Chapter 5: Engkantada (Part 2)

432 10 0
                                    

"Noong unang panahon, sa malayong kagubatan ay may isang magandang engkantada ang nakatira. Siya ang nangangalaga sa kagubatan, sa mga halaman at mga hayop na dito naninirahan... Nakakausap niya ang mga hayop at halaman.. At nalalaman niya kung may nananakit sa kanila o umaabuso sa pwede nilang kunin para sa kanilang pagkain at pamilya..."

"Sa una ay naging maayos ang lahat, pero ang tao ay sadyang ganid.. mga sakim.. unti-unti ay kinaldo nila ang mga kabugatan.. pinutol ang mga puno... pumatay ng iba't ibang klaseng hayop. Ang iba ay ibinebenta.. ang iba naman ay ginagawang palamuti sa bahay.. Lubhang nalungkot ang engkantada.. Narinig niya ang mga iyak at panaghoy ng mga puno at ng mga hayop na kanyang nasasakupan.. At mula noon ay ipinangako niya sa kanyang sarili na hindi na muling mauulit pa ito..."

Huminto saglit si Lola at inabot ang oxygen na malapit sa kanyang tabi.. Lumapit pa sa kanya si Uncle Fred at tinanong kung kaya pa niyang ituloy ang kanyang pagkukuwento. Isang halik ang iginawad ni Lola kay Uncle. Napaupo na lang ito sa kanyang tabi. 

"Mula noon, ay kumalat ang balitang marami ng mangngahoy at mangangaso ang hindi na muling nakakabalik ng bayan. Waring sila ay naliligaw o marahil ay tuluyan ng pinarurusahan ng engkantada. Marami ang natakot na umakyat ng bundok. Walang nakakatiyak sa mga kuwento. Halos ang lahat at may bersiyon ng katotohanan. Marami ang naduwag na baka nga totoo ang mga bali-balita. Ngunit, may iba din naman na nagtangka ding pumasok at muli ay manguha ng mga puno at mga hayop na pangkalakal.."

"Isang grupo noon ng mga mangangaso ang sinasabing umakyat ng bundok, Lunes ng hapon, ngunit lumipas ang dalawang linggo, akala ng lahat ay wala nang makakabalik pa sa mga mangangaso. Ngunit, nakabalik si Bong, isang pipi na kasama sa grupo. Nakita na lang daw si Bong na nakahiga sa isang kubo malapit sa paanan ng bundok. Ilang linggo din siyang waring nakatulala.. Pero, nagulat ang lahat ng isang araw ay nagsalita si Bong.. Regalo daw ito sa kanya ng engkantadang nagbabantay sa kagubatan. Pumayag daw itong bumalik siya at nang masabi niya ang hinanakit ng kalikasan." muli ay huminga si Lola sa pamamagitan ng kanyang oxygen. 

Tumayo ako sumaglit para kumuha ng sarili kong juice. Natanawan ko ang mga kasam-bahay na matamang nakikinig sa kuwento ni Lola. May kung anong kislap sa kanilang mga mata.. Natuon ang pansin ko sa hardinero ni Lola.. Halos may luha na sa mga mata ni Mang Bong... Marahil ay nadala lang ito sa mga kinukuwento ni Lola. Napapiling na lang akong bumalik sa aking kinauupuan. 

"Sa umpisa ay marami ang sumunod sa mga sinabi ni Bong.. wala ng mangangasong pumatay ng kahit na anong hayop liban sa pagkain ng kanilang pamilya. Wala na ding nagtangkang pumutol ng mga punong kahoy... Ngunit, sadyang matigas ang ulo ng mga tao.. Para sa kanila, pag-aari nila ito at sila ang dapat na makinabang ng lahat ng biyaya ng gubat..."

"Unti-unti ay bumalik ang lahat sa mga masamang gawain ng mga tao. Halos kalbo na ang gubat.. Halos wala ka ng makikitang hayop sa paligid, mga baboy-ramo, unggoy, maging ang mga agila ay ubos na din. Labis na nalungkot ang engkantada.. Hindi niya nakayang pigilan ang mga gawain ng mga tao.. Ang kanyang lakas at kapangyarihan ay nanggagaling sa gubat.. at ng masira ito ay unti-unti na siyang nanghina.. Nawalan ng kapangyarihan..."

"Hanggang sa isang araw ay may isang estrangherong dumating sa lugar. Katulad ng engkantada ay may pareho itong adbokasiya na pagyamanin ang kagubatan at bigyang buhay ang halos patay ng bundok. Marami sa mga tao sa baryo ang sumang-ayon. Marahil ay dahil naging apektado sila tuwing umuulan at binabaha ang buong bayan. Lumimit ang mga taong pumapanhik ng bundok upang magtanim. May ilang beses din silang nagpakawala ng mga ibon para doon mamugad, ilang mga hayop na pares-pares kung pakawalan... Unti-unti ay bumalik ang kagandaan ng gubat.. Dahan-dahang nabuhay ang mga hayop at bumuo ng kanilang sariling mga pamilya."

"Natuwa ang engkantada sa kanyang nasakshan. Dahan-dahan ding nanumbalik ang kanyang lakas.. ang kanyang kapangyarihan. Unti-unti ay napapahanga siya sa kakayahan ng lalaki na ibalik ang nawala sa gubat... Ang kagandahang taglay nito.. ang kariktang hinangaan ng karamihan.."

Napahanga ako sa lalaking kinukuwento ni Lola. Napatingin ako sa lawaran ng aking Lola. At napangiti ako.. Parang si Lolo ang nilalarawan sa kuwento. Napasulyap din ako sa may di kalayuan. Sa mansiyon kasi ng aking Lola ay matatanawan ang kagandahan ng bundok sa may di kalayuan.. Luntiang paligid, masaganang mga puno, at tanaw ang mga nagsisiliparang mga ibon. Marahil ay marami ding iba't ibang klase ng hayop dito. 

"Pagpahingahin muna ninyo saglit ang inyong Lola. Belen, manong tumugtog ka muna ng piano.. Gustong marinig ng iyong Lola ang husay mo sa pagtugtog." wika ni Auntie Delia. 

"Sige po."

Nagpasintabi naman ako sa aking mga pinsan at kailangan kong mag-banyo. Umakyat ako sa second floor ng mansyon at tinungo ang banyo sa aming kuwarto. Palabas na ako noon ng may marinig akong ingay sa loob ng kuwarto ni Lola. Medyo kinabog pa ang dibdib ko.. baka kung ano ang makita ko dito.. Bahagyang nakabukas ang pinto ni Lola.. marahan kong binuksan ito.. 

At laking gulat ko sa aking nakita.. May mga malilit na animo'y mga paru-paro ang nagsisiliparan sa paligid.. Waring tuwang-tuwa sa musikang kanilag nadidinig.. Naaliw naman akong pagmasdan sila sa kanilang pagsasayaw.. Ang pagkakaalam ko ay mga lambana ang tawag sa kanila.. Ayon na din sa isang kuwento ni Lola. Mga animo'y tao sila na may pakpak ng paru-paro.. Sila ay mga mumunting diwata ng kagubatan.. 

Marahan kong isinara ang pinto ng kuwarto. Marahil ay hindi na nila dapat pang malaman ang aking nakita. Baka isipin nilang gumagawa lang ako ng kuwento.. 

"Pssss!!!" ang tawag sa akin ng aking ina. 

"Ano'ng ginagawa mo diyan?" dugtong nito/

"Wala po... Nag-cr lang... Mauna na ako Ma." sabay talikod ko sa aking ina.

Hindi kasi ako sanay magsinungaling kay Mama, kaya't umiwas na lang akong matanong niya.Naramdaman kong pumasok si Mama sa kuwarto ni Lola. Wala naman akong naramdamang kakaiba, bukod sa huni marahil ng ibon.. 

Nagkibit-balikat na lang ako at bumaba. Pabalik na ako sa aking kinauupuan nang mapansin kong wala ang mga kasam-bahay namin sa kinatatayuan nila kanina. Napansin kong may bahadyang liwanag sa likod-bahay kung saan nandoon ang aming pool.

Napakusot na lang ako ng aking mata sa aking nakita. Sinampal ko pa ng marahan ang aking sarili upang waring gisingin ang aking diwa. Mga sirena ang aking nakikitang naglalangoy sa aming pool. Ang mga babae ay pawang nakalubog sa tubid, may dalawang siyokoy na magkatabi na waring tumutugtog ng bandurya.. Nakakatuwang pagmasdan.. Mukhang ginu-good time kami nina Lola at ng kanyang mga anak. Mukhang set-up lang ang lahat ng ito.. Para mas feel namin ang mga kuwento ni Lola Tasya. 

Hindi ko nagawang magkuwento sa aking pinsan na si Stephanie. Katabi ko siya noon at tinatanong kung saan ako nagpunta. Dinahilan ko na lang na sumakit ang tiyan ko kaya ako natagalan. Napangiti na lang ako ng magbalik si Mama na kumindat pa sa akin. May kung anong liwanag akong nakita sa kanyang balikat.. Ang isang lambana na nakita ko kanina.. Parang may binubulong sa aking ina. Nang mapukaw ang tingin niya sa akin, ay kinindatan din niya ako... 

Magkahalong kaba at tuwa ang aking nararamdaman.. Mahirap ipaliwanag ang kanina ko pa nakikita, pero may kung anong saya at katahimikan ang dulot nito sa akin kalooban.. 

Muli ay pumuwesto si Lola at ipinagpatuloy ang kanyang kuwento... 

The World of the UnknownTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon