Day 9.1

305 14 2
                                    

Ang apartment building ko ay may apat na palapag. Ang aking unit ay matatagpuan sa ikatlong palapag at pinakamalayo mula sa hagdan. Sa bawat palapag ay may apat na unit.

"Simulan natin sa itaas," mungkahi ko kay Yassy. Tumango lamang siya.

Dahan dahan kaming naglakad patungo ng hagdan. Nauna ako kay Yassy sa pag-akyat. Dahan dahan sa pag-akyat. Unti unti akong sumilip sa ika-apat na palapag upang tignan kung may tao sa hallway. Nanlaki ang aking mata sa aking nakita; mga zombie. Lahat sila nakatingin sa liwanag na nanggagaling sa bintana sa dulo.

Dali dali ngunit tahimik akong bumaba ng hagdan. "Ang dami nila sa taas," sabi ko kay Yassy. "Mga zombie."

Ngunit sa pagkaka-alam ko, hindi sila marunong umakyat ng hagdan. Marahil sila ang mga nakatira sa itaas na unit. O kaya dati silang at naging zombie na lang habang sila ay nasa itaas.

"Mabuti na lang at naisipan nating tumingin muna sa itaas. Balak ko pa sanang gumamit ng amoy ng pagkain para sa mga unit dito sa palapag na ito. Baka may maka-amoy sa loob ng mga kwarto. Malalaman natin agad kung tao o zombie ang nasa loob kung mayroon man." Pero kung sakaling ginawa ko nga iyon, marahil ay nagbabaan na lahat ng zombie sa itaas.

"Baka naaamoy nila ang amoy na galing sa Happy Bubuyog," ang sabi ni Yassy.

Tama si Yassy. May kalakasan ang pang amoy nila. Naaamoy nila ang galing sa Happy Bubuyog mula sa bintana. Ibig sabihin nun, kung mayroon mang zombie sa mga unit, dapat pareho lang sila ng mga nasa itaas.

"Sa tingin ko, sinadya ang pagpapalaganap ng amoy sa Happy Bubuyog para magtungo ang mga zombie doon. Kung sino man ang gumawa nun, alam nila na malakas ang pang amoy nila sa pagkain," dagdag pa ni Yassy.

May punto si Yassy. Maaring pinag kumpol ang mga zombie doon upang mapalayo sa kung saan sila naroroon... Kung saan man yun. O kaya walang alam ang nagluluto doon ng pagkain, at ngayon wala na silang paraan para makalabas pa. Kung walang tao doon ay maaaring masunog ang gusali. Pwede ring magkaroon ng pagsabog. Ito lang ang sigurado, hindi kami pwedeng dumaan uli doon patungong Hilaga.

Bumalik kami ni Yassy sa aking unit upang tignan kung may mga zombie pa rin na nagtutungo sa direksyon ng Happy Bubuyog. Pagbukas ko ng bintana ay hindi ko na kailangan pang gamitin ang binoculars dahil may ilang zombie sa harapan ng building na nagtutungo doon.

"Sa tingin ko ay medyo matatagalan pa tayo dito," sabi ko kay Yassy. "Mga isang araw pa siguro. Halughugin na lang natin ang ibang unit."

Kumain muna kami ni Yassy bago namin isinagawa ang pag-punta sa bawat unit. Buti na lang at puro ready-to-eat ang pagkain sa aking unit. Hanggat maaari ay ayaw naming magluto baka kami pa ang puntahan ng mga zombie.

Pagkakain ay nagtungo kami sa unang palapag ng apartment building. Inuna namin ang pinto sa pinaka-looban. Kumatok kami at hinintay kung mayroong sasagot. Nang walang sumagot, sinubukan naming buksan ang pinto ngunit ito'y naka-lock. Hindi na namin pa pinilit buksan pa ito at kami'y nagtungo sa susunod na pinto.

Ganoon din ang aming ginawa. Kumatok at sinubukang buksan ang pintuan. Lahat ng mga unit sa unang palapag ay sarado kaya't kami'y tumungo na sa ikalawang palapag. Gaya sa unang palapag, inuna namin ang pinto sa pinaka-looban. Bago pa man kami kumatok ay may narinig na kaming kalabog sa loob ng unit. Kumatok ako ngunit walang sumagot. Kumatok uli ako ng mas malakas pa ngunit kalabog lamang ang aming naririnig na tugon. Nagpasya kaming wag nang pasukin ang unit baka may zombie sa loob na siyang gumagawa ng kalabog.

Nagtungo kami sa katabing unit at kumatok. Walang sumagot kaya't ako'y kumatok muli. Ganun pa rin kaya sinubukan naming buksan ang pinto at sa aming surpresa, ito'y bukas. Dahan dahan naming binuksan ang pintuan. Pinakiramdaman namin kung may gumagalaw sa loob ng unit ngunit wala. Binuhay namin ang ilaw sa loob ng unit at napansin ko ang mga palamuti na Spongebobo.

"Siguro may diperensiya sa pag-iisip ang nakatira dito," ang aking nasabi. "Andami kasing Spongebobo na naka-display." Natawa lang si Yassy sa aking sinabi. "Sa tingin mo ba lalaki o babae ang nakatira dito?"

"Hindi ko alam. Generic kasi si Spongebobo. Pwedeng lalaki, pwedeng babae."

Nagtungo kami sa silid at tinignan kung pwedeng magamit ni Yassy ang mga ito. Tinignan naming mabuti ang silid kung walang tao o zombie sa loob. Binuksan ni Yassy ang lagayan ng damit at tinignan kung may makgagasya sa kanya.

"May kalakihan ng konti ang mga damit pero mukang okay lang," ang sabi ni Yassy. Lumabas ako ng silid upang bigyan siya ng pagkakataon na isukat ang mga damit.

Lumabas si Yassy sa silid na may bitbit na bag. "Okay na 'to," ang kanyang sabi. Mukang nakapili na siya ng damit na kanyang magagamit. Nagtungo kami sa kusina ng unit upang tignan kung may stock na pagkain ang nakatira... o dating nakatira sa unit. May nakuha kaming ilang de lata, biskwit, at nabalot na cake. Mayroon din container ng tubig na hindi pa nabubuksan. Hindi na namin kinuha ang mga instant noodles.

Umakyat na kami sa aking unit para makapagpahinga. Nagpasya kaming wag na munang puntahan ang mga unit sa parehong palapag ng aking unit lalo na ang mga unit sa itaas.

Zombie.phTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon