Chapter 3

262 9 0
                                    

Pagdating ko sa bahay, ang nakapameywang na si Tita Hilda ang sumalubong sa akin sa may sala. Nagmano ako sa kanya. Maayos kong ibinaba ang dala kong backpack sa sofa.

"Saan ka nanggaling Faith?" Inangat ko ang aking ulo upang matingnan siya. Sa gilid ng mga mata ko ay tanaw ko ang pinsan kong si Eunice na nakataasang magkabilang kilay at mataray na nakatingin sa akin.

"Isinama po kasi ako ni Ingrid sa CDSI, nanood po kami ng basketball," magalang kong tugon.

"Sige po tita, magbibihis na po ako." Hindi pa ako nakaka-isang hakbang ay hinablot na ni Tita Hilda ang isang braso ko.

"Sinasabi ko sa'yo Faith, pag-aaral mo ang aasikasuhin mo! Kahit nahihiya ako sa asawa kong nasa Dubai ay kinupkop pa rin kita rito sa bahay ko. Naaawa na kasi ako sa 'yo dahil ulila ka na!" galit niyang sabi.

Hindi ko alam kung ano ba ang mga isinumbong ni Eunice sa kanya. Ngunit sa tono ng pananalita ngayon ni Tita ay mukhang siniraan na ako ng anak niya.

"Kung ngayon pa lang ay aalembong ka na kagaya ng Mommy mo hinding-hindi ako magdadalawang-isip na palayasin ka sa pamamahay ko!"

Hindi ko na mapigil sa pag-agos ang mga luha ko. Napakahirap tanggapin ang masasakit na mga salita na ibinabato sa akin ngayon ni Tita Hilda. Lalo na ang pagdamay niya sa pangalan ni Mommy. Hindi na lang ako umimik. Dali-dali na lamang akong pumanhik sa aking silid.

Hindi ko na nagawang sumabay kumain sa kanila ng hapunan. Bandang alas onse ng gabi nang bumaba ako sa kusina. Mabuti na lamang at naisipan naman nila akong tirahan ng pagkain.

Pagkatapos kong kumain at makapagligpit ay kinuha ko iyong naiwan kong bag sa may sofa. Binuklat ko iyong notebook na pinirmahan ni Aaron kanina.

Ang ganda ng handwriting niya. Engineering kasi ang course niya kaya halatang pinag-aralan nang mabuti ang bawat stroke ng mga linya.

Ini-scan ko rin ang mga naka-save na picture ni Aaron sa aking phone. Ang maamo niyang mukha ay sadyang nakapapag-pagaan sa mabigat kong pakiramdam. Natigalgal ako nang biglang may narinig akong boses mula sa aking likuran.

"Patay na patay ka na rin talaga kay Aaron no?" inis na utas ni Eunice sabay agaw sa hawak kong cellphone.

"Ano ba? Ibalik mo nga 'yan sa 'kin!" iritable kong pagtutol sa ginawa niya.

"Isang beses mo pa lang siyang nakita nagkakandarapa ka na agad sa kanya!" nang-iinis pa niyang sabi.

"Tama nga si Mama, nagmana ka nga sa Mommy mong makati!"

Ang mga huling sinabi niya ang pumigtas sa napakanipis na pisi ng pasensya na natitira sa akin. Mabilis ko siyang binuweltahan.

"Sumusobra ka na! Huwag na huwag mong idadamay ang Mommy ko!" malakas kong hiyaw kay Eunice. Ngunit hindi siya nagpatalo sa akin.

"Bakit totoo naman 'di ba?"singhal niya.

"Pokpok ang Mommy mo sa Japan! Kaya hindi malayo na maging pokpok ka rin!"

Hindi na ako nakapagpigil ng galit ko sa kanya kaya naman agad ko siyang sinampal sa kanyang kaliwang pisngi.

Bilang ganti ay marahas niyang binalibag sa sahig ang aking cellphone pagkaraan ay pinagsasampal niya ang magkabilang pisngi ko. Hindi pa siya nakuntento roon at sinabunutan pa niya ako.

"Walang hiya ka! Isusumbong kita kay Mama!" asik niya saka dali-daling umalis.

Nahihilam na ako ng aking mga luha habang nakasubsob ako sa sahig. Nanginginig ang mga kamay ko habang maingat kong pinulot ang cellphone kong basag na ang screen. Nakalas pa ang battery nito.

FallenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon