Day 11.0

304 15 0
                                    

Bago kami natulog kagabi ay gumawa uli kami ng dagdag na Molotov cocktail na magkakasya sa dala naming icebox.

Maaga kaming umalis kanina sa pabrika. Gaya nga ng inaasahan namin, wala masyadong zombie sa daan palabas ng compound. Sumunod sila lahat sa amoy ng pagkain kagabi. May ilan nga lang zombie sa labas ng compound dahil sa amoy ng pagkain pero hindi naman sila ganon karami at madali namin silang naalis sa mundong ibabaw.

Ibang problema na nga lang ngayon ang kinakaharap namin. Isang malaking problema.

"Hindi natin kayang ubusin lahat nyan," ang wika ni Yassy. Napakaraming zombie sa Mercury Ave. Wala naman masyado sa flyover pero may mga nakaharang.

Tinignan ko ang icebox na puno ng Molotov. "Sunugin na lang natin sila," ang aking sinabi. "Ubusin natin ang laman ng icebox."

Matagal bago sumagot si Yassy. "Sige."

"Unahin natin ang mga nasa gilid ng flyover sa kanan, sa may paanan nito. May makapansin man sa atin na zombie, yun ang mga nakaharang lang sa flyover."

Tig-isa kami ng Molotov na sinindihan at hinagis sa pinupunterya naming mga zombie. Hindi lahat at tinamaan ng apoy ngunit walang zombie ang nakapansin sa amin. Ginawa ulit namin sa pangalawang pagkakataon; at halos lahat na ng mga zombie sa gilid ng flyover ay nagaapoy na.

"Hindi na makakadaan paalis ang mga nasa ilalim ng flyover," ang aking sabi. "Isunod na natin ang mga nakaharang."

Tig-isa uli kami ng Molotov at kalahati ng dami na nakaharang ang nag-apoy, sa pagkakataong ito, may mga zombie na nagtungo sa direksyon namin.

Tig-isa muling Molotov ang aming sinindihan at hinagis. Tumigil ang mga papalapit na zombie sa harap ng apoy na nakaharang sa harap nila. Isa muling pares ng Molotove para sa mga nakatigil sa harap ng apoy.

"May mga zombie na parating mula sa kanang bahagi ng flyover!" sigaw ni Yassy.

Hinagis na namin ang mga natitirang Molotov sa paparating na zombie para hindi na sila makalapit pa.

"Paano ba yan? Ubos na Molov natin," ang sabi ni Yassy.

"Oo nga. At puro apoy ang paligid ng flyover."

"Paano tayo dadaan diyan?"

Wala na kaming ibang choice kundi hintaying mamatay ng kusa ang apoy. "Mukang matatagalan pa tayo dito," ang aking sabi.

Lumipas ang halos isang oras bago namatay ang apoy. Abo ang natira sa mga zombie. May mga natira pa ring zombie sa ilalim ng flyover pero hindi na namin sila inintindi. Dali dali kaming umakyat sa flyover at tumungo kami ng Katipunan Avenue.

"Saan tayo dadaan? Bonny Serrano o Katipunan," tanong ni Yassy.

"Dito na lang tayo sa Bonny. Mas maiksi ang lalakarin natin kung dito tayo dadaan."

Nilakad namin ang Bonny Serrano. Lumiko kami ng 20th Avenue tapos lumiko uli sa Tuazon.

Ka-initan ng sikat ng araw nang makarating kami ng Hali Mall. Maraming mga nakahandusay na katawan sa kalsada. "Zombie ba sila o tao?" ang aking nasambit.

Bukas ang Hali Mall. Ibig sabihin, mall hours pa nung nagsimula ang gulo dito sa Cubao.

Zombie.phTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon