Fourteen

171 3 0
                                    

Events by Eve Office

Tutok si Dana sa screen ng kanyang desktop habang ini-input ang mga financial statement na kanyang nagastos sa ilang nakalipas na events. Ilang e-mails mula sa mga suppliers nila ang kanyang sinagot para sa darating pang trabaho nila sa mga susunod na araw.

Naistorbo lang siya nang marinig niya ang tunog ng telepono niya sa loob ng bag. Itinigil niya muna ito sandali at tinignan kung sino ang tumatawag—ang kanyang ina.

"Oh, Ma? Napatawag ka?" Mahina lang nitong sabi. Inipit niya sa tenga at balikat ang cellphone at bumalik sa gawain.

"Kamusta ka na, anak?"

"Ma naman, nasa trabaho po ako ngayon. Tatawag na lang po ako mamaya."

"E kasi, anak, itong kapatid mo kailangan ng pambayad doon sa project niya. Kinapos kasi kami ng tatay mo. 'Yung pinadala mo naman, naipang-grocery ko na para sa tindahan natin."

"Sige ho, magpapadala ho ako mamaya kapag nag-lunch break."

Nagpasalamat ang kanyang ina at ibinaba na ang tawag. Simula nang magtrabaho siya sa Maynila limang taon na ang nakakalipas ay dalawang beses pa lang siya nakakauwi sa kanilang bahay sa Leyte. Miss na miss na niya ang mga yakap at ngiti ng kanyang pamilya ngunit kanyang tinitiis upang mabigyan sila ng magandang buhay.

Dahil sa pagtatrabaho niya'y nakapagpatayo na sila ng isang palapag na sementadong bahay doon. Mayroon na ring maliit na sari-sari store sa harapan upang may dagdag puhunan sila. Dating nanirahan sa Maynila ang ina ni Dana na si Josephine ngunit nang makilala si Delfin, kanyang ama, ay nanirahan na sila sa Leyte kung saan doon tubo ang huli.

Masaya, payak, at payapa ang buhay nila Dana doon. Sapat din naman ang trabaho ng kanyang mga magulang kung kaya't nakapagtapos ito ng kolehiyo. At panahon naman para siya ang tumulong sa kanyang pamilya na maka-angat sa laylayan,

Kaya noong lunch break ay sumingit si Dana patungo sa pinakamalapit na money transfer booth. Pinadala niya ang kinakailangang halaga ng nakababatang kapatid at tinext agad sa ina ang reference number upang kanilang makuha na ang pinadala.

Magkasamang naglalakad pabalik sina Dana at Barbs sa opisina. Panay ang kwento ni Barbs tungkol sa pamamasyal nila sa Intramuros kasama sina Val at Felicity.

"Nakakatuwa talaga silang tignan. Ang sweet-sweet nila sa isa't isa. Kapag magpo-pose si Ma'am Felicity ng ganito, pupwesto agad si Sir Val para kunan siya ng picture." Bibong kwento ni Barbs na ginaya pa ang pose ni Felicity.

Natatawang umiling na lang si Dana at nauna nang pumasok sa loob ng kanilang opisina.

"Gusto ko pa naman sumama sa inyo sa Bataan. Kaya lang sa akin in-assign ni Miss Eve 'yung event."

Dahil sa sinabing iyon ni Barbs ay naka-isip ng ideya si Dana.

"Sabihin ko kay Miss Eve na ako na lang ang hahawak ng event para ikaw ang makasama nila."

"Ayan! Perfect!"

Sakto namang dumating si Miss Eve. Ngiting-aso na sinalubong siya ni Barbs.

"Miss! May sasabihin po si Dana sa inyo."

Nagulat naman si Dana sa tinuran ng kaibigan kaya namilog ang mga mata niya.

"A-ako?" Turo niya sa sarili.

"Oo. 'Di ba 'yung sabi mo kanina." Pagpupumilit pa ni Barbs.

Naguguluhan namang pinapanood ni Miss Eve ang magkaibigang nasa harapan niya ngayon.

"Ano ba iyon?" Tanong niya.

"Ah... Miss. Kung papayag po kayo, ako na lang ang hahawak sa event ni Barbs sa Sabado—"

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Feb 27, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

The Last TimeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon