Tanghali na. Nagbabadya na naman ang pagbuhos ng malakas na ulan. Hindi na ako sa isang silong kumakain ngayon. Dito na sa isang silong sa likod ng building three ako kumakain. Walang masyadong tao. Walang ingay. Tanging huni na lang ng mga kuliglig at salagubang ang maririnig o mauulinigan.Nilabas ko ang libro na binili ko no’ng isang araw lang. Inamoy ko pa dahil amoy luma at tantsa ko ay nasa pitong taon na ang hawak-hawak kong ito.
Binuklat-buklat ko pa ito kapagkuwan habang natutuwa na dala ng katahimikang ito.
Ilang saglit pa ay bumuhos na ang ulan at patuloy lang ako sa pagbabasa. Nararamdaman ko kasi na akong ang bidang bading sa istorya. Alam kong nakakatawa pero sa totoong buhay naman ay hindi gustuhin ang mahihinang katulad ko. Halos malalaking katawan ang nagugustuhan ng maraming bakla sa paligid. Ang baklang katulad ko? Mukhang kahit lumuha pa ako ng putik ay hindi mangyayari iyon.Paano ba naman? Sa nobelang ‘to ay nagkagusto ang lalakeng bida sa baklang bida dahil may intensyon siyang protektahan at pasayahin ito. Kakatwa lang ang dahilan. Kaya, kailangan pala na pahinain ko pa ang sarili ko? Mukhang hindi na lang.
Oo, malamya ako. Pero hindi ako mahina.
Marami rin naman akong kayang gawin. Magluto. Maglaba. Mamlantsa. Mag-aral nang mabuti. Magbasa at magsulat. Manahi pa nga, e. Marahil ay maraming may ayaw ng mga ganitong kakayahan. Pero para sa akin, ito na siguro ang kalakasan ko dahil kahit ako lang ang mag-isa sa bahay ay makakausad pa rin ako kahit na walang tumutulong sa akin.
Sinara ko na lang ang libro at natapos na rin ako sa pagkain ng kakapurit na meryenda ko. Ibinalot ko ang mga pinagkainan ko sa isang plastik at saka itinapon ito.Bago pa ako makarating sa klasrum ay napansin kong may sumusunod sa akin. Nilingon ko at sina Tee na naman; nakangiti at parang gagawa na naman ng hindi maganda sa akin.
“Hoy, Zen, bakit parang binibilisan mo ang lakad mo?” pabulyaw niyang tanong.
Totoo naman. Binibilisan ko ang paglalakad ko, bigla-bigla na lang hinila ni Tee ang braso kung saan ako napilayan kahapon. Napapikit na lang ako dahil naramdaman kong kumirot na lang ito at saka na lang ako napaluha.
Halos mapaluhod na ako sa sakit at ayaw niya pa rin akong bitiwan. Sumulpot na lang bigla si Nurse Marie.
“Tee! Bitiwan mo si Zen!”
Napabitaw na lang siya sa akin. Tuluyan na akong bumigay at hindi ko na halos maigalaw o maitayo man lang ang katawan ko sa sobrang sakit. Tumutulo pa rin ang luha ko at hindi na rin ako makahikbi dahil alam kong maraming mang-uusisa.
Inalalayan ako ni Nurse Marie papunta sa clinic. Habang naglalakad kami ay tinatanong niya ako kung maayos ang pakiramdam ko. Oo na lang ang nasasagot ko. Ngumingiti na lang ako.
Sa gulat ko ay binuhat na lang ako ni Tee.
“Miss Marie, ako na ang bubuhat sa kutonglupa na ‘to.”
Napansin kong napaismid na lang si Nurse Marie dahil isa siya sa naiinis kay Tee. Karamihan kasi ng mga estudyanteng nagpupunta sa clinic ay galing sa pambu-bully nito o siya ang dahilan kung bakit ng na-bully. Kamalasan ko pa, ako ang number one recipient.
Nang makapasok na kami sa clinic, inilapag agad ako ni Tee sa ikatlong kama. Si Nurse Marie naman ay tinawagan muna ang teacher ko. Naririnig ko mula rito ang boses niyang halatang nag-aalala. Samantalang si Tee naman ay nakatingin na lang sa braso kong namamaga.
“Okay ka lang ba?” tanong niya kapagkuwan.
Tumango na lang ako bilang tugon.Bigla-bigla ay pumasok si Nurse Marie at halatang-halata na talagang inis na inis siya kay Tee.
“Ikaw Tee, alam mo ba ang pinagdadaanan ng mga taong binully mo?” bulalas nito sa kaniya.
Hindi nakasagot si Tee. Mataas na kasi agad ang boses ni Nurse.
BINABASA MO ANG
Mahaba Ang Gabi
General FictionAng nobelang itong ay nangangailan ng maigting na pagsubaybay ng mga nakatatanda't mga eksperto. (R-16) Si Zen, isang ulila at lumaki sa lugar kung saan ang nagtatagong dulo ng mundo - ang impyerno sa ibabaw. Ang talinhaga ng buhay ay nananatiling m...