilog. Ilog lang ang naghihiwalay ngunit distansiya ang layo ng pamumuhay. Dinig ko sa ganitong layo ang ingay ng alitan ng mga pulis at nasunugan, bagamat 'di naiintindihan ang bawat bangayan. May ilang bahay na nanatiling nakatirik sa gilid ng ilog, ang kahabaang kahanay nito'y tiyak kong natupok at napatumba ng apoy. Nagmistulang bintana sa kahabag-habag na sinapit ng mga tao. Mga kahoy na nagmistulang uling, mga nangitim na gilid ng ilang bahay na bato, mga gatuldok na tao na 'di magkamayaw sa paggalaw. Sa kabilang dako sa distansiya ay may mga hanay ng mga pulis.

MANG MANGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon