Ang Mga Sugat at Gulo

279 15 1
                                    

Marami na naming pumapasok sa isip ko. Nakita na ni Tee ang nangyari sa akin sa nitong nakaraang araw lang sa resort kahapon. Hindi ko alam na tinawagan niya pala si Ate Dara tungkol sa bangungot na nangyari sa akin. Hindi lang iyon. Itinawag niya na rin na kailangan akong patingnan sa isang sikolohista. At ngayon, kaharap ko na si Dr Pedroso.

"Mr Hernandez, sinabi po ninyo na ampon si Zen mula sa isang ampunan sa Pampanga. Ano po ang mga napuna ninyo noong unang makita niyo siya?"

"Napansin ko na mailap siya sa tao. Noong unang dating niya rito sa Maynila, ni hindi ko mapalabas ng kuwarto itong bata. Noon pa man po e nagtataka na ako kung bakit. Tapos ho, palagi siyang balot na balot ng mahahabang damit. Nalaman ko na lang pong nabu-bully pala ang bata sa eskuwelahan. Wala naman po akong magawa dahil hindi po nagtutugma ang oras ko upang maasikaso ang pagsasampa ng kaso. Pasalamat na lang po ako sa mga kaibigan niyang umaagapay sa kaniya."

Umubo lang saglit ang doktor at nagtanong ulit, "Mrs Hernandez, Ano-ano po ang mga bagay na napansin ninyong kakaiba kay Zen?"

"Napansin ko na kapag natutulog siya, parang batang nasa sinapupunan. Palagi siyang humihingi ng paumanhin kahit wala naman siyang ginagawang kasalanan. Natatakot din siya noon kay Kuya Pen niya na katabi ko ngayon. Marahil e malaki ang katawan nito at nasisindak siya. Napansin ko rin po na minsan ay humihikbi na lang siya sa kuwarto niya at kapag nakikita ko siya ay nasa isang sulok at umiiyak."

Natanong na rin ang mga iba pang bagay na napansin sa akin. Ang dami pala. Humingi agad ako ng paumanhin sa lahat. Pakiramdam ko na naman ay pabigat ako. Hindi ko na alam ang gagawin ko.

"Sa lahat, ang gagawin ko po ay pagguguhitin ko siya ng isang bahay, isang tao, at isang puno. Kailangan niya rin pong sumailalim sa isang pagsusulit upang makita natin ang mga maaaring nagbibigay sa kaniya ng stress o nagpapabalik ng trauma niya."

"Opo, Dok," pagsang-ayon ng lahat.

"Isa pa, kung maaari lang po sana ay walang makakalabas na impormasyon ukol sa magiging diagnosis natin sa bata. Importante na bigyan ng seguridad ang kaniyang ngalan o pagkakakinlanlan, at lalo na ang pagkatao niya."

"Opo," sabi ni Papa.

Nagpunta kami sa isang psychology lab. May salamin, pero hindi ko nakikita ang nasa labas. Ang tahimik at halos ang pag-ihip ng hangin na lang mula sa aircon ang naririnig ko. Kaharap ko ang doktor. Siya ang nagbibigay ng patnubay sa bawat gagawin ko. Naglagay siya ng tatlong malilinis na puting papel.

Nagsimula na ang mga pagsusulit. Gumuhit ako ng isang batang babae. Masasabi ko na detalyado at naglagay na rin ako ng mga shade upang lumabas ang mga anino sa paligid. Nakasuot ito ng pantalong malaki at may sinturon. Medyo maliit ang mukha at ulo para hindi siya mapansin. Tinakpan ko ang mukha dahil baka nahihiya siya. Halos itim ang ginamit kong kulay sa aking likha.

Maganda naman ang kinalabasan ng aking ginuhit. May maliit na ngiti ang batang babae. Nangangarap ng gising at nakikita ang pag-asa sa kinabukasan.

Malaking puno naman ang ginuhit ko. Mayabong. Nababakas ang ugat na kapit na kapit sa lupa. May araw at may ulap sa kaliwa. May hangin pa kapagkuwan. May ibong lumilipad ay may nakadapo sa isang sanga. May mga bulaklak din sa ilalim ng puno. Maaya ang paligid. Maligaya.

Matapos iyon ay ginuhit ko naman ang bahay namin noon sa Angeles. Barong-barong at may bintana. Nakaangat dahil kadalasang binabaha. May araw at ulap ulit sa paligid. Naaalala ko na lang ang isang beses noon na muntikan akong malunod at sinagip ako ni Ding na kapitbahay namin.

Naalala ko na lang bigla noong makalipat kami sa Mirasol noon. Maganda na ang inupahang apartment ni Mama. Ang kaso doon ako sa sofa natutulog dahil kadalasang doon niya rin dinadala ang mga kostumer niya galing sa Walking Street. Naririnig ko na lang ang langitngit ng kama at ang malakulog na pagmumura at pagsisigaw ng mga kumakantot kay Mama – mapa-AFAM man o Pinoy. Pakiramdam ko nga noon e magiging parte na ng United Nations si Mama dahil paiba-iba siya ng lahing dinadala sa bahay. Madalas na tinatago niya ako sa aparador sa ilalim ng hagdan. Pinalalabas niya na wala siyang anak.

Mahaba Ang GabiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon