Day 2

1.4K 27 4
                                    

Beep! Beep! Beep! Beep!

Ginising ako ng alarm sa aking kwarto. Iniisip ko pa kung nasaan ako.

"Jiro! Gumising ka na diyan! Bibiyahe ka pa ngayon!" Si mama.

Nandito lang pala ako sa aking kwarto. Sa lahat naman ng pwedeng mapanaginipan, yun pa... Mga zombie.

Nung bata pa ako, napanood ko ang pelikulang nagsimula ng zombie-movie genre, ang Night of the Living Dead. Simula nung napanood ko yun, anlaki na ng takot ko sa zombie maski alam ko naman na kathang isip lamang iyon. Mas nakakatakot kasi ang mga zombie. Hindi sila katulad ng mga Vampire and Werewolf na may kahinaan. Ang mga zombie, pwede sila sa araw. Maski maputol pa ang mga parte ng katawan, nandiyan pa rin. Hindi sila tumitigil.

Ngunit nung nalaro ko ang pinaka-unang labas ng larong Resident Evil, nawala na ang takot ko sa mga zombie. Nabigyan kasi ako ng pagkakataon na makalaban at matalo ang mga ito. Bagkus, nagustuhan ko pa nga ang mga zombie. Ngayon nga't paborito ko nang pinapanood ang mga pelikulang zombie ang tema.

Naupo na ako sa hapagkainan para kumain ng inihanda ni mama; bacon, sunny side fried eggs, loaf bread.

Hindi man ako nakaharap sa TV ay bahagyang naririnig ko kung ano ang sinasabi sa umagang balita.

.... Uri ng bacteria na kumakain ng laman... Nababahala ang mga residente ng bayan ng...

... Patuloy namang pinag-aaralan ng mga... Sa ibang balita...

Flesh-eating bacteria? Bago lang ito sa Pilipinas pero hindi na ito bago sa pandinig ko. Kung hindi ako nagkakamali, may balita nang ganito noon pero sa ibang bansa naman.

Pagkatapos kumain ay nagtungo ako sa aking silid upang iligpit ang aking mga gamit. Naglinis na ako ng aking sarili at nagbihis na para makabiyahe na ako pabalik ng Maynila.

Mahaba pa kasi ang biyahe ko. Sa regular na biyahe, mga walong oras siguro ang itatagal ng aking biyahe. Dito pa kasi ako sa Baguio manggagaling. Dito na kasi ako nagkamalay-tao, lumaki, at nagtapos ng pag-aaral.

Mahigit sampung taon na rin ako nagtatrabaho sa Maynila sa isang pabrika ng mga pagkain. Nag-leave lang ako para maka-uwi. Ngayon at tapos na ang leave ko, panahon na para bumalik sa Maynila.

Pagkatapos kong mag-ayos ay nagpaalam na ako sa aking nanay, at mga kapatid. Nagtungo na ako sa terminal ng bus at tumuloy na papuntang Maynila.

Pagka-abot ko sa kundoktor ng aking bayad, ipinikit ko na ang aking mga mata para umidlip. Sa aking paggising, nasa Pangasinan na kami. Tamang tama na may isinasakay ang aking nasasakyang bus nang sa may kalayuan ay may natanaw akong mga tila nagkakagulo.

"Bigla kasing may hinimatay na babae dun," ang sabi ng isa sa mga kasasakay lang.

Mukang medical emergency lang pala. Pero alam naman natin dito sa Pilipinas, pagkakaguluhan talaga ang ganun. Maraming usi.

Tumuloy na uli ang bus na aking kinasaskyan. May mga stop over na tinigilan gaya ng dati. Karamihan ng tao sa mga stop over ay usap-usapan ang sakit na na-ibalita kanina sa TV. Bakit nga naman hindi? Kakaiba yun.

Nagpatuloy ang aking biyahe ng walang problema hanggang sa nakarating ako sa aking inuupahang apartment. Nagpahinga ako ng kaunti at nanood balita sa TV. Hindi nabanggit sa balita ang tungkol sa flesh-eating bacteria. Mukang pagiging praning lang ng mga tao iyon.

Oras na para maglaro ng mga video games ko bago matulog. Pang gabi pa naman ako bukas kaya okay lang na magpuyat ngayon.

Zombie.phTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon