Araw

1.4K 31 0
                                    

Maulan na naman. Nakapayong ako sa mga sandaling ito. Naglalakad papasok sa school habang nakayuko dahil iwas-malas na rin. Tapos nararamdaman ko na pinapasok na ng tubig ang sapatos ko. Nararamdaman ko na kasi ang lamig ng tubig sa medyas ko.
Patuloy pa rin ako sa paglalakad nang may tumawag sa akin. Si Henry lang pala.

“Zen, kumusta ka na?”

“Ayos lang.”

“Okay na ba ang braso mo?”

“Oo. Maayos na.”

Sabay na kaming pumasok sa building four. Sinara na namin ang mga payong namin. Nabasa pa nang kaunti ang pantalon ko. Habang nangyayari ‘yon, bigla namang sumulpot si Vanne at niyakap niya si Henry. Pawisan at hingal na hingal.

“Girl, okay ka naman ba?” tanong niya.

“Oo naman. Salamat.”

“No worries.”

“By the way, narinig ko na may excursion daw ang lahat ng 4th year sa isang beach resort.”

“Talaga, babe?”

“Oo. As usual, gaya pa rin ng dati. Sembreak daw ang schedule. Kaya naman, please be ready. Tapos sama-sama tayo sa isang room.”

Sa totoo lang, hindi naman ako sumama sa mga ganitong paganap kahit noon. Sa mga sandaling ‘to, iniisip ko pa rin kung sasama na ba ako sa excursion na ganito. Pakiramdam ko kasi ay mapapag-trip-an lang ako ni Tee.
Hindi pa kasi ako nakakakita ng dagat sa tanang buhay ko. Madalas ay nasa bahay lang naman ako kahit na naroon pa ako sa Nanay ko noon nakatira. Sa internet ko pa lang nakikita ang dagat.

Habang nasa klasrum ay tinatanaw ko ang labas nitong bintana. Tahimik ang paligid sa labas. Parang may huni ng mga kuliglig sa labis na katahimikan. Pero kasing-ingay naman ng palengke itong loob. Hanggang sa tumahimik at may pumasok na palang prefect.

Bigla niya na lang ibinaba ang mga dala-dala niya sa mesa sa harapan. Parang naging tupa ang mga kaklase ko. May iba namang mukhang timawa. At ang nakakaasar pa ay ‘yung bigla-bigla na lang papasok si Tee na parang walang prefect dito sa room. Ayaw ko mang sabihin pero ang angas niya.

“Tee, ang galing natin, ah. Parang walang nakita,” pasarkastikong sabi ni Prefect Lorencia.

Umupo lang si Tee.

“Saan ka nagpunta?”

“Sa CR, bakit po?”

“Talagang hindi ka rin magpapaalam sa akin, no?” Halatang nang-uuyam na ang prefect.
Halos lahat kami rito ay napapalagok na lang ng laway sa takot. Malay ko ba kung bakit pero talagang nakakangatog dahil parang alam ko na ang susunod na mangyayari. At… nangyayari na nga.

“Uunahin ko pa po ba ‘yon? Sasabog na ang pantog ko,” sagot ni Tee.

Parang inihipan na lang kami ng hangin. Nanlalamig na ako at tumatayo na ang mga balahibo ko. Pero nang iangat ko ang ulo ko, natameme na lang yata ang prefect. Nakanganga pa rin kasi hanggang ngayon. Tinabla kasi ni Tee.

Ewan ko ba kung bakit laging na kay Tee ang huling halakhak. Para lang siyang tinapay na babara sa lalamunan mo pagkatapos mong kainin.

Lumabas na ang prefect at balik na naman sa dating gawi ang klase. Tahimik pa rin ako sa kabila ng mga ingay na naririnig ko. Wala namang gustong kumausap sa akin dito. Kaya naman sa sulok na ito ay nakita ko na rin ang katahimikang hinahanap ko.

Nalingat lang ako saglit at nasa tabi ko na pala si Tee. Ang sama na naman ng tingin niya sa akin. Iniwas ko agad ang paningin ko. Pakiramdam ko kasi naging pasakit na ako sa kaniya. Alam kong dapat ako ang magalit sa ginawa niya, pero ito ako at parang nagdulot pa ng pasanin sa taong ito.

Mahaba Ang GabiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon