Paglisan

4 1 0
                                    

Nagpatuloy ang aming mga buhay tatlong taon ang nakalipas simula ng pangyayaring iyon. Walang nakaaalam maging sina Carl at ang naglahong camera film. Natapos na ang termino ng alkaldeng si Casimiro ngunit napalitan naman siya ng kaniyang anak na si Gringo Casimiro. Masasabing nagkaroon ng katahimikan ang aming siyudad sa kaniyang pamumuno, lalong-lalo sa mga balitang umuugong dahil sa wala ka nang maririnig. Wala 'ni katiting na balita sa aming kapitbahayan, ng mga taong napapaslang at nalululong ng dahil sa tampita, mga nakawan, at kung ano pang mga kaguluhang aming nakasanayan.

Karamihan ng makikita sa mga balita nitong panahong ito'y talaga namang magbibigay ng katahimikan ng kaisipan. Ipapakita ang mga umuusbong na naglalakihang mga gusali, mga business centers, mga clean-up drive. Nagkaroon ng mga isyu ang batang mayor na ito gaya ng kurapsiyon, ngunit mahusay niya itong nalalampasan o natatakasan?

Naging normal ang buhay ng bawat isa.

Sinasamahan pa rin ako ni Shirley tuwing sabado't linggo ngunit gaya ng dati ay nagmamadaling lumisan sa tuwing sasapit na ang gabi. Mataas pa rin ang pagtingin ko sa kaniya sa araw-araw naming pagkikita sa eskuwelahan o maging sa pagtuturo, kaya't natitiyak kong mas nag-iigting ang aking damdamin sa kaniya. Ngunit alam ko rin namang ang nagpapaligaya sa kaniya ay ang magkasama naming sinumpaang tungkulin sa mga bata.

Mula naman sa tatlo kong tinuturuan bawat gabi, dumami na ang aking mga batang lansangan na nabibigyang-aral sa pagsusulat at pagbabasa. Ang aking mga pinakamamahal na pangkat, sina Raymond, Mark, at Nene ay napatutunayan ang kanilang galing at husay sa pagkatuto. Katuwa dahil sila na rin minsan ang tumutulong sa aking magturo sa mga bagong bata, pero siyempre ay may espesiyal na karagdagang leksiyon sa Konstitusiyon at sa mga asignaturang agham, sipnayan, sibika at iba pa upang kahit papaano'y mabigyan ko sila ng kaparehong kurikulo ng mga batang nagtapos sa elementarya. Bilang pabuya'y minsan dinadala ko sila sa aking paboritong fastfood restaurant.

Nang dahil naman sa kakulitan ni Angelica at sa pang-uusisa ay natuklasan niya ang aming pinagkakaabalahan. Ang kagandahan naman sa pangyayari, nakapagbibigay siya ng mga munting tulong gaya ng de lata, instant noodles, gamit pang-eskuwela, at iba pa na nanggagaling sa kanilang tindahan. Nagulat nga ang aking mga kaibigan nang regaluhan niya ako ng pambatang pisara sa aking kaarawan. Kahit siya'y madaldal, nagawa naming isekreto ito sa aming mga kakilala. Natanong niya minsan kung bakit inililihim ko ito sa aming mga kaibigan. Ang sabi ko'y 'di ko ito talagang nililihim, maliban sa aking ina na hindi ko alam ang magiging reaksiyon sa oras na malaman niyang halos wala na akong maipon, kahit kailan lamang ay hindi ko naisip na ipagsabi sa iba ang aking ginagawa.

Ako naman ay nakakakain ng tatlong beses sa isang araw, nakakapasok sa eskuwelahan, nakakatanggap ng pagmamahal sa aking mga kaibigan at pamilya mga bagay na kinakailangan ng isang bata upang lumaki nang maayos. Ngunit lumaki nga ba ako nang maayos?

Naging malalim ang punyal sa aking puso nang mamatay ang aking ama. Kahit kailan ay 'di nawaglit sa aking isipan ang tanawing iyon na minsa'y muling nagpapakita sa aking mga bangungot. Bangungot na kahit anong kalimot at ligaya ko'y muling nanunumbalik at minumulto ako sa aking pagtulog. Nang dahil dito'y lumaki akong may galit sa aking puso, lalo sa mga bagay na nagpapaalala nito sa akin. 'Di ko pa rin matanggap na ang isang napakabait at napakamapagmahal na ama ay kukunin sa amin sa ganoon pamamaraan.

Lumaki akong may galit sa puso. Lumaki akong naging mapangmata sa mga kamalian ng iba't nabulag ako sa sarili kong kamalian. Naging mapang-uyam ako't naging lubhang mapagmatuwid; nabulag ako ng aking emosyon. Naging matibay sa aking isip ang mga itinatak ko ring tama o mali, o dapat at hindi dapat kaya't naging sarado ang aking isipan sa mga bagay na hindi ko nais marinig.

MANG MANGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon