"Ma? Ina?"
Una kong wika nang magising ako mula sa mahimbing na pagkakatulog. Unang beses akong nakatulog sa isang malambot na kama. 'Di nga ako makapaniwala't kaya tinapik-tapik ko paulit-ulit itong kutson na aming hinigaan. Ibang-iba ang pakiramdam nito sa banig na tinutulugan ni ama't ina, maski na rin sa 'di kalambutan ng masabi lang na kutson na aking tinutulugan noon. Maliban pa roon ay may matres itong bálot. Napakabango't husto itong nalabhan. Malambot rin ang kumot na nagbigay ng kaunting init sa gabi na, taliwas sa malamig na sementong aming nakasanayan. Ang buong apat na sulok naman ng kuwarto'y napinturahan rin ng puti. May kaunting bitak, ngunit 'di ikakailang dahil dito'y mas lalo pang lumiwanag ang ilaw na nagmumula sa fluoresent bulb. May drawers at closet rin sa loob. Gawa sa kahoy, at nakita kong maayos ang pagkakatupi't sampay ng aming mga damit sa loob.
Sa kanang dingding naman ng pinto'y nakasabit ang isang salamin. Tumayo ako sa harapan nito't tinitigan ang aking mukha. Siniyasat ang bawat guhit, linya, kurba, buhok, at kulay nito. Nakikita sa repleksiyon sa loob ng aking mata ang aking sarili. Parang dalawang ako ang aking nasisilayan. Pinagmasdan ko ang aking itim na mga mata, 'di pango ngunit 'di rin naman katangusan na ilong. Tinakpan ko ang hati sa aking maninipis na labi at muling tinitigan ang sarili. Ganito siguro ang mukha ng aking ama noong kaniyang kabataan. Laging turan sa akin ni ina na si ama raw ang aking kamukha. Kay gandang mukha. Siguro 'sing guwapo ko si ama kung wala lamang ang hiwa na ito.
Niyakap ko ang musmos na Bang. Bagamat bata pa ako noon, ang simpleng pagtakip niya sa kaniyang bingot ay alam ko nang may malalim siyang iniisip.
"Tandaan mo, Bang. Maganda ka. Guwapo ka." laging pangaral sa akin ni ama.
Naging malaki talaga ang pasasalamat ko kay Tita Maria dahil ipinagkaloob niya sa amin ang ganoong komportableng kuwarto kahit hindi naman niya kami kadugo.
"Ma? Ina?" muli kong hinanap si ina. Nakapatong sa isang silya sa gilid ng aming hinigaan ang nakatuping kumot, at mga unan na kaniyang ginamit.
Agad ko rin namang inayos ang matres at kumot na ginamit ko't binalik ang lahat ng unan sa ibabaw ng kama.
"Hello?"
Naihagis ko ang hawak kong unan nang may biglang pumasok.
Maliit ang mga mata't manipis rin ang kilay at pilikmata ng batang babae ito, gaya ng kaniyang ina. 'Di rin katangusan, manipis ang labi, maliit ang mukha. Masasabi kong maganda siya lalo kapag ang manipis niyang itim na buhok ay tumatakip sa kaniyang mukha. Biro lang.
Ibinagsak ko nang bahagya ang isa pang unan. "Ano ma 'yan! Ginulat mo naman ako."
"Sabi kasi ni Mama. May bago akong kalaro!" humalukipkip siya. Ang ingay ng kaniyang matinis at mataas na boses.
"Sandali, nag-aayos ako ng kama."
"'Pagawa mo na lang yan kay Tita Mercy. Laro na tayo. Let's play!"
Napailing ako, "Wow, english!" Tanong ko, "Matalino ka siguro?"
"Ang weird mo naman."
"O sige. Ano mangalan mo?" napakamot ako sa ulo, "Siguro naman sasagutin mo na 'to?"
"Jenny. As in capital letter 'J', then 'e', tapos 'n'." Inilapat niya ang kaniyang hintuturo sa labi't tumingala nang kaunti. "Tapos isa pang letter 'n'. tandaan mo 'yun lagi a! Isa pang letter 'n', bali dalawa. Tapos a- ano, letter 'y'."
"Wow ang galing mo naman mala mag-smell." puri ko.
Kumunot ang kaniyang noo. "Alam kong 'di pa ako naliligo pero 'di ako nag-smell!"
BINABASA MO ANG
MANG MANG
General FictionSinasabing ang mga tao'y muling makikita ang kanilang naging buhay bago sila tuluyang pumanaw. Sa pagyao ni 'Bang', isang bingot, sinamahan niya ang kaniyang sariling muling maglakbay sa kaniyang mga alaala. Binalikan kung papaano niya nilinang, 'di...