Nakatingin lang ako sa bond paper na nakapaskil sa bulletin board ng silid namin pati na rin ang mga kaklase ko. Kuhanan kasi ng card kahapon at ngayon ipapaskil ang ranking ng klase.
Ang iba ay masaya at ang iba naman ay hindi makapaniwala. May iba naman na ayos lang dahil mukhang alam na nila ang kahihinatnan ng grado nila at isa na ako doon. Pang-ikatatlomput lima ako. Tatlomput lima kami sa klase kaya ibig sabihin ay panghuli ako. Nandito kasi naka-pokus lang ang mata ko sa iisang pangalan.
1. Augustine Capistrano
Siya ang rank 1 at nang tingnan ko ang naunang ranking sa first quarter ay siya rin ang nangunguna. Di ko alam kung bakit ngayon lang ako nagka-interes sa ranking.
Napatingin naman ako kay Augustine na nakaupo sa upuan niya at seyosong nagbabasa ng libro. Suot suot nito ang salamin niya. Masipag pala siyang mag-aral?
Nakita niya kaya ang ranking?
Nakita kaya niya ang pangalan ko na nasa pinakadulo ng listahan?
Kung ganun, nakakahiya. . .
Napabuntong hininga ako. Hindi ko alam kung bakit bigla akong nakaramdam ng ganun. Dapat bang mag-aral na rin ako ng mabuti katulad niya?
Wag na. Hindi rin naman ako makakatuntong ng kolehiyo at malamang niyan ay sa bukid na ang diretso ko kapag nakagraduate ako ng highschool.
***
Naglakad ako pauwi. Napalingon ako sa likod nang makarinig ako ng tawanan mula sa mga estudyanteng nagbibisikleta. Nagulat ako nang makita si Augustine na lulan din ng kaniyang bisekleta. Nakangiti itong nakikipag-unahan sa kaibigan niyang si Timo at Isagani. Hindi ko na kilala ang iba.
Nang makarating ako sa bahay ay naabutan ko sa munti naming sala si Nanay at Tatay. Seryoso silang napatingin sa akin.
Nagulat na lamang ako nang padabog na initsa ni Tatay ang isang sobre sa maliit naming mesa. Bakas sa mukha nito ang pagkadismaya.
"Kailan mo balak sabihin sa amin na kuhanan pala ng grado kahapon?" Tanong nito. Napahilamos ng mukha si Tatay. Alam kong galit ito kaya hindi na ako sumagot pa. Hindi ko rin alam kung kanino nila nalaman.
"At pangalawang beses na ito. Pangalawang beses ka na ring panghuli sa klase. Muntik ka pang bumagsak sa isa mong subject" napayuko ako nang magsalita si Mama.
"Kahit hindi ako marunong bumasa anak, hindi ako bobo para hindi malaman na mababa ang gradong nakuha mo" sabi ni Tatay. Alam kong masakit sa kaniyang makitang nagkaganun ang grado ko. Nung elementary pati nung nung first, second at third year ako ay matataas ang grades ko.
"Pinagmamalaki pa naman kita sa mga katrabaho ko sa bukid. Hindi ako makapaniwala. Ano ba ang nagyayari sa iyong bata ka? Hindi ka naman ganiyan noon ha?!" dagdag pa nito.
"Para saan po ba ang mataas na grado na gusto niyo? Hindi naman po ako makakatapak sa kolehiyo diba? Para saan pa?" Hindi ko na mapigilan ang magsalita.
"Ang gusto namin anak ay kahit hayskul makatapos ka! Kahit iyon man lang sana ay maranasan mo dahil hindi namin iyon naranasan ng Tatay mo. Alam mo iyan! At tsaka sinisimulan na namin pag-ipunan ang pang-college mo!" Halos pasigaw na sabi ni Nanay.
"Ayoko nga pong mag-aral! Magtatrabaho na lang din po ako sa taniman. Tutulong po ako--"
"Hindi ka magtatrabaho sa bukid! Wala kang mararating doon! Mag-aaral ka!" Napatigil ako ng mga ilang segundo. Hindi ko na napigilan ang luhang kanina pa nagbabadyang tumulo.
Tumalikod ako dahil ayokong makita nilang umiiyak ako.
"Hindi rin naman ako makakapag-college. Para saan pa? Sasayangin ko lang ang oras ko sa paaralan" pabulong kong sabi.
Tumakbo ako palabas ng bahay. Narinig kong tinatawag nila ang pangalan ko pero hindi ko sila pinansin.
