Lahat ng tao may pinto. May mga taong pagbubuksan ka,
pero may iba na dapat hayaan mo na lang na nakasara.
= = = = = = = = = = = = =
Gusto ko pa sana siyang makausap pero pagkatapos na pagkatapos nung picture-taking sa stage, kung sino-sino na naman ang humila sa akin kaya nawala na lang siya sa paningin ko.
"Bes!!! Bes!!!" Pagbalik sa upuan hindi ko mapigilan ang sarili ko na sabihin doon sa dalawa kung anong nangyari.
"Anyare diyan?" tanong ni Deenise kay Alexa.
"Katabi ko kanina sa stage si Kaido" masayang balita ko sa kanila. Pero parang wala lang sa kanila 'yung ibinalita ko, ang saya-saya ko pa naman. Pero walang ka-effort effort 'yung reaksyon nila.
Nagtinginan lang sila at sabay-sabay na nagsabing, "Ah..."
"Salamat, mga mapagmahal kong kaibigan" sarkastiko kong sabi sa kanila at ipinagpatuloy na lang pagkain ko.
"Hindi ka pa rin tapos diyan?" sita ni Deenise habang nginangatngat ko pa 'yung buto ng manok.
Balik-sayawan na nung matapos ang lahat ng section sa picture-taking. Kung sino-sino na ang nakasayaw ko. Halos pagbabalik-alaala lang ang madalas na usapan kapag sumasayaw na. S'yempre napag-uusapan din 'yung mga plano para sa kolehiyo.
"Muff, nasayaw mo na ba si toot mo?" tanong ko kay Sonny nung magkasayaw na kami. May lihim kasing pagsinta itong si Muff kay Deenise. At kaming tatlo lang ang nakaaalam nun. Siya, ako, at ang kaibigan niyang si Darel.
Umiiling siya.
"Ay ang weak talaga. Eh si Darel ba naisayaw na 'yung toot niya?" tanong ko pa. May lihim din kasing pagsinta si Darel kay Alexa.
"Malamang hindi pa, alam mo naman 'yun... Totorpe-torpe" nakatawa niyang sagot.
"Wow, nagsalita ang hinding torpe. Eh, hindi ka naman ba napipilitan lang na isayaw ako?" biro ko sa kanya.
"Hindi ah! Gusto talaga kitang isayaw" seryoso niyang sagot. "Tsaka 'yung toga pic pa na hinihingi ko, nasaan na?"
Ay oo nga pala, bukod kina Alexa at Deenise siya lang ang pagbibigyan ko nun dahil iyon ang kapalit ng t-shirt na binigay niya sa akin.
"Naku, muff! Nakalimutan ko! Puwede ibigay ko na lang sa kuhaan ng card?" Tumango naman siya habang nakangiti.
"Oo nga pala, Navarro. Sasama ba kayo sa April 3?"
"Hindi ko pa alam, eh. Saan naman kami kukuha ng ipanggagastos doon... Eh kayo ba, sasama ba kayo?"
Sa totoo lang, gusto ko rin naman sumama. Ilang araw na rin talaga akong kinukulit nung mga pirata. Iyon nga lang, wala talaga akong pera.
Maya-maya lang, lumitaw si Darel sa gilid namin. "Ako naman" sabi niya sa best friend niya. Kaya ayun, ipinaubaya na ako ni Sonny sa kanya.
"Balita ko, hindi mo pa siya naisasayaw ah?" bungad ko kay Darel.
Dinuro niya na naman ako sa gitna ng noo ko, katulad nang palagi niyang ginagawa. "Bakit ikaw, naisayaw ka na ba ng taong gusto mo?"
Napatahimik naman ako. Hindi ko alam kung sino ang tinutukoy niya, pero totoo namang may tao akong gustong makasayaw na hindi pa ako naisasayaw.
Si Darel pa rin 'yung kasayaw ko nung matanaw ko na 'yung taong gusto kong makasayaw. Naglalakad siya sa gilid ng covered court kasama si Khris. Gusto ko nang gawin 'yung plano ko para kay Darel pero kasayaw pa kasi ni Alexa si Gener.
Pagbalik ko ng tingin sa kinaroroonan nina Khris, wala na sila. Baka sumasayaw na kung saan.
"Huy, bakit-" gulat ni Darel nung kaladkarin ko na lang siya bigla, dahil nakita kong wala nang kasayaw si Alexa.
"Halika rito" sabi ko at inilapit siya kay Alexa. "Magsayaw kayong dalawa dahil ang sakit na ng paa ko." Pagsabi ko nun, kinindatan ko si Darel at bumalik na sa upuan namin.
Nawala na sa paningin ko si Kaido. Gusto ko pa naman sanang magpakita sa kanya, baka sakaling isayaw niya ako kapag nakita niya ako. Hinilot-hilot ko 'yung paa ko nung bigla kong mahagip ng paningin ko sina Khris at Kaido sa bandang harapan ko. Nakatayo sila paharap sa dance floor, habang palinga-linga. Hindi ko man alam kung bakit, pero kusa akong yumuko. Bigla akong nahiya na ewan. Nakita niya naman siguro ako, wala lang talaga siyang plano na isayaw ako.
Hindi na ako umasang yayayain niya akong sumayaw. Inangat ko ang tingin ko nung pakiramdam ko nakaalis na sila. Laking-gulat ko nung biglang napalingon si Khris sa direksyon ko.
"Oh pre ito pala siya, eh" sabi niya kay Kaido na nakatalikod sa akin nun, habang nakaturo sa likod ko. Hindi ko alam ang gagawin kaya nagpanggap ako na hindi ko nakita ang ginawa niya at yumuko na lang ulit.
Talagang harap-harapan ko pang makikita na may yayayain siyang sumayaw ha... Footspa naman talaga oh!
Sa kabila ng ingay sa paligid, dinig na dinig ko 'yung yapak ng paa niya habang papunta sa gawi ko. Dapat bang gumapang na ako paalis sa lugar nito? Nakakahiya ito. Puwede bang lamunin na lang ako ng lupa?
Nagulat ako nung may kamay na tumapat sa mukha ko.
Madami akong gustong ikuwento tungkol kay Deenise at Alexa. Tungkol kina Yuan, Martin, Dolly at Dalen. Tungkol sa Ryosu Pirates, sa Section 2, sa buong tropa. At higit sa lahat... tungkol sa kanya.
Pagtingala ko, iisang pangalan lang ang nasabi ko...
"Kaido..."
