prologue

1.2K 29 24
                                    

"Alam mo ba na kanina pa kita hinahanap?"

Iyon ang mga unang kataga na narinig ko galing sa kanya magmula nang pumuwesto kami sa gitna ng covered court. Malakas na tumutugtog ang romantikong kanta pero narinig ko pa rin ang bulong niyang iyon sa tenga ko, kasunod ng kuryente ng naramdaman ko dahil sa hininga niyang dumampi sa pisngi ko.

Ngayon lang ako nakalapit sa kanya nang ganito kalapit at hindi ko alam kung kailan ko ulit siya makakausap nang ganito. Kaya nga sabi ko sa Universe, magiging direkta at totoo ako sa mga sasabihin ko sa kanya... Kahit ngayon lang, kukunsintihin ko 'yung sarili ko at hahayaan kong mahulog ako sa sarili kong patibong.

Nakatakong man ako ngayong gabi, kinailangan ko pa ring tumingkayad para abutin ang tenga niya. Marahan akong dumukwang palapit sa kanya... na sa gulat ko ay hindi niya iniwasan gaya ng palagi niyang ginagawa.

"Alam mo rin bang kanina pa kita hinihintay?" sagot ko naman sa kanya.

Pero kalaunan, napagtanto ko na mali ang naging sagot ko sa tanong niya. Dahil sa totoo lang, matagal ko na siyang hinihintay. Hindi ko man namalayan, hindi ko man alam, o baka alam ko pero itinanggi ko lang...

"O baka matagal na..." bawi ko sa sinabi ko.

BLUE RED GREEN (RED BOOK)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon