Start (One)

181 28 0
                                    

Puro malalakas na tunong ng speaker at sigawan ng mga estudyanteng nagsasayawan sa gitna nitong gymnasium ang naririnig ko. Nakaupo lang ako sa isang tabi at pinanonood silang magpakasaya sa gitna.

Kapag tuwing magpapatugtog na ng mga OPM songs o tumutugtog na ang banda ay inaaya ng mga kalalakihan ang mga babaeng sumayaw. Ang iba ay magkasintahan.

Nakakakilig? Hindi.

Hindi ko lang maiwasang tanungin ang sarili ko kung magtatagal ba sila. Hindi ako bitter o anuman, marami lang akong kilalang hindi nagtatagal sa isang relasyon.

Tumayo na ako at hinanap ang teacher ko para kunin ang attendance.

"Pumunta ka pala Lara? Parang wala ka kasing balak kunin sa akin ang ticket mo" medyo pasigaw na sabi ng Teacher ko sa Filipino dahil sa ingay dito sa loob. Isa siya sa nag-manage nitong acquaintance party. Nginitian ko lamang ito at inilista na ang pangalan ko doon at pirma.

Hindi kasi sapat na dahilan ang pagbili ng ticket para masabing dadalo ka, kailangan pa ng pirma mo para lang masabing pumunta ka talaga.

Lumabas na ako dahil mainit rin sa loob at parang mabibingi na yata ako sa sobrang ingay. Sinukbit ko na ang bag ko. Pinagtitinginan rin kasi ako sa loob dahil ako lang ang naka-PE uniform at sila ay bongga ang suot. Hindi ko kasi alam kung saan ako kukuha ng ganung damit.

Pumunta lang naman kasi talaga ako para magpa-attendance. Dagdag daw sa performance iyon, at dahil baka bumagsak na ako sa subject niya kaya umattend ako. Ayos lang ang mababa basta wag lang bagsak.

May napansin naman akong lalaking nakatayo sa gilid ng gymnasium dito sa labas.

Tama ba itong nakikita ko?

Binibigyan ng babae yung lalaki ng rosas? Teka, babae na pala ang nanliligaw ngayon? Ngumiti lang yung lalaki at tinanggap iyon. Napansin ko ring nagpasalamat ito dahil sa buka ng bibig nito.

Nagulat na lamang ako nang mapatingin ito sa akin. Tinitigan ko rin ito.

Kaklase ko yung lalake.

Hindi ko na ito pinansin pa at sinimulan ko nang maglakad palabas ng school. Madilim na dahil alas otso na ng gabi. Nakalayo na ako sa gym ay naririnig ko pa rin ang tugtog mula rito.

Dahil madilim at mabukid ang dinadaanan ko ay pansin ang mga bitwin sa kalangitan. Malamig din ang simoy ng hangin. Rinig din ang paghampas ng mga sanga at palay.

Hindi ko masasabing tahimik dahil rinig pa rin ang malakas na musika mula sa paaralan pati na ang mga kuliglig.

Hindi ko maiwasan na hindi isipin ang nakita ko kanina. Anong nakita ng babaeng iyon sa kaklase ko? At siya pa talaga ang nanligaw?

Hindi lang talaga ako makapaniwala. Wala namang mali sa kaklase ko pero. . . Ewan. Basta.

Nang makarating na ako sa tapat ng bahay ay dumiretso na ako sa higaan at natulog na.

Napadilat ako nang marinig ang ingay sa labas na marahil ay galing sa kubo namin. Kapag kasi ganitong oras ay nagtitipon ang mga magsasaka sa aming kubo at nagkakape.

"Mahina ang benta ng mga gulay ngayon. Halos wala akong naging kita. Puro reject ang naani ko" boses iyon ni Tatay.

Napabuntong hininga na lamang ako at pumikit na.

-----

Author's Note:

Currently working pa sa typos and errors. Thank you for reading my story! :)












































The Night We MetTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon