Pebrero na. Ito ang panahon na maraming magsing-irog ang magpapalitan ng mga regalo at makikipaghuntahan sa kani-kanilang mga minamahal. Sa Walking Street noon, ito ang panahon kung saan gabi-gabi kang makakarinig ng ungol (kapag Europeo ang kliyente ng walker) o sigaw (kapag Aprikano ang kliyente nito).
Si Mama noon ay lalong gumaganda kapag nalalapit na ang Araw ni Valentin. Nakabestida siya na pula at halos isang taas pa ng hapit niyang bestida ay makikita na ang itim niyang kalsonsilyo. Palibhasa ay nagiging rosado ang kutis niyang mala-porselana kapag naiinitan at pinag-iinitan din siya ng titig ng mga turista at iba pang naghahanap ng makakarat noong mga gabing 'yon.
"Anak, ang ganda ko ba?"
"Opo, Nay. Sobrang ganda ninyo."
"Alam mo na kung kanino ka nagmana. Pero ito lang, huwag ka rito sa bahay matulog mamaya. Doon ka kina Tiya Lorena mo matulog."
"Opo, Nanay."
"Naku, Ate na lang. Nakakatanda kapag tinatawag mo 'kong Nanay."
"Sige po. Bukas na lang po ulit tayo magkita."
Ako naman ay abalang-abala rin sa mga panahong 'yon dahil sa pagluluto ng mga umo-order sa akin ng sisig, pansit at adobong baka. Kadalasang sina Mama Rejoice ang nagpapaluto sa akin para sa maliit nilang papiging matapos ang halos gabi-gabing pakikipagsapalaran kung papatulan ba sila ng mga turista o hindi.
"Tisoy, ang sarap talaga ng luto mo," si Mama Rejoice.
"Kaliit mong bata e pagkagaling mo nang magluto," si Ate Sheng.
"Tinuturuan lang po ako ng Mario."
" 'Yung boypren mo 'yon, no?"
"Hindi po! Wala pong gusto 'yon sa akin."
"Naku! Hindi naman malabong magustuhan ka no'ng poging 'yon. Ang ganda-ganda mo kaya."
Hinaplos ni Mama Rejoice ang buhok kong natatamaan ng mga ilaw mula sa labas nitong backstage.
"Kahit po ba puro peklat ako?"
"Oo naman, kasi Zen, hijo, tatandaan mo na hindi ka lang maganda ang mukha, maganda at busilak din ang puso mo."
"Salamat po, Mama Rejoice."
"Naku, siyempre, may matatanggap ka pang pot money galing sa akin mamaya."
"Talaga po?"
"Oo! Masarap kasi ang luto mo."
"Magkano naman po ang ibibigay ninyo?"
"Dalawang libo."
"Ang laki naman po no'n."
"Naku, kulang pa nga 'yon kasi hindi mo naman kami tinitipid sa lasa."
"Salamat po."
Iyon na rin pala ang huling beses na makikita ko si Mama Rejoice. Lumabas na ako kasunod niya at ihahatid niya raw ako sa Fields Avenue. Inabot niya na sa akin ang dalawang libong piso na pinangako niya. Kahit na takot na akong dumaan doon sa kabilang kalye kung saan ako dinakip ng limang lalakeng Pranses e doon pa rin ako dinaan ni Mama Rejoice. May mga pulis na rin kasing nakabantay roon buhat nang may mangyari sa akin.
"Mama, ang ganda niyo po talaga."
"Salamat, Tisoy. Alam mo, sana hindi ka matulad sa naging buhay ko. Nakikita ko kasi na hindi ka nararapat na sumunod sa yapak naming lahat. Matalinong bata. Dapat ay manatili ka sa eskuwela at mag-aral."
Sa gulat ko na lang ay bigla na lang may putok ng baril at bigla na lang bumulagta si Mama Rejoice. Nanlaki ang mga mata ko sa takot dahil ito na naman yata ang panibagong yugto ng buhay ko. Nag-aagaw-buhay na siya habang yakap-yakap ko ang unti-unti ninyang nanghihinang katawan. Umiiyak na ako habang nakikita kong pumipikit na ang mga mata niya.
BINABASA MO ANG
Mahaba Ang Gabi
General FictionAng nobelang itong ay nangangailan ng maigting na pagsubaybay ng mga nakatatanda't mga eksperto. (R-16) Si Zen, isang ulila at lumaki sa lugar kung saan ang nagtatagong dulo ng mundo - ang impyerno sa ibabaw. Ang talinhaga ng buhay ay nananatiling m...