Part 7

27.9K 654 19
                                    


"LOLA, wala akong tiwala sa kaniya. Galing siya sa kompanyang gustong bumili ng lupain natin, hindi ba? Bakit ang bait niyo sa kaniya?"

"Sinasabi mo 'yan pagkatapos mo maubos lahat ng pagkaing dala niya para sa atin?"

Uminit ang mukha ni Lyn sa panunukso na narinig niya sa boses ng kanyang Lola. Pinagpatuloy lang niya ang pag-aayos ng kulambo sa papag nila. Alas otso na ng gabi at oras na ng tulog nila. Maaga pa kasi ang gising niya bukas para mamitas ng mga gulay na ibebenta niya.

Magkatabi na sila ng kanyang Lola sa papag at ilang minuto nang tahimik nang magsalita uli ito, "Mabuti siyang tao, Lyn."

Hindi siya dumilat at yumakap lang sa kanyang Lola. "Gusto nilang kunin sa atin ang bundok. Ito lang ang kayamanan natin, Lola. Namana pa natin 'to sa mga ninuno natin, 'di ba?"

"Hindi ibig sabihin 'non masama siyang tao. Ginagawa lang niya ang trabaho niya. Maniwala ka sa akin kasi magaling ako humusga ng tao. Hindi kita ipapahamak apo. Ayaw mo ba 'non, may lalaking nagkainteres sa 'yo?"

Medyo natawa siya. "Hindi siya interesado sa akin, Lola. Kunwari lang 'yon kasi may kailangan siya sa atin."

Kumilos ang Lola niya at tinapik ang kanyang braso kaya dumilat siya. Pinanlakihan siya nito ng mga mata. "Bakit, hindi ka naniniwala na posibleng magkagusto sa'yo ang isang lalaking 'ganon. Bah! Maganda yata ang apo ko at ubod pa ng talino at bait."

Napangisi siya at hinigpitan ang yakap. "Kaya labs kita, Lola 'e."

"Hu, ako 'rin naman mahal na mahal kita. Kaya nga gusto ko, bigyan mo ng pagkakataon ang lalaking nagpapakita sa'yo ng interes."

Hindi na siya kumibo at umayos na lang ng higa. Kung babalik pa siya. Pumikit siya ulit. "Goodnight, Lola."

HINDI PA man sumisikat ang araw gising na si Lyn. Naligo siya sa banyo na nasa likod ng bahay nila at mabilis na nagbihis. Bago siya umalis para magpunta sa taniman nila gising na rin ang kanyang Lola.

"Aalis na po ako."

"Sige. Nawa'y maging masaya ang araw na ito para sa'yo, apo."

Kumunot ang noo niya sa makahulugang ngiti ni Lola pero hindi na lang niya masyadong pinansin. Hinalikan niya ito sa pisngi at saka lumabas ng bahay.

Malamig at hindi pa masyadong maliwanag pero balewala 'yon kay Lyn. Nakangiti pa nga siya habang naglalakad at nilalanghap ang pang-umagang simoy ng hangin. Nang makarating siya sa taniman nila at nagsimulang mag-ani ng mga pwede nang ibenta humuhuni pa siya ng kanta na palagi niya naririnig sa radyo. Ilang sandali pa napuno na niya ang bayong na dala niya. Nang matapos sa pamimitas nag-inat siya kasi sumakit ang balakang niya kakayuko. Saka siya naglakad pababa ng bundok.

Ilang metro pa lang ang nalalakad niya mula sa paanan ng bundok at papunta naman sa daan kung saan siya mag-aabang ng tricycle nang mapansin niya ang isang asul at magarang pickup. Napahinto siya sa paglalakad at gulat na napanganga nang makitang nakatayo sa gilid 'non si Benedict. May kausap ito sa cellphone at malayo ang tingin. Pero nang lumingon ito sa direksiyon niya at magtagpo ang kanilang mga paningin nakita ni Lyn na dumeretso ng tayo ang binata at para bang nagpaalam sa kausap. 'Tapos mabilis nitong ibinaba ang cellphone at isinuksok sa bulsa ng suot na pantalong maong.

Kumabog ang dibdib niya at sandaling hindi alam ang gagawin nang humarap ito sa direksiyon niya. Ngumiti ito. Nahigit niya ang hininga. Hinihintay niya ba ako? Bakit? Lumunok si Lyn at kinalma ang sarili. Saka naglakad palapit sa kinatatayuan ni Benedict.

Bachelor's Pad series book 10: THE WOLF'S SEDUCTION (Benedict Barcenas)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon