Chapter 7

237 12 2
                                    

Para akong nakalutang hanggang sa matapos ang kantang Perfect ni Ed Sheeran. Ginawa lang siguro iyon ni Caleb upang pahupain ang pagkalumbay ko. Inaya na rin niya ako pabalik sa iniwanan kong pwesto.

Habang papalapit kami ay siya namang pagkakita ko kay Aaron na mukhang kanina pa palinga-linga sa direksyon ng lamesa namin.

"Saan kayo galing?" buong pagtataka niyang tanong. Nakakunot ang kanyang noo, pirming nakatitig siya kay Caleb na nasa aking likuran. Tinaasan siya ni Caleb ng isang kilay.

"Nagpahangin lang. Ibinabalik ko na siya sa'yo. Huwag mo na lang ulit iiwanan," sarkastikong saad ni Caleb kay Aaron. Saglit niya akong sinulyapan pagkaraan ay agad na ring tumalilis ng lakad pabalik sa kanilang lamesa. Naiwang nakatayo si Aaron sa harapan ko. Kaagad na akong naupo.

"I'm sorry," tanging nasabi niya bago ako tabihan.

"Nabigla lang talaga ako sa pagdating ni Michelle. Matagal kasi kaming hindi nagkita," sinserong pagpapaliwanag niya habang pinagsasalikop ang mga palad namin. Marahan akong tumango.

Hindi na umalis si Aaron sa aking tabi pagkatapos ng nangyari. Mga bandang alas diyes ng gabi ako hinatid ng driver nila. Hanggang sa pagpapaalam ko ay malamig pa rin ang pakikitungo sa akin ng mama ni Aaron.

Sa bahay nina Ingrid ako natulog. Pasado alas otso ng umaga ako nakauwi sa bahay. Magkasalubong na kilay ni Tita Hilda ang sumalubong sa akin.

"Saan ka ba talaga nanggaling?" nanggagalaiting tanong ni Tita Hilda. Nasa likod niya si Eunice na matatalim na tingin ang ipinupukol sa akin.

"Umamin ka nga sa akin, boyfriend mo na ba si Aaron?" si Eunice.

"Magkaibigan lang kaming dalawa," mariing pagpapaliwanag ko.

"At saan ka natulog kagabi? Sa bahay ng boyfriend mo?" nagdududang tanong na naman ni Tita Hilda.

"Paano kayo naging magkaklase sa isang subject? Siguro sinadya mo talaga iyon para mas mapalapit ka sa kanya?" sabad pa ni Eunice.

Papalit-palit ng pagtanaw ang mga mata ko sa kanilang dalawa.

"Irregular student ako at available ang klase na 'yon," mabilis kong pangangatwiran. Marahas na hinila ni Eunice ang isa kong braso.

"Huwag ka nang mag-maang-maangan Faith. Katulad ka talaga ng mommy mo na sa sobrang pagkadesperada sa isang lalaki ay gagawing pababain ang sarili," hiyaw ni Eunice sa akin. May umusbong na butil ng luha sa aking mga mata. Hindi ko talaga kayang magtimpi sa tuwing idinadawit niya ang yumao kong ina sa pang-aalipusta niya.

Hinawi ko ang mga kamay niyang mahigpit na nakakapit sa akin. "Bakit kaya hindi mo 'yan sabihin sa sarili mo. Matagal ko ng alam na habol ka nang habol kay Aaron!" usal ko. Mabilis akong nagtatakbo papunta sa aking silid.

Hindi na kami nagpansinan ni Eunice magmula nang magkasagutan kami. Nakasanayan ko na rin ang hindi namin pag-uusap kahit na sa iisang bahay lang kami nakatira. Hindi naman kasi ito ang unang beses na nag-away kami. Si Tita Hilda naman ay kaswal ang naging pakikitungo sa akin. Lalo pa ngayon na malapit na ang katapusan ng buwan kung saan ang petsa ng pagdating ng monthly pension ko.

Half day lang ang klase namin dahil sa isang event sa school. Ipinaalam sa akin ni Aaron na nagkayayaan pala sila nina Caleb na mag-swimming sa sapa ngayong araw.

Aaron: Susunduin na lang kita sa plaza. Prepare your things. I'll pick you up at 2PM

Umuwi muna ako saglit sa bahay upang kumuha ng mga babaunin kong damit. Mabuti na lamang at pinayagan ako ni Tita na umalis. Nagpaalam akong mamasyal kami ni Ingrid sa plaza.

FallenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon