Napatingin ako sa lalaking lumabas mula sa kabila nitong puno. May hawak hawak itong bisikleta. Hindi ko gaanong makita ang mukha nito dahil medyo madilim na. Sakto namang binuksan ang ilaw sa tulay. Nakadagdag pa sa liwanag ang repleksyon nito sa tubig.
Augustine?
Hindi ko alam kung bakit lumakas nanaman ang tibok ng puso ko. Medyo napaisip rin ako kung ano ba ang itsura ko.
Inayos ko ang sarili ko.
"Naglayas ka no?" Tanong nito habang isinasandal ang bisikleta sa puno.
"Kanina ka pa ba dito?" Nakita kong napangiti ito na parang ewan sa tanong ko. Kumuha ito ng bato at pilit na binabato ang tubig sa ilog kahit na malayo ito.
"Kararating ko lang sakto namang narinig kitang sumigaw kaya tiningnan ko kung sino" sabi nito. Nakatingin ito sa akin pero hindi ako makatingin sa kaniya.
"Ano? Naglayas ka nga?" Tanong pa ulit nito.
"Paano mo naman nasabi" Tanong ko rin. Ngumiti ito at umupo sa malaking ugat ng puno na nakalabas na sa lupa.
"Marami lang akong kilala na dito ang puntahan kapag lumalayas sa bahay" natatawang sabi nito. Bagay talaga sa kaniya ang nakangiti. Nagi-stand out siya.
"Naglayas ka din siguro no?" Tanong ko at napaupo naman sa damo. Nilingon ko ito. Tahimik lang itong nakatingin sa ilog. Napapaisip tuloy ako kung bakit naman siya maglalayas.
Hindi naman niya nararanasan ang nararanasan ko. Nakakaluwag naman sila sa buhay. Matalino siya at mataas ang gradong nakukuha niya. Papagalitan pa ba siya ng mga magulang niya?
"Sabihin na nating oo. Ikaw? Bakit ka naglayas?" Tanong nito. Sabihin ko ba?
"Ayoko nang mag-aral. Hindi ko na kaya. Hindi mo ba nakita ang ranking kanina? Panghuli ako. Nalaman ng Tatay ko kaya ayun nadisamaya lang sila. Masasayang lang ang pagod nila sa akin kaya sinabi kong mas mabuti na lang na patigilin na nila ko" saad ko.
"Iyon lang kaya naglayas?" Tanong pa ulit nito.
"Alam mo? Pakiramdam ko mas nadismaya sila nung narinig nila mismo sayo na gusto mo nang tumigil sa pag-aaral" napatingin ako sa kaniya na nakatingin lang sa malayo.
"Masakit para sa kanilang marinig iyon. Hindi man natin maiintindihan ngayon pero siguro balang araw. Pero minsan ba narinig mo mula sa bibig nila na ayaw ka na nilang pag-aralin? Na nahihirapan na sila?" Napayuko ako sa sinabi niya.
May punto siya at nakokonsensiya na ako ngayon. Kahit nahihirapan na sila, hindi ako nakarinig ng reklamo sa kanila na nahihirapan na sila. At mas lalong hindi ko narinig sa kanila na hindi nila ako kayang pag-aralin.
"Di naman mataas na grado ang hinihingi nila. Ang makita nilang nagsisikap din tayo sa pag-aaral, ayos na sa kanila iyon" sabi nito habang nakangiti.
Ilang segundo lang akong natahimik dahil hindi ko alam ang sasabihin ko. Nagtanong na lamang ako sa kaniya.
"Ikaw? Bakit ka naglayas?" Tanong ko naman. Tumawa lamang ito. Para bang mas lumiwanag ang
"Hindi ako naglayas. Dinalan ko kasi ng pancit at ulam ang Tita ko malapit rito. May konting salu-salo kasi sa bahay" siguro dahil na-top 1 ito.
Tumayo ito at kinuha na ang bisikleta niya.
"Umuwi na tayo. Gabi na. Delikado na niyan sa daan. Sumabay ka na sakin" sabi nito at itinuro ang upuan sa likod ng bisikleta niya. Bigla nanamang lumakas yung tibok ng puso ko.
"Ayos lang. Maglalakad na lang ako" nahihiya kong sabi.
"Mas safe to kaysa maglakad kang mag-isa sa daan. Mabagal lang naman akong magpatakbo tsaka hindi kakayanin ng konsensiya ko kapag iniwan kitang mag-isa rito. Masaya to! Promise" sabi nito. Sumakay na ito sa bisikleta. Pakiramdam ko ay namumula na ako ngayon.
Nagdalawang isip pa ako kung sasakay ba ako pero sumakay rin naman ako sa angkasan.
Hindi ko alam kung saan ako hahawak kaya hinawakan ko na lang ang ilalim ng upuan nito tsaka pakiramdam ko rin naman hindi ako mahuhulog kahit na hindi humawak sa kung saan.
Sinumulan na nitong paandarin ang bisikleta. Humampas naman sa amin ang malamig na simoy na hangin. Itinaas ko ang isa kong kamay para damhin ang hangin. Hindi ko maiwasang mapangiti.
Ang sarap pala sa pakiramdam.
"Ano? Sabi sayo masaya ito eh" rinig kong sabi nito. Napa-oo na lang ako sa sinabi nito.
Hanggang ngayon malakas pa rin ang tibok ng puso ko. Nakatingin lamang ako sa likod nito. Magkaiba kami ng estado sa buhay pero parang naiintindihan niya ang problema ko.
Masaya ako.
Masaya ako ngayon.
Sana hindi na ito matapos pa.