Bakit mahirap iwanan ang hayksul? Dahil ba pakiramdam natin hindi pa natin alam kung ano ang gusto nating gawin o kursong gustong kunin? Dahil ba sa takot na hindi makapasok sa pinapangarap na iskwelahan para sa kolehiyo? Bakit ba ganoon na lang kahirap bitiwan ang hayskul?
= = = = = = = = = = = = =
LUNES, araw ng Graduation.
Masaya naman sa pakiramdam. May kalungkutan lang talaga na hindi maiiwasan. May masakit na katotohanang hindi matatakasan. Masaya, dahil papalapit na ako nang papalapit sa punto na makakapagtrabaho ako para sa pamilya ko, para maibalik ang lahat ng ginawa nila para sa akin (at s'yempre, dahil labs ko sila). Pero mas malungkot dahil mahihiwalay na ako sa mga kaibigan kong tumulong na mahubog ang katauhan ko ngayon. Paniguradong panibagong mundo ang naghihitay sa akin sa kolehiyo.
Pero sa katunayan, sa nga oras na ito, wala akong iniisip na kahit anong tungkol sa kolehiyo. Hindi ko alam kung tinatamad lang ako, o natatakot talaga ako. O baka abala lang talaga ako sa kung ano-ano. O baka lahat ng sinabi ko? Siguro... hindi ko pa lang talaga naipapasok sa sistema ko na magtatapos na talaga ang buhay hayskul ko.
"Oy Iye, ngumiti ka nga dalian mo!!!" sabi ni Yuan habang kumukuha ng retrato namin nina Alexa at Deenise.
Matapos ang picture-taking, pumasok muna kami sa isang klasrum para magpahangin sa tapat ng electric fan. Kanina pa nagsimula ang programa, pero matagal-tagal pa kaming maghihintay dahil sa 17 na section ng batch namin, pangalawa pa kami sa dulo na magmamartsa.
"Navarro, halika lang dito?" tawag sa akin ni Fungo na nasa isang sulok ng klasrum, nakatapat sa isang standing fan... Habang napapalibutan ng pinakamamahal niyang Ryosu Pirates.
Kaklase namin si Fungo, mas kilala siya bilang lider-lideran nung 'Ryosu Pirates'. Isa sa mga grupo-grupuhan nung mga magkaka-tropang lalaki sa iskwelahan, grupong kinabibilangan ni Kaido. Hindi rin namin alam kung kailan nabuo ang Ryosu bilang pangalan nito, pero matagal na yata silang magkakaibigan.
"Bakit na naman?" tanong ko sa kanya nung lumapit na ako sa kumpol nila. "Tabi nga, aarte niyo! Daig niyo pa 'yung mga babae. Sila nga nagtitiis sa init. May mga make-up ba kayo" pambubunganga ko sa kanila.
Umupo ako sa desk nung upuan ni Fungo para tumapat sa hangin.
"May itatanong lang kami" sabi ni Marlu, 'yung maliit naming kaklase na magaling sa Math. "Kasi 'di ba, binigyan mo kami lahat ng letter? Pati nga 'yung mga taga-ibang section binigyan mo 'di ba?" tanong niya.
"Oh... tapos?"
"Bakit daw si Kaido hindi mo binigyan?" sabi ni Fungo.
Biglang nag-init ang pisngi ko nung mapagtanto kong nakaupo pala si Kaido sa likod ni Fungo. Nun ko lang siya nakita... At mas lalo pa akong kinabahan nung nagkatinginan kaming dalawa.
"Ayeeee~" pang-aasar nung magto-tropa.
Ang totoo kasi niyan, gumawa ako ng letter para sa lahat ng batchmates ko. Sa labing pitong sections kasi ng batch namin, may kakilala ako sa kada section. Ayokong may magtatampo, kaya lahat sinulatan ko. Naipamigay ko na 'yung mga letter nung mga general practice namin ng Graduation. Si Kaido na lang talaga ang hindi ko pa nabibigyan dahil hindi siya pumupunta sa mga practice namin.
May balak din naman akong ibigay 'yung letter sa kanya ngayong araw. Walang'ya lang talaga 'yung mga pirata na ito, dahil panira sila sa diskarte ko. Tumayo ako at kinuha 'yung bagpack ko sa kabilang klasrum. Pagbalik ko sa kanila, mga naka-ngiting aso sila.