Sabado na at hindi ko na nahindian si Tee. Makulit talaga siya at mapilit. Gagawin niya talaga ang lahat, masunod lang gusto niya. Pero iniisip ko pa rin kung bakit biglang nagbago ang ihip ng hangin ngayon sa pagitan naming dalawa. Ilang araw niya na rin akong hindi binu-bully. Maraming ulit na sumasabay siya sa akin pagdating ng tanghalian. Tapos palagi lang siyang nakangiti habang nakatingin sa akin.
Sa kabila ng angking kabulastugan niya ay nakukuha niya pa rin ang puso ko. Aminado naman akong nawala ang damdamin ko no'ng mga panahong pinuputakti niya ako ng sandamakmak na pasakit; dala na rin ng pambu-bully niya. At ngayon, ito na nga ako at naghihintay sa food court para sa kaniya.
Nag-ring na lang ang cellphone ko at si Ate Dara ang tumatawag.
"Hello po, Ate."
"Nasaan ka ngayon? Bakit hindi ka nagpaalam sa amin ni Mama?"
"Pasensya na po. Pupunta lang po sana ako sa Anonas para maghanap ng mapagtatahian ng bagong uniform."
"Aysus! Sana sinabi mo na lang sa akin para ako na ang magpagawa para sa 'yo."
"Ate, ako na lang po. May pera pa naman po ako at ayaw ko hong makaistorbo. Busy pa man din po kayo ni Mama."
"Naku, hindi kami busy basta't para sa 'yo, Zen. Ikaw talaga! Pakiramdam ko tuloy ay hindi pa rin pamilya ang tingin mo sa amin."
"Hindi naman po sa gano'n, Ate. Ayaw ko lang din po talagang nakakaistorbo sa iba."
"O siya, ibababa ko na itong telepono. Mag-ingat ka. Tumawag ka kapag nandoon ka na sa mga modista at sastre sa Anonas."
"Sige po, Ate. Salamat!"
"Walang anuman."
Nang ibaba ko na ang cellphone ko ay siya namang biglang pagsulpot ni Tee. Nakasuot siya ng t-shirt at jogging pants. Medyo pawis pa ngang tingnan.
"Pasensya na kung na-late ako, Zen."
"Wala po 'yon."
Nagpupunas pa siya ng pawis habang nakatingin sa mukha ko. Kaya naman pinunasan ko ang pisngi; baka may dumi.
"Kailangan ko pa kasing tapusin ang workout ko kanina. Nagpadagdag kasi ng ilang exercises ang trainer ko."
"Okay lang po. Basta po para sa kalusugan ninyo ay hindi na po dapat akong pumaibabaw pa."
Ngumiti lang siya sa akin at hinatak niya na ang kaliwang braso ko. Hawak-hawak niya lang ang kamay ko ay naglakad na kaming dalawa palabas ng mall.
"Teka nga pala, Zen, saan ka magpapatahi?"
"Sa Anonas lang po para mura."
"Oh, may pupuntahan tayo ro'n. Doon sa pinagpapatahian ko ng mga uniform ko. Magaling 'yon."
"Talaga po ba?"
"Oo, magaling 'yon. Tapos 300 pesos lang ang singil niya para sa polo. Minsan depende pa sa sukat. At dahil bansot ka, makakamura ka."
"Nawa ay totoo 'yan."
"Ano?" tanong niya habang patawid na kami papunta sa Gateway.
"Wala po. Sana ay makamura nga ho talaga ako."
"Oo naman."
Naglalakad kami ngayon papasok sa Gateway Mall at maraming tao ang loob nito dahil rest day na rin ng mga ito. Nakakatuwa lang na lagi kong nadadaanan ang mall dahil marami akong gamit na gustong bilhin. Isang bagong bag at dalawang pantalon.
Hawak-hawak niya pa rin ang kamay ko habang naglalakad. Ang daming mga mata ang nakamasid sa amin habang binabagtas namin ang loob papunta sa sakayan ng tren.
BINABASA MO ANG
Mahaba Ang Gabi
Ficção GeralAng nobelang itong ay nangangailan ng maigting na pagsubaybay ng mga nakatatanda't mga eksperto. (R-16) Si Zen, isang ulila at lumaki sa lugar kung saan ang nagtatagong dulo ng mundo - ang impyerno sa ibabaw. Ang talinhaga ng buhay ay nananatiling m...