Day 17.0

225 13 0
                                    

Naisipan kong matulog sa loob ng model unit kagabi. May ideya na ako sa kung anong meron sa Davao, Cebu, Clark, at sa palibot ng GMBS.

Hotdog, bacon, over easy, at pan cakes ang niluto ni Charlie para sa agahan namin. Patuloy pa rin sila sa panonood ng TV.

"May mga lugar nga na hindi apektado," sabi ni Yassy.

Tumango lang ako sa sinabi niya at ako'y tumuloy sa catwalk papuntang Farmings. Maganda ang araw. Yung tipo ng araw na gusto mo lang mamasyal.

Lumabas si Yassy at lumapit sa akin. "Pwede na natin ituloy ang paglalakbay natin."

"Sana nga," ang aking sabi. "Kaya lang ang mga zombie..." At ako'y napatigil sa pagsasalita. Wala na ang ungol na gaya nang nakaraang araw. "Wala ka bang naririnig?"

"Ano?" ang tanong ni Yassy.

"Wala nang ungol."

Dali dali akong nagtungo sa Farmings diretso sa overpass. Ang mga zombie ay nanumbalik sa dati nilang itsura. Hindi na sila umuungol. Pasuray suray na uli ang kanilang galaw. Tumayo ako sa itaas ng hagdan subalit halos hindi ako napapansin. Kinuha ko ang aluminum na basurahan at ihinagis sa mga zombie sa ibaba. Napansin nila ako pero hindi sila maka-akyat sa hagdan.

Napansin ako ni Polo. "Anong ginagawa mo?"

"Tignan mo," sabay turo sa zombie ng dati niyang amo. "Bumalik na sila sa dati."

"Ganun pa man," sabi niya. "Hindi pa rin naman kami maka-alis dito kasi nasa baba silang lahat. Nakaharang."

"Madali na lang yan," ang aking sabi.

Pumunta ako ng hardware store para maghanap matibay na kahoy na pwedeng gawing tulay. Tinawagan ko si Charlie at Irvine para tulungan ako sa paggawa. Inabot din kami ng ilang oras bago natapos ang tutulayan.

"Ayan," ang sambit ni Irvine. "May hawakan pa para maski may bata hindi delikado. Gawan na lang ng hagdan diyan sa hotel at dito sa overpass."

Tumawid agad si Polo at Dan at may sinama pa silang isa. "Si Allen," ang pakilala ni Dan.

"Tignan niyo na lang kung may makukuha kayo sa supermarket sa ibaba ng Farmings," ang aking sabi. "Ligtas sa loob. Sinuyod na namin lahat."

"Pilipinas at Taiwan pala ang apektado nito," ang sabi ni Dan.

"Paano mo nalaman," ang aking tanong.

"May cable pa sa hotel," tugon niya. "Pero ayaw pa nila magpadala ng tulong dahil hindi pa sila sigurado kung anong klaseng sakuna ang nakarating sa atin."

Ngayon ay may impormasyon na kami mula sa labas, may pagkain. At sa tingin ko, munting komunidad. Sigurado akong may ibang tao pa sa ibang condo at hotel. Ang tanong lang ay nakatagal kaya sila ng ganito.

Zombie.phTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon