HINDI NA TAKOT SA DILIM (2018)

7 1 0
                                        


Gabing madilim sa aking mundo
Hindi malaman saan patungo
Ako ay nangapa at naghanap
Nagbakasakaling makakita ng liwanag

Bituin ang unang nasilayan
Marikit, maganda at kumikinang
Tila tumitibok na puso ng tao
Sa tuwing kumikislap ito

Subalit tulad ng ibang bituin
Ito ay namatay at naglaho rin
Nang liwanag nito ay naglaho
Muli ay naligaw na naman ako

Hindi alam saan dadako
Dapat pa bang ipagpatuloy ito?
Halos ako ay sumuko na
Hanggang sa aking masilayan
Ang liwanag ng buwan

Matagal na siyang nangniningning
Subalit hindi ko napapansin
Mas maliwanag sa bituin
At mas mahirap abutin

Masyado akong namangha
Ninais ko itong makuha
Nakaligtaang hindi maaari
Sapagka't may iba nang nagmamay-ari

Masyado akong nasilaw
Hindi makahakbang, hindi makagalaw
Natigil ang paglalakbay
Halos tuluyan nang bumigay

Hanggang sa aking napagtanto
Hindi habang-buhay madilim ang mundo
Habang ako ay nangangapa
Bituin at buwan ang aking nakita

Buong akala ay sila na
Subalit hindi pa pala
At naalala ko ang araw
Ang pinakamaliwanag na ilaw

Kapwa nanghiram lamang ng liwanag
Ang buwan at bituin sa araw
Kaya hindi dapat mangamba
Hindi habang-buhay nangangapa

Sisikat din ang araw sa aking mundo
Hindi man ngayon ay hihintayin ko
Hindi titigil sa paglalakbay
At matutong mag-isang mamuhay

Hindi umaasa sa kaunting ilaw
Na sa akin ay mabibigay linaw
Sapagkat lahat ay malinaw na
Hindi ko kailangang umasa

Hindi ang bituin o buwan
Hindi ko sila kailangan
Matututo akong malakad
Sa madamo at madawag na gubat

Kahit madilim at hindi makakita
Hindi matatakot ihakbang ang paa
Dahil kaya ko nang mag-isa
Hindi ko kailangan ng liwanag ng iba

G.O.D. FILES 101Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon