Chapter 1

529 22 0
                                    

"Faith Margarette!" Magkasalubong ang dalawang kilay ni Tita Hilda habang buong katarayan akong hinaharap ng kanyang mapang-alipustang mga mata. Hindi maipagkakaila ang nararamdaman niyang galit ngayon sa akin. My both knees start to tremble as I meet her gaze.

"Napakatanga mo talagang bata ka!" asik pa niya.

Ano na naman kaya ang nagawa kong kasalanan ngayon? Kasing init na ng plantsa ang aking magkabilang pisngi dahil sa tinatamo kong kahihiyan. Marami pa namang tao rito sa loob ng dressing room.

"Bakit kinalimutan mong dalhin iyong bag ni Eunice?" Medyo hininaan na ni Tita Hilda ang kanyang boses sa kalagitnaan ng kanyang pagsasalita; napansin niya siguro na pinagtitinginan na kami ng mga taong naririto sa likod ng entablado ng Colegio de San Ignacio gymnasium.

Bahagyang nangiginig ang mga labi ko dala ng pagpipigil ko sa nararamdaman kong pagkainis sa aking tiyahin. Bag ni Eunice 'yon kaya't bakit ako ang inaasahan nilang magdadala? Pagkatapos nakalimutan niya kasalanan ko pa? Tinawag pa akong tanga! Huminga muna ako nang malalim bago ko nagawang tumugon para kahit papaano ay mapakalma ko ang aking sarili.

"Pasensya na po. Akala ko po kasi dala na ni Eunice iyong bag niya kanina," buong kababaang loob kong pagpapaliwanag sa nag-aalburoto kong tita.

"Oh siya! Wala na naman tayong magagawa. Ibili mo na lang ang pinsan mo ng soft drinks doon sa canteen! Bilisan mo at nauuhaw na raw iyong pinsan mo! Malapit nang magsimula ang program!" masungit pa niyang utos habang inaabot sa akin ang isang daang piso.

Mabilis ko siyang sinunod. Kasalakuyan ko na ngayong tinatahak ang daan papuntang canteen. May mga banderitas na kulay asul, pula, puti, dilaw at berde na nakasabit sa bawat madaanan ko. Dagsa at nagkakaingay ang mga estudyante na papunta ngayon sa loob ng gymnasium dahil sa isasagawang opening ceremony para sa taunang Intramurals ng Colegio de San Ignacio.

Hinihingal na ako, basa na rin ng pawis ang suot kong dilaw na t-shirt. May kalayuan din kasi ang canteen.

Hindi ako sigurado kung aabot pa itong binili kong Coke para sa pinsan kong si Eunice na siyang napiling muse ng college nila.

Hinanap ko agad sa loob ng dressing room si Tita Hilda pagkabalik ko sa gym.

Nahagip ng mga mata ko ang mga naggagandahang muse sa loob na kasalukuyang inaayusan ng kanilang mga kasamang makeup artist.

Agad na ininom ni Eunice iyong Coke habang pinapaypayan siya ng aking tiyahin. Ilang saglit pa nagsimula na ang opening ceremony.

Second year na ang pinsan kong si Eunice sa kurso niyang Elementary Education. Samantalang ako ay transferee student sa susunod na semester. Hindi ko natapos ang first year ko sa kursong Architecture sa isang unibersidad sa Maynila dahil sa pagkamatay ng aking Lola noong isang taon. Dahil sa kamahalan ng tuition fee ay kinumbinse ako ng aking tiyahin na mag-shift ng ibang course. Pinili ko ang kursong Drafting.

Tatlong taon na ang nakararaan nang mamatay si Mommy dahil sa sakit na cervical cancer. Entertainer siya sa Japan, kaya naman kay Lola niya ako ipinagkatiwala mula nang ipinanganak ako. I'm half Japanese; na siyang dahilan sa pagkakaroon ko ng singkit na mga mata at maputing kutis.

Base sa kwento sa akin ni Lola noon hindi na muling nagpakita kay Mommy ang totoong daddy ko nang nalaman nito ang tungkol pagdadalang-tao niya. Kaya naman mag-isa lang akong itinaguyod ni Mommy.

Dahil sa trabahong iyon ni Mommy sa Japan ay nabili niya ang tinitirahan naming bahay at lupa sa Maynila. Ngunit no'ng ma-stroke si Lola Merced at sumailalim sa angioplasty ay naibenta na namin iyon dahil baon na kami sa utang. Sa kasamaang palad ay hindi na rin kinaya ng hinang-hina nang katawan ni Lola ang dinanas niyang sakit.

FallenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon