Nagpupumiglas ako sa pagkakatali
Walang lumalabas mula sa aking labi
Nais kong isigaw ang nararamdaman
Nais kong pakawalan ang nasa isipan
Subalit ika ng mundo'y "di maaari"
Kahit anong pilit walang makikinig
Matagal nang sarado ang kanilang isip
Ang pinaniniwalaa'y sarili nilang panig
Sa isang madilim na kwarto
Katotohana'y nanatiling nakatago
Hindi na ito naisiwalat pa
Wala nang nakaalam ni isa
Nag-iingay subalit walang nalalaman
Namamalita ang bulag sa katotohanan
Ano ang bunga ng kamalian?
Inakalang tama ang mali naman
Ang hawak kong tela ay pula
Sinabi ng isa ito'y lila
Bago ko pa man maipagsigawan
Natakpan na ang aking bibig ng kamalian
