Chapter 10

288 13 7
                                    

Nag-umapaw ang mga luha sa aking magkabilang mata. Matagal ng nakaalis ang kasambahay nina Aaron pero nanatili pa rin akong nakahawak sa grills ng kanilang gate. Hirap na hirap tanggapin ng pagkatao ko ang katotohanan na wala na si Aaron.

Naramdaman ko na lang ang marahang pagtapik ni Caleb sa balikat ko.

"Umuwi na tayo," maingat niyang bulong. Nilingon ko siya, kitang-kita ko ang mga mata niyang nababalot na rin ng mga luha. Tanging pag-iling lang ang naisagot ko.

"Dito lang ako. Hihintayin ko siyang bumalik." Natigilan siya at hinarap ako gamit ang namumugtong mga mata.

"Hindi na siya babalik kahit kailan Faith! Patay na si Aaron!" Ilang ulit na pag-iling ang ginawa ko.

"Hindi ako naniniwala na patay na siya! Buhay pa si Aaron!" napapaos kong sabi. Napapikit siya habang humuhugot ng malalim na buntong hininga.

"Tara na!" Mabilis niyang hinila ang braso ko at pilit na iginiya patungo sa kanyang sasakyan. Hindi ko na siya napigilan sa mga nais niyang gawin. Agad niyang ni-lock ang pintuan.

Tahimik ang naging buong byahe namin hanggang sa makalabas kami ng hasyenda. Hindi ko namalayan na nasa tapat na pala ng bahay nina Tita ang aming sasakyan. Lumabas siya mula sa driver's seat upang pagbuksan ako ng pinto.

"Ihahatid na kita sa loob," wika niya. Ni-lock niya ang kanyang Ford pagkatapos ay sinundan ako papasok sa bahay. Kasalukuyang nanonood ng TV si Tita sa may sala.

Napabaling sa amin ang kanyang atensyon. "Ang aga mo yata ngayon?" nagtataka niyang bati. Nagmano ako sa kanya, natigil ang kanyang mga mata sa lalaking nasa likod ko.

"Caleb?" nagdadalawang-isip niyang tanong. Nginitian siya nito pagkaraan ay nagmano.

"Good Afternoon po. Hinatid ko lang po si Faith," magalang niyang wika. Lumapad ang ngiti ng aking tiyahin.

"Salamat iho, nag-abala ka pang ihatid ang pamangkin ko. Gusto mo bang mag-merienda muna?" hindi magkamayaw niyang pag-aalok kay Caleb. Magkasabay kaming pumuwesto sa sofa na kinauupuan ni Tita.

"Huwag na po kayong mag-abala. Hinatid ko lang po si Faith. Tutuloy na rin po ako," si Caleb.

"Naku hindi. Sandali lang, ikukuha muna kita ng merienda. Nakakahiya naman kay Mayor kapag nalaman niyang hindi man lang kita naalok. Sige, maiwan ko na muna kayo ng pamangkin ko rito."

Pagkaalis ni Tita ay nagpagala-gala ang paningin ni Caleb sa kabuuan ng bahay. "Kayong tatlo lang ang nakatira rito?" kaswal niyang tanong.

"Oo. Nasa Dubai kasi iyong papa ni Eunice." Napatango-tango ito.

"Naikwento nga sa akin ni Aaron last time na mag-pinsan kayo ni Eunice." Pagkabanggit niya ng pangalan ni Aaron ay umusbong na naman ang pagdadalamhati sa puso ko.

Mukhang napansin iyon ni Caleb. "Hayaan mo kapag nakakuha ako ng detalye tungkol sa libing niya ay sasabihin ko agad sa'yo." Kumalma ako dahil sa kanyang huling sinabi.

Naging maganda ang pakikiharap ni Tita Hilda kay Caleb sa oras na pinamalagi niya sa bahay. Pagkakain niya ng merienda ay hinatid ko na siya sa labas.

"Salamat sa lahat Caleb," pamamaalam ko sa kanya bago siya tuluyang pumasok sa loob ng kanyang sasakyan.

Tinitigan niya muna ako nang mariin bago tumugon. "Alang-alang sa pagkakaibigan namin ni Aaron. Gagawin ko ang lahat para sa 'yo Faith," punong-puno ng sinseridad niyang sabi.

Sa kabila ng pagluluksa ko ay nagawa ko namang makatulog nang mahimbing. I don't have any choice but to move forward. Kailangan kong magpakatatag simula bukas at sa mga araw na dadating.

FallenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon